Chapter 11

583 15 1
                                    

“ALAM mo ba kung ano ang number ni Keiran?” Tanong agad ni Sybill nang sagutin ni Jhenna ang tawag niya rito nang makauwi siya sa bahay nila. Hindi raw alam ni Rain ang number ni Keiran kaya si Jhenna na lamang ang kanyang pag-asa.

“Number ni Keiran? Bakit?” halata sa tinig nito na nanghihina pa rin ito dulot ng diarrhea. Iyon ang dahilan kaya hindi ito nakapasok kanina. Sumakit ang tiyan nito dahil sa ininom nitong buko juice sa bangketa noong nakaraang araw.

Ikinuwento niya rito ang nangyaring paglapit sa kanya ni Keiran kanina pati na ang balak nitong pagpunta sa bahay nila para isauli ang notebook niyang hiniram nito.

“Oh, my God! Bakit kung kailan ako absent saka may happening sa inyong dalawa?” impit itong tumili. “Naiinggit ako!”

“Ano ka ba, Jhenna? Namomroblema na nga ako rito, ano-ano pa ang sinasabi mo. Tulungan mo ako. Ayokong pumunta siya rito, nahihiya ako, eh.” ‘Yun ang sinasabi ng isip niya pero may isang bahagi ng puso niya ang piping nananabik na makita nga si Keiran sa kanilang bahay.

“Sorry. Sandali, hahanapin ko lang ang address book ko. Nakalista roon ang lahat ng impormasyon tungkol sa basketball team, siyempre kasama si Keiran.” Anito na naririnig niyang tila may kinakalkal sa cabinet nito. “Pero nakakainggit naman kasi talaga, eh. Samantalang ang love of my life na katabing bahay lang namin, ni hindi man lang ako madalaw. May sakit na nga ako, eh.” Maktol pa nito.

“Hindi ba’t ang dahilan mo sa school kaya hindi ka papasok ay dahil magpapabunot ka ng ngipin? Madalang ang dumadalaw sa nagpapabunot ng ngipin, Jhenna.”

“Alangan namang sabihin kong nagda-diarrhea ako? Nakakahiya naman ‘yun.”

“Kaya nga huwag ka nang magtampo riyan.”

“Sige na nga. Sisilip na lang ako mamaya sa bintana pagdating niya sa kanila. Heto na pala ang number ni Keiran.” Idinikta nito sa kanya ang cellphone number ni Keiran. Mabilis na isinulat ni Sybill ang number sa inihanda niyang papel.

“Salamat, Jhenna. Makakapasok ka na ba bukas?”

“Hindi ko pa alam, pero baka hindi. Sobra akong nanlalata at nanghihina. Medyo masama ang naging tama sa akin ng buko juice na iyon, eh.”

“Nagpa-check up ka ba?” nag-aalala niyang tanong sa kaibigan.

“Oo, galing kami ni Mama kanina. Mabuti na lang at hindi na ako kinailangang turukan ng IV fluids. Alam mo namang takot ako sa injection.” Ninenerbiyos nitong dagdag.

“Magpagaling ka, ha? Pasensya ka na kung hindi kita nadalaw ngayon, emergency kasi. Bukas na lang kami pupunta ni Rain diyan.”

“Ok, goodluck sa manliligaw mo mamaya.” Humahagikgik nitong tukso.

“Jhenna!”

“Joke lang. O sige, ba-bye na. Tinatawag na rin ako ni Mama.”

“Ba-bye. Kita na lang tayo pag ok ka na.”

Tinitigan ni Sybill ang numerong nakasulat sa hawak niyang papel. Tatawagan ba niya si Keiran o ite-text? Naisubsob niya ang kanyang mukha sa kanyang unan. Hindi siya makapag-decide. Bukod sa wala siyang lakas ng loob na gawin ang alinman sa dalawa, nanginginig ang mga daliri niya sa nerbiyos.

Ganito ba talaga ang nai-inlove? Bakit ang ibang kaedad niya, malalakas ang loob na makipaglapit sa mga crush nila? Samantalang siya, nanginginig sa nerbiyos kahit magtetext lang siya. Pero kailangan niyang masabihan si Keiran na bukas na lang nito isauli ang notebook niya. Huminga siya ng malalim at nagsimulang mag-type ng mensahe para rito.

“Sybill!” malakas na tawag sa kanya ng kanyang ina sa labas ng pinto.

Gulat na napabangon si Sybill at agad tinungo ang pinto ng kuwarto niya. “Bakit po, Mama?” Nagtatakang tanong niya. Napansin niyang suot nito ang apron nito at may hawak pang sandok. Pero ang higit na nakatawag ng kanyang pansin ay ang kakaibang ngiti sa mga labi nito.

Party of Destiny, Hosted by Lolo Kupido: Sybill's Meant-To-Be (Completed) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon