LESSON 03- Bad Guy

3.1K 153 24
                                    


HINDI tanga si Olive para hindi agad malaman na may hindi magandang binabalak si Mr. Gaston sa kaniya. Sa paraan pa lang ng tingin nito at tono ng pananalita ay halata niya na meron itong pagnanasa sa kaniya. Malagkit ang tingin ng guro sa kaniya at paanas na itong magsalita nitong huli.

Umusog siya palayo dito nang halos magkadikit na ang kanilang mga braso. Nakayuko siya dahil titig na titig ito sa kaniya na para bang lalamunin siya ng buo. Relax, Olive. Baka mali ka ng iniisip. Paranoid ka lang siguro... aniya sa sarili.

Ang mabuti pa siguro ay umalis na siya. Nilakasan niya ang kaniyang loob. Iniangat niya ang mukha at may takot na sinalubong ang mata ni Mr. Gaston. "Madilim na po pala. Uuwi na po ako, Mr. Gaston. Bukas na lang po tayo ulit mag-usap para nandito rin po si Teacher Alona. Mauuna na po ako!" Pilit na ngumiti si Olive.

Sa pagtayo niya ay napasinghap siya nang hawakan siya nito sa kamay. Kinilabutan siya nang dumampi ang palad nito sa balat niya.

"Sandali lang naman. Hindi pa tayo mag-usap, Olive! Umupo ka muna dito!" Malakas siyang hinila ni Mr. Gaston paupo. "Ayaw mo bang malaman kung ano ang magiging kapalit ng pagtulong ko para hindi mawala ang scholarship mo? Kayang-kaya kong gawin iyon. Simple lang ang gusto ko. Ang gusto ko ay-"

"Sorry po pero kailangan ko na talagang umalis." Pinutol na niya agad ang sasabihin ni Mr. Gaston. Kung ano man iyon ay parang hindi niya kayang marinig dahil sa taas ng respeto niya dito. "N-nasa labas po ang tatay ko. Naghihintay po siya sa akin." Pagsisinungaling niya. Gusto lang niyang umatras si Mr. Gaston sa kung ano mang binabalak nito kapag nalaman nito na nasa labas ng school ang tatay niya.

"Niloloko mo ba ako?!" Nanginig siya nang tumaas ang boses ng lalaki.

"H-hindi po-"

"Alam mo, masyado kang pakipot!" Impit na napasigaw si Olive nang hawakan siya nang mahigpit ni Mr. Gaston sa magkabila niyang balikat. Pahigpit nang pahigpit ang pagkakahawak nito hanggang sa parang pinipiga na nito ang buto niya.

"A-ano po bang sinasabi ninyo?" Kulang na lang ay maihi siya sa takot.

"Alam kong alam mo ang gusto kong mangyari ngayon, Olive. At hindi ako maniniwala kung hindi ka papayag. Wala kang karapatan na mag-inarte. Dalawang lalaki nga ang gumalaw sa iyo sa video mo tapos kinaya mo. Malandi ka. Daig mo pa ang pokpok! Kaya sigurado akong kakayanin mo rin ngayon dahil isa lang ako-"

Lumipad ang palad ni Olive sa isang pisngi ni Mr. Gaston. Kusang gumalaw ang kamay niya dahil sa labis na siyang nababastos sa pinagsasabi nito.

Anong karapatan nitong husgahan ang pagkatao niya dahil lang sa video scandal niya? Hindi ba't ito ang dapat na makakaintindi sa kaniya dahil isa itong guidance counselor? Pero bakit ito pa ang nananamantala sa kaniya ngayon?

Nanlilisik ang mata ni Mr. Gaston nang sakalin siya nito ng isang kamay. "Ang arte mo! Akala mo ay kung sino kang malinis, e, may scandal ka naman!" bulyaw nito.

"B-bitiwan niyo po... a-ako! H-hindi na ako m-makahinga!" Nahihirapang pagmamakaawa ni Olive sa lalaki.

"Talagang masasaktan ka dahil sa kaartehan mo, Olive. 'Wag ka na lang pumalag para mabilis tayong matapos!" Dinilaan siya nito sa kaliwang pisngi.

Gumapang ang kilabot sa buong katawan ni Olive. Inumpisahan na siyang paghahalikan ni Mr. Gaston sa kaniyang mukha hanggang leeg. Ngunit kung inaakala nito na hindi siya lalaban ay nagkakamali ito. Habang abala ito sa paghalik ay gumagapang ang isa niyang kamay papunta sa bag na nasa gilid ng sofa. Mula doon ay kinuuha niya ang kaniyang cellphone.

Diyos ko! Tulungan Niyo ako! Sigaw ng utak ni Olive.

Mahigpit niyang hinawakang ang cellphone at buong pwersang inihampas ang puwitan niyon sa noo ni Mr. Gaston. Sa lakas ng pagkakahampas niya ay nag-crack ang screen ng kaniyang cellphone at sumabog ang dugo sa noo ng guro.

School Trip 8: ViralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon