LESSON 27- It's Getting Crazier!

2.2K 116 13
                                    


NOON ay balewala kay Olive ang Mirror at ang mga babaeng nasa listahan na iyon. Aniya, wala siyang pag-asang mapasama doon dahil sa hindi siya sikat sa school at hindi rin siya mayaman gaya ng Royals. May mga nagsasabing maganda siya ngunit hindi iyon sapat upang makita niya ang pangalan sa Mirror. Ngunit ang lahat ay nagbago sa pagkalat ng video scandal niya sa social media. Naranasan niyang mag-viral sa online world sa paraang nakakahiya at nakakayurak ng pagkababae. Pinagpiyestahan iyon ng lahat at naging dahilan para mas ma-bully siya sa Wellington High. Marami ang hinusgahan siya dahil sa video na iyon. Malandi daw siya at kung kani-kanino sumasama na lalaki kahit ang totoo ay biktima siya sa insidenteng iyon.

Sa hindi inaasahang pangyayari ay naging dahilan ang video scandal niya para makapasok siya sa Mirror’s list! Nilampaso niya ang Royals at siya pa ang nanguna sa naturang listahan!

Doon niya naramdaman ang pagbibigay ng halaga ng ibang tao sa kaniya. Masarap pala sa pakiramdam iyong may nagsasabing idol ka nila at maging kapag may nagpapapicture sa kaniya. Minsan ay may nagpapa-video greetings pa nga at autograph.

Masarap sa pakiramdam ang mag-viral sa social media. Aminado si Olive sa bagay na iyon kahit pa ilang beses niyang itinanggi na balewala sa kaniya ang ganoong bagay. Sa kaibuturan ng pagkatao niya ay alam niyang may Olive na akala mo ay isang halimaw na uhaw at gutom sa atensiyon ng mga tao sa social media o online world.

Kaya naman iyon ang naging dahilan niya upang pumayag sa plano ni Helga na patayin si Israel upang maipagluksa niya ito at maipakita iyon sa social media. Gumawa siya ng isang video kung saan ipinakita niya ang pagmamahal sa yumaong nobyo at naging tulay iyon upang muli siyang pag-usapan online. Sa pagkakataon na iyon ay sa magandang paraan na. Itinuring siyang mapagmahal na nobya na kahit wala na ang nobyo ay patuloy pa rin itong minamahal.

Ngunit tila bulang naglaho sa hangin ang lahat dahil mabilis na nakalimutan sa social media ang bagay na iyon tungkol kay Olive. Napunta ulit siya sa kadiliman habang akala mo ay isang asong ulol na gutom na muling makatikim ng atensiyon ng mga tao sa social media o sa madaling salita ay gutom na muling mag-viral.

“Nakakabaliw ang kasikatan, Olive. Marami sa atin ang uhaw sa atensiyon na hindi natin nakukuha sa totoong mundo kaya hinahanap natin iyon sa virtual world—sa social media.” Ang salitang iyon ni Helga ang nagbalik kay Olive sa kasalukuyan.

Napakurap ng ilang beses si Olive. Hindi niya namalayan na nalulunod na sa luha ang kaniyang mga mata.

“O, bakit umiiyak ka? Dahil ba sa pinatay mo si Israel? Pinagsisisihan mo?” Umiling si Helga. “Huwag, Olive. Dapat lang sa kaniya iyon dahil kung hindi natin siya inunahan ay ikaw ang papatayin niya. Hindi ka ba masaya na hanggang ngayon ay nandito ka pa rin at buhay?”

“Paano ako magiging masaya kung ginawa mo akong mamamatay-tao?” Mariin niyang sabi. Hinahayaan niya ang mga luhang naglalandas sa magkabilang pisngi.

Nakakaloko siya nitong tinawanan. “Kung alam mo lang, Olive, ikaw ang mas may lahing mamamatay-tao sa ating dalawa! Saka ginusto mo din na mamatay si Israel dahil nalaman mong niloloko ka niya at ni Dominique. 'Wag kang ipokrita!” Bumalik sa pagiging seryoso ang mukha ni Helga.

“Tama na! Tama na!” Paulit-ulit niyang sigaw. “Sino ka ba talaga, Helga?! Bakit mo ito ginagawa sa akin?!”

Ilang buwan na niyang kilala si Helga pero bukod sa pangalan nito ay wala na siyang iba pang nalalaman tungkol dito. Akala mo ay isa itong kabuteng sumulpot sa Wellington High at kung makaakto at makapagsalita ay para bang kilalang-kilala siya nito dati pa. Napaka misteryosa ni Helga. Kahit anong pilit niyang alamin ang totoo nitong pagkatao ay wala siyang makuhang sagot. Ngunit malakas ang pakiramdam niya na may tao sa likuran nito at ang taong iyon ang nag-uutos kay Helga ng mga gagawin nito.

School Trip 8: ViralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon