LESSON 04- A Dead Body Has Been Discovered

3K 166 26
                                    

LAHAT ay nagulantang sa natagpuang patay na katawan sa CR ng guidance office. Walang iba kundi si Mr. Gaston. Basag ang bungo nito na malalaman agad na dahil sa inihampas o humampas ang ulo nito sa gilid ng lababo dahil natipak nang malaki iyon.

Umagang-umaga ay nagkalat na ang mga pulis sa Wellingtong High. Nakita kasi ng janitor ang bangkay ng guro kaya nitong sinabi sa security guard kaya nakatawag agad ng mga pulis. Halos kasabay din na dumating ang ambulansiya. Maraming estudyante ang nakapaligid sa guidance office at nakahanda ang mga cellphone para kunan ng picture at video ang bangkay na ilalabas doon.

Isa sa mga nasa kumpol ng estudyante ay si Olive. Hindi siya makapaniwala na patay na si Mr. Gaston matapos siya nitong pagtangkaang gawan ng hindi maganda. Nakakakilabot. Sino kaya ang may gawi nito sa guro? Ano ang motibo nito? Siguro, kung nanatili siya doon at hindi nakatakas ay baka nadamay pa siya sa nangyaring pagpatay kay Mr. Gaston.

Mas lalong nagkagulo ang mga estudyante nang inilabas na ang katawan ni Mr. Gaston na nakalagay sa stretcher. May takip na kulay puting tela ang bangkay ni Mr. Gaston pero bakas ang dugo sa bandang ulo. Kaniya-kaniyang kuha ang mga tao ng picture at video para may ma-post sa social media. Kapag mga ganoong post kasi ay siguradong tatabo ng reactions.

Tumalikod na si Olive at umalis. Doon na lang siya sa rooftop ng school building dahil gusto niyang mapag-isa. Gusto niyang mag-isip-isip lalo na at desidio ang tatay at daddy niya na kasuhan ang dalawang lalaki na nambaboy sa kaniya sa video at kung sinu-sino pa ang kasabwat ng mga ito kasama na ang nag-upload ng video sa social media.

Sa totoo lang ay ayaw na niyang ituloy ang pagdedemanda dahil mas lalo lang hindi mamamatay ang issue at scandal na iyon. Mas dadami ang mangingialam kapag nagkataon. Masakit man na nangyari sa kaniya ang ganoong bagay ay mas gusto na lang niyang mag-move on. Hiyang-hiya na kasi siya. Gusto na niyang huminto sa pag-aaral at magkulong na lamang sa loob ng bahay pero naiisip niya ang kaniyang mga magulang na iginagagapang ang kaniyang pag-aaral. Kaya nga ayaw niyang mawala sa kaniya ang scholarship niya dito sa Wellington High. Kapag nangyari iyon ay madadagdagan ang gastos nila at baka mahirapan ang tatay at daddy niya. Sapat man ang kinikita ng mga ito bilang mga ahente ng bahay at lupa ay natatakot siya na baka mahirapan ang dalawa kapag nadagdagan ang gastos ng mga ito. Dahil kasi sa scholarship niya dito ay wala silang binabayaran kahit piso. Ang tanging gastos lang ay ang baon at pamasahe niya. Kaya malaki ang mawawala sa kanila kapag nawala ang scholarship niya.

Pagdating ni Olive sa rooftop ay hindi niya inaasahan na makikita niya doon ang kaniyang nobyo na si Israel. Mag-isa ito habang nakaupo sa gilid. Nakatanaw sa malayo kaya hindi nito namalayan ang pagdating niya.

Tahimik niya itong nilapitan. "Israel..." tawag niya nang nasa likuran na siya nito.

"Fuck!" Nagulat ito at natakot siya nang akala niya ay mahuhulog ito. Lumingon ito at umalis sa pagkakaupo sa gilid. "Olive? Anong ginagawa mo dito?" tanong ni Israel.

Parang gusto na tuloy niyang pagsisihan na tinawag pa niya ito. "Itatanong ko din sana sa iyo iyan." Parang hindi niya kayang humarap dito dahil sigurado siyang alam na nito ang tungkol sa kumakalat na video scandal niya sa social media.

"Nag-iisip. Masyadong magulo sa ibaba."

"A-aalis na lang ako-" Itinigil niya ang sasabihin. "Israel, sorry. Sorry!" Kusang tumulo ang luha ni Olive nang makita ang pait at sakit sa mukha ng kaniyang boyfriend.

Alam niya na nasasaktan ito. Mali na iwasan niya si Israel dahil dapat nitong marinig ang kaniyang paliwanag. Napakabait na nobyo ni Israel kaya masakit sa kaniya na nasasaktan ito nang dahil sa kaniya.

Walang namutawing salita sa lalaki. Kinabig siya nito at mahigpit na niyakap. Namilog ang mata ni Olive sa ginawa ni Israel. Inaasahan niya na galit ito at susumbatan siya ngunit iba yata ang mangyayari.

School Trip 8: ViralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon