LESSON 17- Broken Bones And A Broken Heart

2.5K 163 34
                                    

HINDI nagawang makatulog ni Dominique sa lumipas na magdamag at iyon ay hindi dahil wala siya sa malambot at kumportable niyang kama. Ang tunay na dahilan ay dahil alam niya na isinasagawa na ni Israel ang plano nilang pagpatay kay Olive. Para mawala na ito sa landas nila. Para ipagluksa ito ni Israel at aakalain ng lahat na isang mabuti at mapagmahal na nobyo si Israel. Magva-viral pa ito sa social media. Para na rin manguna na siya sa Mirror.

Ilang taon nang tinatapa-tapakan ang kaniyang pride. Mula kay Courtney tapos ngayon ay kay Olive. Ayaw niyang grumaduate siya sa Wellington High na nanatili siya bilang second best.

Hanggang sa sumikat ang araw at kumalat ang liwanag ay hindi mawala-wala ang kaba sa dibdib niya para kay Israel.

Sana naman ay 'wag kang maging tanga, Israel! Gawin mo sana nang malinis ang lahat. Ayokong sumabit lalo na kung ang dahilan ay ang scandal girl na iyon! May kasamang gigil na turan niya sa kaniyang sarili.

Maya maya ay inutusan na sila ni Teacher Alona na ayusin na ang kani-kanilang tent dahil aalis na sila matapos ang isang oras. Mag-be-breakfast pa kasi sila. Si Jazzy ang kasama niya sa tent at wala itong kamalay-malay na mulat siya sa nagdaang magdamag.

"You look pale, Dominique. Saka ang eyes mo, parang hindi ka nakatulog kagabi."

Napapitlag si Dominique nang biglang magsalita si Jazzy.

Nakatayo siya sa gilid ng ilog at nakatanaw sa kawalan. Hinihintay niya ang pagdating ni Israel habang umiiyak para sabihin sa kanila na patay na si Olive. Ang plano nila ay dadalhin ni Israel sa mapanganib na bahagi ng ilog si Olive at doon ay ihuhulog ito ni Israel. Sa dami ng mga bato at lakas ng agos ng tubig doon ay sigurado siyang hindi doon mabubuhay si Olive. Babalik si Israel na hindi kasama si Olive at magmumukhang survivor ito sa isang aksidente. Ganoon kasi ang papalabasin nila. Kunwari ay nagkaroon ng aberya ang bangka at aksidenteng nalaglag ang kaawa-awang si Olive.

"What if hindi siya mamatay sa mga bato?" Naalala niyang tanong ni Israel.

"Then kill her! May sagwan ka naman. Hampasin mo sa ulo! Ikaw na ang bahala!"

"Fuck, Jazzy!" Mura ni Dominique sa kaibigan dahil sa labis na gulat.

"What? You looked tense. May problema ba?"

"Nothing! Kapag mag-isa may problema na agad? Hindi ba pwedeng gusto ko lang ng fresh air dahil wala nito sa city?" Mataray niyang sagot.

Mahinang tumawa si Jazzy. "Ang dali mo kasing nagulat. Sorry. Saka kailangan na nating ligpitin ang tent. Kailangan mo akong tulungan, Dominique."

"Fine!" Nauna na siya sa paglalakad sa lugar kung saan nakatayo ang tent nila. Padabog at mabigat ang loob na sinimulan niyang iligpit ang tent nila ni Jazzy.

"Helga, bakit ikaw lang ang mag-isang nagliligpit ng tent mo?" Narinig ni Dominique ang boses ni Teacher Alona sa likuran niya. Nilingon niya ito at nakita niyang kausap nito si Helga.

Isang tent lang pala ang pagitan ng tent niya sa tent ng babaeng weird na iyon. Ngayon niya lang ulit nakita si Helga at hindi pa rin niya nakakalimutan ang ginawa nito sa kaniya. Sandali lang niya iyong pinalampas dahil ang nais niya ang focus siya kay Olive.

'Pag natapos ako kay Olive, ikaw na ang isusunod ko Helga! Ngingiti-ngiti niyang sabi sa sarili.

"Nang magising po ako ay wala na si Olive, teacher. Hindi ko po alam kung saan siya nagpunta," sagot ni Helga kay Teacher Alona.

Si Olive pala ang kasama ni Helga sa tent. Lihim na nagdiwang si Dominique. Kung sa oras na ito ay wala pa rin si Olive, ibig sabihin ay nagtagumpay si Israel na patayin ito. Hindi na tuloy siya makapaghintay sa pagsulpot ni Israel. Nais niyang makita kung mahusay bang umarte si Israel at kung mapapaniwala ba nito ang lahat.

School Trip 8: ViralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon