LESSON 28- Needles And Poisons

2K 115 15
                                    


LABIS ang panghihina at pagkahilo ang lumukob kay Veronica matapos ang ilang minuto na kumakain siya. Napasubsob na nga siya sa sariling pinggan dahil kahit ang ulo niya ay hindi na niya kayang iangat. Pakiramdam niya ay tinanggal ang lahat ng buto niya sa katawan.

"A-anong... a-anong..." Kahit ang sasabihin niya ay wala na siyang kakayahan na tapusin. Namumungay ang mata na nakatingin siya sa babaeng nasa dulo ng mahabang lamesa. Tuloy lamang ito sa pagkain.

May inilagay sa mga kinain niya kaya siya nagkakaganito. Bakit ba masyado siyang tiwala sa mga pagkain na inihain nito? Dapat ay kilala na niya ito na magaling itong manlinlang.

"Oh... Umepekto na pala ang gamot na inilagay ko sa sauce ng steak. Huwag kang mag-alala, Veronica. Hindi lason ang nakahalo sa pagkain mo. Pampa-paralyze iyan para hindi ka makagalaw. But you will still feel pain and you will see everything. Ayoko ng lason. Mabilis kang mamamatay nang walang paghihirap. Ang gusto ko ay maging mabagal at masakit ang kamatayan mo!" Walang emosyon na sabi ng babae. Naubos na nito ang steak. Uminom ito ng wine na nasa kopita at pinunasan ang gilid ng bibig gamit ang table napkin.

Tumayo ito at pumalakpak ng tatlong beses. Bumalik ang dalawang lalaki upang bitbitin siya sa magkabilang braso. Akala mo ay hindi tao ang hinihila ng mga ito sa paraan ng pagkaladkad sa kaniya. Hindi magawang igalaw ni Veronica ang kahit na anong parte ng katawan niya. Gusto sana niyang ipikit ang mga mata upang hindi na makita ang gagawin sa kaniya pero hindi niya rin iyon magawa. Para bang may nakatukod sa talukap ng mga mata niya na pumipigil sa mga iyon sa tuwing pumipikit siya.

Diyos ko! Patawarin Ninyo ako sa lahat ng kasalanang nagawa ko! Piping dasal ni Veronica.

Huli na nga ba para magsisi? Sana ay hindi pa. Sana ay patuluyin pa rin siya sa langit kahit alam niya sa sariling hindi siya nararapat doon. Natatakot siyang magdusa sa impyerno dahil sawang-sawa na siya sa dami ng paghihirap na naranasan niya dito sa lupa.

Sa likuran ng bahay siya dinala at doon ay may isang kulay itim na van ang naghihintay. Isinakay siya sa likuran ng driver's seat at pinagitnaan siya ng dalawang lalaki. May driver na sa unahan na agad na binuhay ang makina ng sasakyan nang maisarado na ang pinto.

Habang umaandar ang van ay alam ni Veronica na papalapit na siya sa katapusan. Kung ano ang gagawin sa kaniya at kung saan siya dadalhin ay hindi niya alam. Isang bagay lamang ang sigurado siya-kakaibang kamatayan ang naghihintay sa kaniya.

Hindi na alam ni Veronica kung gaano sila katagal na bumyahe. Basta naramdaman na lang niyang huminto ang van. Binuksan ng lalaki sa kanan ang pinto ng van at hinila siya palabas.

Nang makalabas ay doon niya nalaman na nasa masukal na lugar sila. Isang malawak na lupain na may mangilan-ngilang puno na nakatanim. Tila napabayaan na ang lugar dahil sa damo na ang taas ay aabot sa tuhod niya.

May narinig siyang ugong ng sasakyan na paparating. Isang mamahaling kotse ang huminto sa tabi nila at bumaba ang isang babae.

"Dalhin niyo na siya sa kaniyang libingan. Susunod ako doon!" Pagkasabi niyon ng babae ay hinila na siya ng dalawang lalaki papasok sa malawak na lupain.

Ramdam ni Veronica ang paghiwa ng matutulis na bato sa kaniyang paa at binti. Maya maya ay binitiwan na siya ng dalawa. Napahalik siya sa lupa at nakita niya rin ang "libingan" na sinasabi ng babae.

Isang hukay na ang haba at lapad ay isinukat yata sa kaniya. Tantiya niya ay nasa anim na talampakan ang lalim ng naturang hukay. Meron doon kabaong na yari sa kahoy. Nakita niya ang takip niyon kalapit ng hukay. Nakatapat sa kanila ang ilaw sa headlight ng van. Sinadya yata iyon upang makita niya kung ano ang meron sa kabaong kung saan siya ilalagay. Nagkalat ang napakaraming malalaking karayom sa loob ng kabaong!

School Trip 8: ViralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon