🌻Ako si Elena
Labing siyam na taong gulang na
May batang laging kasama
Dahil nabuntis ng maaga
Teka
Wag ka munang manghusga
Hindi ako kaladkarin
O palakarin
Matino akong tao
Na may pangarap
At pangako
Sa pamilya
At sa sarili ko
Mga pangakong hindi na matutupad dahil sa ginawa niyo
Ng gabing nangyari yon
Yung gabing kahit lumipas na ang ilang taon
Ay nanunuot sa isipan
Ang bawat detalye ng inyong kahalayan
Ang bawat haplos
Na hindi na maaalis kahit ganong oras pa ang lumagpas
Ang bawat ungol
Na hindi maalis sa isipan
Gabi gabing naririnig ang halinghing sa aking isipan
At nanginginig ang aking mga laman
Nandidiri sa aking sariling katawan
At nagagalit sa mapagsamantalang lipunan
Na imbis na ako'y maintindihan
Ay inyong hinusgahan
At iniwan
Nung panahong kailangan
Ng kasama't kaagapay
Sa buhay
Na tatahakin
Na aking haharapin
Pero kabaliktaran ang nabungaran
Isang sampal sa pisnging kaliwa't kanan
Isang
Isang daan mura ng amang sarado ang isipan
At may isang pinaniniwalaan
Ang unti unting pagtalikod ng ina
Na inasang kakalinga' t yayakap
Na kasama ko sa pag-abot ng pangarap
Ay unti unti akong inayawan
Nanlumo sa aking kinatatayuan
Ngunit dapat akong lumaban
Di dapat na panghinaan
Tinapos ko ang pag-aaral
Na walang ibang minahal
Kundi ang munting bata
Na kasama
At iniluwal
Inabot ang pangarap
Habang hawak ang kamay ng batang nakangiti't saki'y humahanga
Ng batang naging sanhi ng pagtalikod sakin ng mundo
Pero di ko pala kailangan ng mundo
Dahil ang batang ito
Ang naging mundo ko
Siya lang ang tumanggap
Ng walang pagpapanggap
Hindi tumalikod
Dahil sakin lang siya'y nakaharap.