53 Kumusta?

13 0 0
                                    

Kumusta?
Naiusal ko isang umaga
Bakit ganiyan ang iyong ngiti?
Tila pilit lamang ang pagguhit sa iyong mga labi
Nakikita ko pa ang natuyo mong luha sa gilid ng iyong mga mata

Kumusta?
Muli kong tanong ng sumunod na araw
Nariyan muli ang mapait mong ngiting hindi maikubli
Nandiyan rin ang bakas ng inagusan ng iyong mga luha

Kumusta?
Ito ang huling sandaling nagawa kitang tanungin
Hindi sa napapagod na akong alamin
Ngunit kita ko na kung bakit kaya't ayaw ko ng ulitin

Nasasaktan ka sa bawat gabing hindi mapawi ang lamig
Lumuluha sa ala-alang gustong maibalik
Nananangis sa unan na hindi ka naman nauunawaan
Binabalikan pa rin kahit ilang beses nang inaalala ang kaniyang paalam

Mauupo akong muli rito sa silid
Nais kitang makita't makausap muli
Gusto kong tanungin kung kumusta ka na sa huling sandali
Nahihimigan kong kaunti na lamang ang tanong na umiikot sa aking isip
Iilan na lang ang sagot na hinihintay ko mula sa iyong labi

Kumusta-
Gulat ang rumehistro sa aking mga mata,
Gulat rin ang namataan ko sa iyong mukha
Mukhang masaya ka yata
Wala ng pait sa'yong tingin, himala
Sino kaya ang nagbalik sa ningning ng iyong mata,
Sabi ko'y hindi na ako magtatanong sabay pa tayong napailing sa pagka dismaya
Oo nga, tanggap mo na nga pala
Isang sulyap pa't kapwa na tayong natawa
Isa pang ngiti't nilisan ko na ang salamin at tuluyang nahiga

100 TULA: Sa Panauhin ni KupidoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon