Chapter 8

597 15 0
                                    

“SAAN ba tayo pupunta? Gabi na at baka pagalitan ako ni Mama.” Sabi ni Sybill habang nakasunod siya kina Jhenna at Rain pagkagaling nila sa bookstore. Dala-dala pa nila ang mga pinamili nila habang naglalakad sila.

Binabagtas nila ang daan patungo sa burol na matatagpuan malapit sa boundary sa pagitan ng mga bayan ng Navales at Laiya sa Batangas. Iyon ang nagsisilbing guwardiya ng kanilang bayan na tumatanaw sa entrada ng high way papasok sa Navales.

“Huwag kang mainip. Sasaglit lang naman tayo kay Lola Maring.” Sabi ni Rain sa kanya.

“Kay Lola Maring? Ano naman ang gagawin natin doon?”

“Sabi ni Lorna nang makausap namin siya kanina, pwede na raw manghula ulit si Lola Maring. Alam mo namang tuwing ika-pitong kabilugan ng buwan lang siya makakapanghula. Galing nga raw sila rito kahapon ng nanay niya at nagpahula sila.”

Si Lola Maring ang sikat na manghihilot sa kanilang bayan. Ayon din sa mga balita, nanghuhula rin ito at madalas ay nagkakatotoo ang mga hula nito. Nakatira ang matanda sa ibaba ng burol.

“Magpapahula kayo?” tanong niya.

Nilingon siya ni Jhenna.“Tayong tatlo ang magpapahula. Weekday ngayon kaya konti lang daw ang mga taong nakapila. Samantalahin na natin ‘to.”

Itinaas niya ang dalawang kamay. “Hindi ako magpapahula, kayo na lang.” Aniya.

“Ang KJ mo, Sybill. Hindi ka ba curious sa lovelife mo?”

“Mga bata pa tayo para riyan. Pag-aaral muna ang atupagin natin bago yang mga lovelife-lovelife na iyan. Saka, hindi naman totoo ang mga hula na iyan, eh.”

“Ano ka ba naman? Iba si Lola Maring, propesyunal iyan! Saka dinarayo talaga ng mga tao ang talent niya sa panghuhula. Ninety percent ng hula niya, totoo.”

“Paano ang ten percent?”

“Hayaan mo na ang ten percent na iyon. Narito na tayo, Sybill. Maano bang magpahula ka na rin.” Sabi ni Rain sa kanya.

Napakamot siya sa kanyang noo. “Eh, kasi..”

“Natatakot ka?”

“Hindi naman sa ganoon, kaya lang...”

Bumuntung hininga si Jhenna. “Isipin mo na lang, research ito.”

“Paano’ng research?”

“Research sa power of love! Sa love, kailangan nating mag-take ng risk para makamit iyon. Huwag kang makontento na hanggang tanaw ka na lamang kay Keiran. Malay mo, makakuha ka ng pointers na dapat mong gawin para mapansin ka niya. Step up, girl!”

“Wow, ang lalim niyan, Jhenna. Hindi ko akalaing maiisip mo iyan bukod sa pagkain.” Komento ni Rain na sinabayan pa ng pagpalakpak nito.

Iniangat ni Jhenna ang braso nito kay Rain. “Ito, gusto mo? Balian kita riyan, eh. Minsan na nga lang makapag-speech, kokontra ka pa.”

“Napaka-bayolente mo talaga kahit kailan!” nahihindik na tili ni Rain.

Natatawang inakbayan niya ang dalawang kaibigan. “Ok, fine. Magpapahula na rin ako. Hindi niyo na kailangang magsimula ng rambol. Chillax.”

“Si Rain kasi. Lagi na lang may komento sa mga sinasabi ko.” nakasimangot na tinitigan ng masama ni Jhenna si Rain.

“Komento lang naman ‘yun. Matuto kang tumanggap ng comments. Constructive criticisms ‘yon.”

“Constructive criticisms ka diyan. Pang-sabog yang komento mo, eh.”

“Stop it, guys. Malapit na tayo kina Lola Maring. Pipila pa tayo.” Turo niya sa maliit na kubol na natatanaw niya. Maliwanag ang kubol at may iilang nakapila sa labas na magpapahula rin. Nakita niyang nakapila ang biyudang kapitbahay nilang si Aling Mercy.

Party of Destiny, Hosted by Lolo Kupido: Sybill's Meant-To-Be (Completed) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon