54 Hiram

14 0 0
                                    

Bawat hakbang, bawat ikot,
Bawat pagdampi ng iyong palad sa aking baywang at pagkapit ko sa iyong balikat
Kada ngiti, kada titig at sulyap
Napapansin niya kaya?
Ito na ang ating huling sayaw,
Naiintindihan ko kung kapwa hindi tayo kukurap

Sadyang napaka romantiko ng sandaling ito
Masdan mo't pumapalakpak pa ang mga tao kasabay ng luhang bumibisita sa gilid ng kanilang mga mata
Kay layo rin kasi ng ating narating at saksi sila
Hindi ko rin inaasahan na ito ang kahahantungan nating dalawa
Kung saan sabay tayong iiyak sa araw na hinihintay natin at binalak noong simula

Humihina na ang musiko,
Sisipatin kita sa sandaling ito
Suot ang iyong mamahaling tuxedo
At ang akin na pinarisan ng puting bestida ang iyong baro
Dinadalaw ako ng ala-ala ng sandaling binubuo pa lamang natin ang plano
'Yung sandaling kausap kita sa bangko
Sabi ko'y sana sa dalampasigan ang pinaka masayang araw ito
Kaya nga't tayo'y narito

Huling yakap, huling yapos, huling luha
Huling ngiti at huling dama sa'yong mga palad
Ito na't lumuluwag na ang ating hawak,
Tinutunton ko ang iyong bawat lakad
Huling punas mo sa'king mga luha, huling banggit ng salamat,
Marahan.
Dahan-dahan mo ng inilalapat ang aking mga kamay sa palad niyang naghihintay
Huling tingin.
Huling sabi ng patawad
Ikaw ang kasama kong bumuo ng mga pangarap
Ngunit sa iba ko tinupad.

Paalam sa hiram na sayaw.
At sa hiram na sandali.
Paalam.

100 TULA: Sa Panauhin ni KupidoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon