57 Oyayi

13 0 0
                                    

Naaalala ko pa kung paano akong tumatahan sa oyayi ni nanay
'Yung mapapawi ang pananangis sa sandaling iduduyan
Ihehele sa awitin niyang pulos himig na walang liriko
At ang tono'y kaniya lamang imbento
Kung sana ay ganyan din lang ang paraan at mapapawi na ang aking lungkot
Kung sana'y yugyog lamang sa duyan at kakalma na ang masama kong loob
Kung magiging sapat lang sana muli ito para sakit ay maitulog

Hinihintay ko na ang pagsuyo mo,
Ang hinahong dala ng paliwanag kung bakit tayo nagkaka ganito
Minsan sana'y iduyan mo rin ako at awitan kahit sintunado
Tulad ng oyayi ni inay, kahit hindi mo na samahan ng liriko
Himigin mo lang ng may pasensya't pagsuyo
Hindi ko na maaalala ang aking tampo
Samahan mo lang hanggang maipahinga na ang pagod ko

Bumibigat ang aking talukap sa aking naririnig
Wala man ang mga salitang kailangan mong ipabatid
Tikom man ang iyong bibig,
At ang paliwanag ay hindi mabanggit
Sapat na ang puso mo ang umaawit
Unti-unti nang pumipikit ang aking mga mata,
Gumagaan na rin ang aking nadarama
Upos na ang galit na dala-dala

100 TULA: Sa Panauhin ni KupidoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon