LESSON 13- From Past To Present

2.4K 129 16
                                    


ISANG magandang babae na nakasuot ng school uniform ang nakita niya nang umakyat siya sa rooftop ng isang school building ng umagang iyon. Hindi niya kilala ang naturang babae pero nararamdaman niya ang koneksiyon niya dito. Nakaharap ito sa kaniya at tigam ng luha ang mga mata.

“Sino ka?” Iyon ang una niyang naitanong dito.

Hindi siya sinagot ng babae. Patuloy lang ito sa paghikbi.

Gusto pa sana niya itong kausapin ngunit tumalikod na ito sa kaniya at mabilis na naglakad papunta sa may gilid ng rooftop. Mula sa bag nito ay naglabas ito ng lubid. Sumilip pa ito sa ibaba bago itali ang dulo ng lubid sa bakal na railings sa gilid ng rooftop. Malakas na sumigaw ang babae. Ramdam niya ang samu’t saring negatibong emosyon sa pagsigaw nito. Galit, poot at lungkot.

Ang kasunod na ginawa nito ay itinali nito ang kabilang dulo ng lubid sa leeg nito. Doon na siya kinabahan dahil alam niyang balak nitong magpakamatay.

“Sandali—” Tatakbuhin niya sana ang babae upang pigilan ito nang may maramdaman siyang malamig na kamay na humawak sa kaniyang kaliwang braso.

Pagtingin niya sa kaniyang gilid ay nakita niya si Helga. “Hindi mo siya dapat pigilan,” malamig nitong sabi na may kasamang pag-iling.

“P-pero magpapakamatay siya,” aniya. “Tatapusin niya ang sarili niyang buhay!”

“Ang kamatayan ay maaaring katapusan para sa iba ngunit iba sa kaniya. Ang kamatayan niya ay simula lamang. Tatapusin man niya ang kaniyang buhay ngunit iyon ay paraan lamang upang magawa niya ang kaniyang paghihiganti.” Isang nakakatakot na ngisi ang rumehistro sa labi ni Helga.

Kasunod niyon ay ang malakas na pagsigaw ng babae. “Hindi dito natatapos ang lahat! Babalikan ko kayong lahat. Iisa-isahin ko kayo! Wala akong ititira! Babalikan ko kayo!!! Isinusumpa ko! Babalikan ko kayong lahat!” Punung-puno ito ng poot.

Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang galit ng babae pero nagtataka siya kung bakit parang nararamdaman niya iyon ngayon. Pakiramdam niya ay… iisa sila!

Ipiniksi niya ang braso upang makawala sa pagkakahawak ni Helga. “Kailangan ko siyang pigilan!” Nang makawala ay agad siyang tumakbo patungo sa babae. Umaasa siya na magagawa pa niya itong iligtas sa tangkang pagpapakamatay. Hindi man niya ito kilala ay gusto pa rin niya itong iligtas.

Ngunit nang halos aboy-kamay na niya ang babae ay bigla naman itong tumalon mula sa rooftop habang may nakataling lubid sa leeg!


-----ooo-----


“HUWAAAG!!!”

Napabalikwas ng bangon si Olive mula sa isang masamang panaginip na iyon. Nagbubutil ang pawis sa kaniyang noo at hinihingal siya na para bang tumakbo siya ng maraming oras. Nanlalaki ang kaniyang mata habang bahagyang nakaawang ang bibig. Sa hitsura niya ay parang hindi niya kayang maka-recover mula sa kaniyang napanaginipan. Para kasing totoong-totoo iyon. Simula doon sa babae, sa lugar at sa emosyon na nararamdaman niya—lahat ay parang totoo.

Hanggang ngayon ay malinaw pa rin sa isipan niya ang hitsura ng babae. Halos magkasing-taas at magkasing-katawan sila nito. Parehas silang medyo balingkinitan. Pati ang edad nilang dalawa ay parang hindi nagkakalayo. Meron itong maganda at maamong mukha. Ang buhok nito ay hindi ganoon kahaba. Halos hanggang batok nga lang iyon.

“O-olivia?” Kusang lumabas iyon sa bibig ni Olive.

Mariing ipinikit ni Olive ang mata upang maiwaglit ang imahe ng babae sa kaniyang utak. Nang ibukas niyang muli ang kaniyang mga mata ay napatingin siya sa pinto ng kaniyang kwarto. Nanlabo bigla ang kaniyang paningin ngunit naaaninag niya na unti-unting bumukas ang pinto at isang babae ang nakita niyang nakatayo sa may bungad ng pintuan.

School Trip 8: ViralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon