Chapter 22

536 20 0
                                    

TITIG na titig si Sybill sa kumukurap-kurap na cursor sa word document na nakalatag sa screen ng computer sa kanyang harapan. Parang tik-tak iyon ng orasan na nakasabit sa dingding ng office ng newspaper club na kanyang kinaroroonan.

She felt so down these past few days. Ilang araw na rin kasing hindi niya nakikita si Keiran dahil sa naging abala ito sa pag-eensayo para sa basketball championship. Hindi ito sumasagot sa mga text messages at tawag niya. Kapag sinusubukan naman niya itong lapitan kapag nasa classroom sila ay agad itong lumalayo makita pa lamang siyang humahakbang papalapit rito.

Hindi rin nakatulong na laging nakadikit rito si Jessica na sa tuwing magtatama ang kanilang mga mata ay tila ba alam nitong may nangyayari sa kanila ni Keiran.

Her mocking little smile says it all.

“Sybill, tapos mo na ba ang articles na nakatoka sa iyo?” tanong ni Jonas kay Sybill nang lumapit ito sa likuran niya habang nakatitig siya sa monitor ng computer sa harapan niya.

Pero hindi iyon narinig ni Sybill.

“Sybill?” kinalabit na siya nito.

Noon lang parang natauhan si Sybill. “Jonas? May sinasabi ka ba?”

“Ano ba ang nangyayari sa iyo? Kanina pa kita tinatanong kung nagawa mo na ang articles mo. May sakit ka ba?”

Umiling siya. “Sorry. Hindi ko napansin na kinakausap mo pala ako. Tapos na ako sa mga articles ko, dalawang tula at isang feature story na lang ang bubunuin ko.”

“Ha? Bukas na ipapasa iyon, ah.” Nag-aalala itong naupo sa silya sa tabi niya. “Ako na ang gagawa ng mga tula kung gusto mo.”

“Talaga? Salamat, Jonas.”

Tumango ito. “Ano na lang ba iyon kumpara sa mga pang-aabuso ko sa iyo.” Ngumisi ito nang paluin niya ito sa balikat nito. “Seriously, ito ang hinihintay kong pagkakataon para makabawi sa iyo. Ilang articles din ang naisalba ko dahil sa iyo. Ano ba ang title ng alamat na isinusulat mo?”

Nagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga si Sybill. “Acacia of Forever.”

Kumunot ang noo nito. “Acacia of Forever?”

Tumango siya. “Iyon ang matandang puno ng acacia na nasa itaas ng burol sa bungad ng bayan natin. Pinapasulat sa akin ni Ma’am Montes ang alamat n’un.”

Napapitik si Jonas. “Ah! Oo, narinig ko nga ang alamat na iyan. Pero bakit sa issue natin ngayon isusulat iyan? Kasagsagan ng intramurals. ‘Di ba mas bagay iyan sa Valentine’s issue?”

“Hindi ko rin alam, basta binigay na assignment sa akin ‘yun ni Ma’am.” Natawag ang pansin nilang dalawa ni Jonas nang humahangos na pumasok sa loob ng newspaper club si Rico.
Nakaipit pa sa tenga nito ang lapis na gamit nito sa pagguhit.

"Guys, narinig n’yo na ba ang balita?”

Nagtatakang nakatingin lahat ng nasa kuwarto rito.

Si Jonas ang nagtanong. “Tungkol saan ba yan?”

“Isang good news at isang bad news. Ang good news, champion ang basketball team natin this year.” Ani Rico.

Relieved na nagpasalamat si Sybill sa Maykapal sa pagkapanalo ng team. “Ano ang bad news?” tanong niya.

Kumunot ang noo ni Rico nang balingan siya nito. “Teka, ano ang ginagawa mo rito?” sa halip na ganting tanong nito sa kanya. “Mali pala ang tanong ko. Bakit naririto ka, Sybill?”

“Pareho lang ang tanong mo, Rico.” Komento ni Claire na kapapasok lang din sa pinto.
"Narito si Sybill?” nag-aalala nitong tanong.

Nagtatakang nagpalipat-lipat ang tingin ni Sybill sa dalawa. “Nagsusulat ako ng articles ko. Bakit?”

“Hindi ka nanood? Hindi mo nakita ang nangyari kay Keiran?” nanlalaki ang mga mata ni Rico.

Sinagilahan ng takot si Sybill. “Ano ang nangyari kay K-Keiran?”

Si Claire na ang sumagot. “Ang bad news kasi, naaksidente si Keiran sa game nila kanina.”

“A-ano?!” parang may bombang sumabog sa harapan ni Sybill nang mga sandaling iyon.

“Sa mga huling segundo kasi ng laro, lamang ang kalaban. Nakuha ni Keiran ang rebound nang sumablay ang huling shoot ng teammate niya at pinilit pa rin niyang ibuslo iyon kahit tatlo ang pumipigil sa kanya. Pero napasama ang pagbagsak niya matapos mai-shoot ang bola. Nawalan siya ng malay.” Paliwanag ni Rico.

Nanginginig na natutop ni Sybill ang kanyang bibig kasabay ng pamamasa ng kanyang mga mata. Nasaktan si Keiran. Paulit-ulit na umiikot iyon sa isip niya.

“Sybill, ayos ka lang ba?” tanong ni Claire na hinawakan siya sa balikat. “Ang mabuti pa, puntahan mo muna si Keiran, Sybill.” Suhestiyon nito.

“P-Pero, hindi ko yata kaya.” Nanlalabo ang mga mata niya sa mga luhang sunod-sunod na pumapatak sa kanyang mga pisngi.

“Sasamahan na kita.” Ani Jonas na dinampot ang bag nito.

“Mabuti pa nga, Jonas.” Sang-ayon nina Claire at Rico.

Pero umiling si Sybill. “Hindi. Wala akong karapatang puntahan siya ngayon.” Naghihirap ang kaloobang napaupo siyang muli sa inuupuan niya kanina.

“What do you mean?” tanong ni Jonas. “Girlfriend ka niya kaya dapat lang na nasa tabi ka niya.”

“Pero-”

Wala pang pinagsasabihan si Sybill ng tungkol sa paghihiwalay nila ni Keiran. Kahit sina Jhenna ay wala pang alam tungkol doon.

“Halika, sasamahan kita.” Anitong hinila ang braso niya papalabas matapos makuha kina Rico ang pangalan ng ospital na kinaroroonan ni Keiran.

Party of Destiny, Hosted by Lolo Kupido: Sybill's Meant-To-Be (Completed) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon