Episode 49: Merry The Brave
🄱🄴🄰🅂🅃 🄲🄷🄰🅁🄼🄸🄽🄶🅂
Sa isang tagong bayan sa likuran ng bulubundukin ng Timog Hindus ay nananahan si Shismita at ang kanyang mga kauring Vetalas.
"Ina, pagkatapos ko po ng hayskul ay nais kong mag-aral sa kolehiyo at maging isang abogado."
Natigilan ang kanyang ina sa pagtatadtad ng patatas nang marinig siya. Nagulat ito sa kanyang inihayag. Sinilip ni Priyanka ang sala at napabuntong-hininga nang malamang abala parin sa panonood ng telebisyon ang kanyang asawa.
Hinatak ni Priyanka si Shismita patago sa may kusina at kinausap ito nang masinsinan.
"Hindi maaari, anak. Alam mo naman ang estado ng mga kababaihan sa ating bayan at kultura. Hanggang hayskul lang tayo dapat nag-aaral dahil ang mga lalaki ang karapat-dapat magkamit at mag-uwi ng tagumpay sa ating pamilya. Ang mga babaeng tulad natin ay naiiwan sa tahanan upang gawin ang ating tungkulin bilang asawa at ina sa ating mga anak."
Malungkot na yumuko si Shismita saka sinulyapan ang kanyang striktong ama mula sa kanyang balikat.
Gusto niyang mag-aral ng kolehiyo. Gusto niyang magtapos at maging abogado nang sa gan'on ay maiangat niya ang katayuan ng mga kababaihan sa lugar at lahi nila.
"Ama, parang awa mo na. Magiging marangal po akong anak, huwag niyo lamang po akong ipakasal kay Jaggu. Marami pa po akong mga pangarap," nakaluhod na pagmamakaawa ni Shismita sa ama.
Tumawa lamang ito nang palahaw. Ang kanyang mga mata ay hindi kakikitaan ng kahit anumang emosyon maliban na lamang sa matinding lamig at panganib.
"Ikaw ay dise-sais anyos na, Shismita. Katorse ang takdang gulang ng mga babae sa ating lahi upang ikasal subalit pinagbigyan kita ng ilan pang taon. Ngayong hindi na makapaghintay si Jaggu na makasama ka ay tinanggap ko na ang alok niyang pag-iisang dibdib niyong dalawa. Wala ka rin namang magagawa dahil buo na ang pasya ko at susundin mo iyon sa ayaw at sa gusto mo dahil iyon ang ating batas!" Dinuro siya ng kanyang amang si Rachit.
"Kayong mga babae ay nararapat lumuhod at halikan ang aming maruruming mga paa mula sa paghahanap-buhay at bakbakan. Sunud-sunuran namin kayo at sa pamamagitan niyon ay nagkakaroon kayo kwenta."
Walang nagawa si Shismita kundi sundin ang alituntunin ng kanilang lahi. Ang mga Vetala na gaya nila ay kailangan ng kapares. Sa edad na dise-sais ay kinasal na siya kay Jaggu na may katungkulan sa kanilang bayan na katumbas ng isang sundalo.
Tumatak kay Shismita ang naging unang gabi nilang mag-asawa. Hindi dahil nagustuhan niya ito ngunit dahil hindi niya makakalimutan kung makailang beses siyang umiyak at nagmakaawa kay Jaggu na huwag siyang pilitin sa ayaw pa niyang mangyari dahil may mga pangarap pa siya. Sa kasamaang palad ay hindi nakinig ang hayok sa laman na kanyang bana at sa halip ay maraming beses siyang ginalaw sa gabing iyon.
BINABASA MO ANG
Beast Charmings: Funeral Service for Beasts
FantasyAre you dying? Or are you preparing to die? Do you have recently dead loved ones? Do you want to treat them and yourself to a one-of-a-kind funeral? Well, worry no more! Charmings' Funeral Home has got you covered! Serving you with our ever-compet...