MALAWAK ang ngiti nang bagtasin ni Kiel ang daan papasok ng pintuan ng kanilang mansion."Mom!" excited na tawag n'ya sa ina. Umalingawngaw ang boses n'ya sa kabahayan.
"Ano bang problema at dinig hanggang kabilang buhay ang boses mo?" salubong sa kanya ng hinahanap.
"Hindi problema kundi good news, mhy," aniyang hinawakan pa sa magkabilang balikat ang Donya. "Nakita ko na s'ya. Nakita ko na si MG, mommy!" nakangiting kwento n'ya.
Kumorteng pabilog ang mata ng kaharap. Magkahalong gulat at pananabik ang mababakas sa mukha nito.
"Talaga? Nasaan s'ya? Kasama mo ba s'ya?" Humiwalay ito sa kanya at naglakad palayo, palapit sa pinto.
Nagbawi naman si Kiel ng ngiti. "Hindi po. Nasa ospital kasi ang tatay n'ya at hindi n'ya maiwan."
Humarap sa kanya ang ina. "Kawawa namang anak ko. Kumusta ba s'ya? Hindi ko ba s'ya puwedeng puntahan o dalawin?"
Tila may kumurot sa puso n'ya nang makitang malungkot ang ina. Totoong minahal na ng mommy n'ya ang pekeng nobya n'ya. Bagay na hindi n'ya napaghandaan, bagay na hindi n'ya inasahan.
Para aluin ito ay nilapitan na n'ya ang donya at hinilot ang mga kamay. "'Wag po kayong mag-alala. Pangako, babalik s'ya rito." Suntok man sa buwan e gagawin n'ya ang lahat para maibalik si Mary sa mansion.
Lumiwanag nang muli ang mukha ng ina at nagtanong sa kanya. "Salamat naman. Anak, sabihin mo sa akin kung kailan ha at ipagluluto ko s'ya ng mga paborito n'yang pagkain."
"Alright," nakangiti n'yang sagot.
Pero natigilan ang Donya. "Sandali, ano nga ba ang mga paborito n'yang pagkain?"
Natameme s'ya. Hindi n'ya kasi alam ang sagot sa tanong na 'yon.
"Uhm...chicken...fried chicken," aniyang hindi sigurado.
"Okay! Babaha ng fried chicken dito pagbalik n'ya."
Tinawanan n'ya nang malakas ang sagot nito bilang pag-iwas. Natutuwa rin siyang hindi nahalata ng ina ang kasinungalingan n'ya.
"Pero maalala ko. Wala ba siyang kailangan? Pera o kung anuman? Kung may kailangan s'ya kamo 'wag mahihiyang magsabi. Kung mahiya s'ya sa'yo at sa ama mo--sa akin. Sa akin s'ya kamo lumapit, ha."
"Yes, mom," tanging maikli niyang sagot. Wala na siyang makuhang sabihin pa. Napakabuti ng kanyang ina sa peke niyang nobya. Paano na lang kung malaman nito ang lahat? Mapatawad kaya siya nito? Higit lalo si Mary na tinanggap na nito at tinuring na totoong anak?
Pero ayaw na niyang isipin iyon sa ngayon. Ayaw niyang masira ang magandang pagkakataon. Natutuwa siyang may isa pang tao na masayang makita si Mary bukod sa kanya. Na maaari at kung ipagkakaloob ay alam niyang nakasumpong siya ng kakampi sa katauhan ng ina n'ya. Kaya naman kanya na itong inakbayan at sinabayan sa pag-akyat ng hagdanan.
~•~
KASALUKUYANG pinapakain ni Mary si Mang Filo.
"Pa, sino ako? Nakikilala niyo po ba ako?" pagsisimula ni Mary. Nagbabakasakaling makilala siya ng ama.
"Ikaw si Mother Mary."
Natatawang nailapag ni Mary ang bowl ng soup sa lamesang nasa gilid.
"Kukunin mo ba ako? Mamamatay na ba ako? Saan mo ako dadalhin? Sa langit o sa impyerno?"
Maluha-luha katatawa ay sumeryoso ang mukha n'ya. Wari kasing may ibang ipinakahuhulugan ang ama. Minsan ay hindi n'ya alam kung nagdidiliryo ba ito kaya kung anu-ano ang pinagsasabi o dahil sa sakit nitong Alzhiermerz kaya ito ganito?
BINABASA MO ANG
My Miracle Find (Complete)
Romance"Lahat ng taong nagmamahal ay lumalaban. Kahit madalas mali na. Minsan panalo, minsan talo. Pero matalo man, at least may ginawa ka. Lumaban ka." Si Mary Gretchen Mondragon. Aakalaing anghel pero salat naman sa maraming bagay, kaya sa patalim s'ya a...