||Against The Odds||

47 3 0
                                    

"MAG-SEATBELT ka, Butter," utos ni Kiel sa nobya. Tumalima naman ito gayong hindi pa rin mapigilan ang paminsan-minsan na pag-iyak. Nalimutan nito maging ang pagsusuot ng seatbelt. Habang si Kiel ay abala na sa pagmamaneho. 

Hanggang mapadaan sila sa guard house. Sinaluduhan siya ng gwardiya. Bagay na hindi na rin niya napansin pa. Pinaharurot na niya ang sasakyan paglagpas dito.

Hindi pa sila masyadong nakakalayo nang mapansin ni Kiel na may iniinda si Mary. Isa pa ay namumutla ito.

"Anong problema? Ayos ka lang? Gusto mo dumaan muna tayo sa ospital?"

"Hindi-- um! Humilab lang ang t'yan ko. Pagod siguro. Sige na. Ituloy mo lang. Mas gusto kong makalayo muna tayo." Hinawakan nito ang kamay niya na nagmamaneho. "Salamat. Hindi mo 'ko iniwan."

Kinuha ni Kiel ang kamay ng nobya at hinalikan. "Hindi mo kailangang magpasalamat. Lagi tayong magkakampi. Tandaan mo 'yan. We can lie together, we can sin, but promise after all of this. We'll come clean together. "

Ngumiti si Mary. Tila satisfied sa sinabi ng nobyo. "I love you."

"I love you, too, Butter."

Sumandal na ito at nagpahinga. Pero mahinang nagtanong.

"Saan tayo pupunta?"

"Sa rest house namin sa Baguio. Pero baka hindi na tayo muna umabot do'n. Makalayo lang tayo nang kaunti dadalhin kita sa ospital.

At bigla ay lumiko na si Kiel. Saka lalong binilisan ang takbo ng sasakyan.

~•~

HINDI pa rin tumitigil ang Donya sa kaiiyak. Nakaupo ito sa dulo at sulok na bahagi ng magarang sofa habang nasa kabilang dulo naman ang Don. Napapahilamos ito sa sariling mukha.

"Paano kung may mangyaring masama kay Kiel ha? Ayoko na ulit mawalan ng anak. At hindi lang s'ya. Si Mary, paano s'ya? At ang apo ko! Ang apo natin? Kapag may masamang nangyari sa mga anak at apo ko hindi talaga kita mapapatawad!"

Sa inis ay tumayo na ang Donya. Nagpasyang umakyat na lang. Pero sa gitna ng hagdan ay bumaling pa ulit sa asawa.

"Ang mga anak mo, nado'n sa labas, tumatakbo para iligtas ang mga buhay nila. Samantalang tayong mga magulang nandito sa mansion. Safe. Nakatago. Nakakulong!"

Tapos na sana magsentimiyento si Kiara at humakbang na ulit paakyat nang maulinigan nito ang pagtunog ng telepono ng asawa. Nagmamadali itong bumaba at sa tabi ng Don ay naupo.

Pinindot ng Don ang loudspeaker.

"Hello, Don Elpidio! Magandang hapon po. Sa guard house po ito. E, may tatlong lalaki po kasi nandito. 'Yun isa nagpakilalang Danny. Hinahanap 'yong manugang n'yo. Si Mary.

Nagkatinginan ang mag-asawa. Napahawak sa sariling dibdib ang Donya at napadasal. Nag-antanda ng krus.

Nagkiskisan naman ang mga panga ng Don saka tumayo.

"Kahit anong mangyari huwag niyo silang papapasukin. Higpitan niyo lalo ang security. At tumawag kayo ng pulis kung kinakailangan!"

"Iyon na nga po ang ginawa namin."

"Teka, ang mga anak ko. Dumaan na ba? Nakalabas na ba sila?"

"Opo. Kani-kanina lang po."

Hanggang marinig nila buhat sa kabilang linya ang sirena ng pulis. Tumayo na rin si Kiara at tumabi ulit sa asawa.

"Ayan na Sir! Nagkulasan na noong narinig ang wangwang ng pulis!" balita sa kanila ng nasa kabilang linya.

"Good." At binaba na ng Don ang telepono.

My Miracle Find (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon