When I Sea You - 25

26 4 0
                                    

Chapter Twenty Five

Kaharian ng Meraki

Nang makarating si Aalton sa Kaharian ng Meraki, dumiretso muna siya sa kanilang tirahan na magkapatid para magsuot nang kaniyang armor bago siya pumunta sa palasyo. Nang nasa labas na siya ng palasyo, sumaludo sakaniya ang dalawang kawal na nagbabantay doon. "Kinagagalak namin kayong makitang muli, Heneral Aalton!" Sabay na sabi nang dalawa sa matikas at malalim na boses.

Sumaludo naman siya sa pabalik. Kasunod niyon ay nagtanong siya. "Nand'yan ba sa loob ang mahal na Hari?"

Tumango ang isa sa mga kawal. "Opo, Heneral. Inihabilin niya po sa amin na kung sakali po kayo ay mayroon magandang balita sa inyong pagbisita, nandoon lamang po siya sa kaniyang opisina sa loob nang palasyo." Seryosong sagot nito.

Tumango si Aalton bilang sagot. Pinagbuksan siya nang dalawang kawal at saka siya pumasok sa loob. Nang nasa loob na siya nang palasyo ng Kahariang Meraki, tiningnan niya ang kapaligiran at wala pa ring nagbago. Maganda pa rin ito at puno pa rin nang buhay. Ang palasyo ay kumikinang sa liwanag dahil sa natatanging kulay ginto nito, gawa rin ang buong palasyo sa isang matibay at malaki na coral reef. Nakita niyang nagkalat ang mga sirenang taga-silbi o tagapaglingkod sa buong lugar gayudin ang mga kawal sa bawat sulok ng palasyo. Nagsimula na siyang lumangoy patungo sa sinasabing opisina nang Hari.

Nang makarating siya rito, nakita niyang nakatingin ito sa bintana at nakatanaw sa malawak na Kaharian, mukhang malalim ang iniisip nito.  Huminga siya ng malalim bago nagsalita. "Mahal na Hari, ako ho ito, si Heneral Aalton."

"Pumasok ka, Heneral." Narinig niyang sabi nito sa isang ma-awtoridad at malalim nitong boses.

Hinawi niya ang halamang dagat na siyang nagsisilbing pinto o harang ng opisina ng Mahal na Hari, pagpasok niya sa loob, humarap ito sakaniya  kaya naman yumuko siya at inilagay niya sa kaniyang dibdib ang kaniyang kamay bilang pagbibigay pugay. Pagkatapos niyon, inayos niya ang kaniyang sarili at hinarap ang Hari.

"Ano ang iyong kailangan at ikaw ay nagbalik dito sa ating Kaharian?" Seryosong tanong nito sakaniya.

Napupuno nang kaba ang dibdib niya, ang lakas ng pagtibok ng kaniyang puso. Ngunit, hindi niya iyon pinahalata. Mukha siyang malakas at matapang sa mga oras na ito ngunit sa kaloob-looban niya ay nagwawala na ang kaniyang sistema.

Tumikhim siya bago nagsalita. "Tungkol po ito sa aking misyon, Mahal na Hari."

"Ano ang mayro'n sa iyong misyon? Kakailanganin mo ba ang tulong ng iyong mga kawal nang sa gayon ay madala ang Binibining iyon dito? O mayro'n ka pang ibang plano?"

"Mayroon po akong ibang plano," matapang at diretsa niyang sagot sa mahal na Hari. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa at sinabi na niya ang kaniyang pakay, "binibitiwan ko na po ang aking misyon. Napagpasyahan ko pong mamuhay na lamang sa lupa kasama ang Binibining iyon dahil siya ay aking iniibig. Maari po ninyong ipasa sa iba ang misyon ko habang po-protektahan ko naman po ang babaeng mahal ko, Haring Murdock."

Ang kalmadong mukha ng Hari ay napalitan ng galit. Tumalim ang mga titig nito sakaniya, dahilan para lalo pang lumakas ang tibok ng puso niya sa kaba pero ipinagsawalang bahala niya iyon.

"Hindi mo ito maaring gawin, Heneral Aalton!" Dumagundong ang malakas na boses ng Hari sa buong silid. Nagpatuloy ito sa pagsasalita, "ang misyong ito ay tanging ikaw lamang ang makakagawa! Sa isang iglap ay mabibihag mo na ang taga-lupa na iyon!"

"Ngunit mahal na Hari, sinabi—"

Pinutol ni Haring Murdock ang sasabibin ni Aalton, "hindi maaari, Aalton! Hindi ako makapapayag sa gusto ng iyong puso! Dadalhin mo ang taga-lupa na iyon dito sa palasyo ko, sa ayaw at gusto mo." May diin ang bawat salitang binibitawan ng Hari sa huli niyang sinabi.

When I Sea YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon