LESSON 24- He's Back!

2.6K 148 37
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.





INIWAN muna ni Veronica ang maleta sa tabi ng isang nakasaradong tindahan. Sumakay siya ng tricycle at nagpahatid sa bahay ni Olive. Ang estudyanteng si Olive ang kailangan niyang makausap. Gusto niyang sabihin dito ang lahat ng dapat nitong malaman. Mabait si Olive. Iyon ang napatunayan niya sa ilang taon na nakamasid siya dito. Hindi niya hahayaan na mangyari ang nakatakda para dito kaya ngayon pa lang ay bibigyan na niya ito ng babala sa pamamagitan ng pagsiwalat dito ng katotohanan.

Ngayon alam niyang nalalapit na ang kaniyang katapusan dahil sa pagkakamaling nagawa ay susubukan niyang gumawa ng tama. Bawat segundong lumilipas kay Veronica ay mahalaga. Nararamdaman niyang sa mga sandaling ito ay may mga tao nang kumikilos para iligpit siya.

Kilala niya ang taong tumulong sa kaniya—ayaw nito ng nagkakamali. Gusto nito ay nasa ayos ang lahat. Gusto nito ay kumikilos ang lahat ng naayon sa plano at kagustuhan nito. Maliit na gusot at pagkakamali ay hindi nito kayang palagpasin.

Ginawa naman niya ang lahat ng gusto nito kapalit ng kalayaan na ibinigay nito sa kaniya. Sumunod siya sa lahat ng utos nito kahit pa ang yakapin ang katauhan ng isang tao na malayong-malayo sa kaniya. Ginawa niya iyon bilang pagtanaw ng utang na loob dito pero mukhang sa hindi maganda magtatapos ang lahat.

Tanggap na niya. Nalalapit na ang pamamaalam niya sa mundo!

Habang sakay ng tricycle ay naramdaman niya ang pag-vibrate ng cellphone niya na nasa bulsa ng suot niyang pantalon. May tumatawag. Kahit hindi niya iyon tingnan ay alam na niya kung sino iyon. Kinuha niya pa rin ang cellphone para makasiguro. Tama siya. Ang taong tumulong sa kaniya ang tumatawag.

Imbes na sagutin ay pinatay ni Veronica ang cellphone at ibinalik iyon sa bulsa.

Makalipas ang ilang sandali ay narating na niya ang bahay ni Olive. Pagbaba pa lang niya ng tricycle ay nararamdaman na niya na may mga matang nakamasid sa kaniya.

Hindi kaya alam nila na dito ako pupunta? Tanong niya sa sarili.

Matapos magbayad ay nagmamadaling naglakad si Veronica papunta sa nakasaradong pinto ng bahay ni Olive. Sunud-sunod ang mga katok na ginawa niya para maalerto ang kung sino mang nasa loob.

“Olive! Buksan mo ang pinto. Alam kong nasa loob ka!” sigaw na niya.

Bigla siyang natigilan nang may maramdaman siyang taong nakatayo sa may likuran niya. Huminto siya sa pagkatok at marahang lumingon sa likod habang kumakabog ng malakas ang dibdib niya dahil sa takot.

Natataranta na si Veronica. Pakiramdam niya ay unti-unti nang nauubos ang segundong nalalabi niya sa mundo. Panay ang lingon niya sa paligid sa takot na baka nasa paligid na niya ang mga tauhan ng taong tumulong sa kaniya.

Idinikit niya ang tenga sa dahon ng pinto at pilit na pinakinggan kung may tao ba sa loob. May pag-asang bumangon sa dibdib niya nang may maulinigan siyang yabag ng paa na papalapit sa pinto. Ngunit bago pa iyon mabuksan ng tao sa loob ay may kamay na tumakip sa kaniyang bibig at hinila siya palayo sa bahay ni Olive.

School Trip 8: ViralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon