Chapter 29

588 23 0
                                    

PAGHINTO ng Land Rover sa tapat ng bahay nila ay mabilis na binuksan ni Sybill ang pinto at bumaba. Hindi na niya ito hinintay at binuksan na niya ang gate nila para pumasok. Tahimik na nakasunod ito sa likuran niya nang pasimpleng lingunin niya ito.

Pagbukas niya sa front door ng bahay nila ay namataan niyang nanonood ng telebisyon ang kanyang ina sa sala. “Hi, Ma!”

“Kumusta ang...” naapahinto sa pagsasalita ang kanyang ina nang matuunan ng pansin ang nasa likuran niya. “Ano ang ginagawa mo rito, lalaki?” naniningkit ang mga matang napatayo ang kanyang ina.

“Magandang hapon po, Tita Sylvia.” Magalang na yumukod si Keiran na inismiran ng kanyang ina.

“Kanina, maganda pero ngayon, hindi na. Sino ang nagsabing pwede mo pa akong tawaging Tita? Ang mabuti pa umalis ka na para muling gumanda ang hapon ko.”

Hindi kumibo ang binata pero nakita ni Sybill ang saglit na pagdaan ng sari-saring emosyon sa mukha nito pero hindi na niya nabigyan pa ng pangalan ang mga iyon. 

Mabilis na nilapitan ni Sybill ang kanyang ina. “Ma, ang presyon mo. Huwag mo rin siyang paalisin dahil siya ang magiging boss ko.”

“Ano? Nahihibang ka na ba?”

“Huwag po kayong mag-alala, Ma’am. Sisiguraduhin kong ligtas si Sybill sa rancho.”

“I don’t want to hear that from you, young man.”

“Ma,” saway niya rito bago hinarap si Keiran. “Pumasok ka muna at maupo para makapagpahinga ka.”

“Hindi siya papasok sa pamamahay ko.” mariing tutol ni Sylvia.

“Hihintayin na lang kita sa sasakyan, Sybill.” Ani Keiran na yumukod muna sa kanyang ina bago umalis.

Mahigpit na hinawakan ng kanyang ina ang braso ni Sybill nang akmang tatalikod na siya patungo sa kuwarto niya.

“Sybill!? Ano’ng kalokohan ang ginagawa mo? Hindi ka sasama sa kanya.”

“Ma, I can handle this.”

“No. Lalo mo lang pahihirapan ang sarili mo.” Matalim na tinapunan nito ng tingin ang pinto na tila ba naroon pa rin ang binata.

“Ma, please. Let me go.”

Naihilamos ni Sylvia ang ang kamay sa mukha nito nang nitiwan siya nito. “Hindi ko alam kung bakit gusto mo pang parusahan ang sarili mo. Ayoko nang makita ka pa muling umiiyak dahil sa lalaking iyon.”

“I won’t, Ma.” Pangako niya.

“Hindi ako naniniwala pero sige, bahala ka.” Sumusukong humakbang pabalik sa sala ang kanyang ina. Mabigat ang kaloobang pumasok sa kuwarto si Sybill.

Tama naman ang kanyang ina sa mga sinabi nito pero hindi niya kayang tumutol sa kagustuhan ni Keiran dahil may mga inosenteng madadamay kapag tumanggi siya.

The jerk is playing dirty.
Paglabas niya ng kuwarto bitbit ang isang may kalakihang bag ay hindi niya natanaw ang kanyang ina sa sala. Nagtatakang muli sana siyang aakyat sa taas at baka nasa kuwarto nito ang kanyang ina nang maulinigan niya itong may kausap sa labas.

Mabilis siyang lumabas. Nakita niya itong nakatayo kasama si Keiran sa tabi ng sasakyan at tila masinsinang nag-uusap. Parehong seryoso ang mukha ng mga ito kaya mabilis siyang lumapit.

“Ma?”

Napatuwid ng tayo si Keiran nang makita siya nito. Bakas sa mukha nito ang paghihirap ng kalooban nito habang nakatingin sa kanya bago ito muling nagbaling ng tingin sa kanyang ina. Ang kanyang ina naman ay iniwanan ng nagbabantang tingin ang binata bago ito lumapit sa kanya.

“Mag-iingat kayo sa daan. Tawagan mo ako agad pagdating ninyo roon.” Iyon lamang ang sinabi nito bago ito tumalikod at pumasok sa gate nila.

Tahimik na kinuha ni Keiran ang dala niyang bag at idineposito sa likuran ng sasakyan. Maingat na iginiya rin siya nito patungo sa passenger’s seat na tila ba isa siyang babasaging kristal sa pagtataka niya, hindi na rin nakatutol si Sybill nang ito na ang nagkabit ng seatbelt niya.

Nagtataka siya sa ikinikilos ni Keiran, tila ba may mabigat itong iniisip.

Hanggang sa makarating silang muli sa rancho ay nakakunot ang noo nito sa daan. Ano kaya ang nangyari dito?

“MANG Pablo, pakihatid ang mga gamit ni Doktora Martinez sa guest room katabi ng master’s bedroom.” utos ni Keiran sa may-edad na katiwala na sumalubong sa kanila pagdating nila sa rancho.

Ibinuka ni Sybill ang kanyang labi upang tumutol subalit itinaas ni Keiran ang isang kamay nito at nagsalitang muli. “Save it. Iyon lang ang bakanteng kuwarto sa bahay ngayon.”

“Pero-”

“Please, huwag na nating pagtaluhan pa ito. Pareho tayong pagod sa biyahe at hindi ko gustong maubos pa ang natitira kong lakas sa pagkikipagtalo.” Inihilamos ni Keiran ang isang kamay sa mukha nito. “Pumasok na tayo at nagpahanda ako ng pagkain.”

Isang buntung-hininga ang pinawalan ni Sybill bago labag sa loob na tumango. “Hindi ibig sabihin nito ay gusto kong katabi ang kwarto mo. Huwag mo akong hawakan.” Asik niya rito nang akmang hahawakan nito ang siko niya.

For a while, ipinikit ni Keiran ang mga mata na tila nagpipigil. Pagkatapos ay matiim na tumingin sa kanya.

“Sybill, pwede bang kahit sandali kalimutan mo muna ang galit mo sa akin habang naririto ka?” iritadong wika nito.

“Paano’ng hindi ako magagalit? Labag sa kalooban ko ang pananatili ko rito.”

Nagkalambong ang mga mata nito sa sinabi niya. “Alam kong depensa mo lang ang galit na iyan para sa sarili mo at naiintindihan ko iyon. Let’s have a truce here, Sybill. Maging sibil man lang tayo sa isa’t isa sa durasyon ng pananatili mo rito.”

Matagal na tinitigan niya ito. “Do me a favor, huwag ka nang magpakita sa akin, mas gusto ko pa iyon.”

Nagtagis ang mga bagang ni Keiran. “Never.”

“Kung ganoon, asahan mo nang aakto akong hindi kita nakikita.” Tinalikuran na ito ni Sybill at nagpatiunang lumakad patungo sa bahay.

Party of Destiny, Hosted by Lolo Kupido: Sybill's Meant-To-Be (Completed) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon