CHAPTER 5
ILANG beses siyang napakurap. Kahit itinayo na siya ni Zach ay para pa rin siyang tuod.
"Ayos ka lang? Hindi ka nasaktan?" kaagad na tanong ng binata.
Dahan-dahan siyang tumango, napatingin sa labi nito. Sigurado siyang naramdaman niya ang paggalaw ng labi nito kanina. O siya lang itong kung anu-ano ang iniisip?
"S-Salamat," aniya sa mahinang boses.
Tumango ito at nilinis ang katawan nitong nalagyan ng kaunting putik.
"Hoy, Kathy Jane! Ikaw na bata ka! Para ka talagang hindi babae. Tigilan mo na nga 'yang pakikipag-away mo kay William!" narinig niyang malakas na saway ni Nanay Helen sa babaeng muntik na siyang mabangga kanina.
Napatingin siya sa babae na namumula ang mukha sa sobrang galit yata habang nakatingin kay William na isa sa mga kaibigan ni Zach. Kahawig nito si Seiranel at Alyssa.
Si William ay nakangisi lang at kumindat sa babae.
"Panganay na apo ni Nay Helen si Kathy." Napalingon siya kay Zach nang magsalita ito.
Nakangiting tumango siya.
"Oo, nakita ko ang pagkakahawig nila," tugon niya.
Hindi siya makatingin ng diretso sa binata. Parang wala lang naman dito ang aksidenteng halik nila pero hindi niya alam kung bakit naapektuhan siya niyon. Hindi iyon ang una niyang halik pero iba ang dulot sa kaniya. Dagdagan pang medyo bothered siya sa hubad na katawan nito.
"B-Bakit pala wala kang damit?" hindi niya mapigilang itanong.
Napangiwi ito.
"Tinanggal ko kanina habang nasa laot kaso nahulog sa dagat kaya hindi ko na kinuha," sagot nito at bahagyang ngumiti.
Napapatitig siya sa mukha nito. Paminsan-minsan lang niya itong nakikitang nakangiti. Iba ang aura nito kapag nakangiti, mas lalo itong nagiging guwapo sa paningin niya sa tuwing nakikita niyang nakangiti ito.
"Ibalik ko na lang sa'yo ang long sleeve mo para may maisuot ka," aniya at akmang huhubarin ang suot niyang long sleeve nang mabilis siyang pigilan ng binata.
Tumingin ito sa paligid at kapagkuwan ay lumipat ang tingin sa kaniya.
"Hindi na kailangan. Mas kailangan mo 'yan, huwag mong huhubarin," anito sa boses na parang sinasabing iyon ang dapat niyang gawin at sundin.
Wala sa sariling tumango siya.
"Ayos ka lang ba dito?" tanong nito.
"Naninibago ako pero mabait naman sina Nanay Helen. Masasanay din ako." Nginitian niya ito.
Kumunot ang noo nito habang nakatingin sa mukha niya. Ilang beses na nga ba nitong ginagawa iyon? Hindi niya tuloy alam kung anong meron sa mukha niya.
Mabilis itong nag-iwas ng tingin.
"Maghahatid pa kami ng isda sa ibang tindera. Huwag kang..." ibinalik nito ang tingin sa kaniya, "magpapagutom," mahina ang pagkakasabi nito ng katagang iyon.
Bago pa siya makatugon ay tumalikod na ito at tinawag ang kaibigan nitong si William. Sinundan na lang niya ito ng tingin habang papalabas ng palengke kasama ang kaibigan nito.
"Bakit ba kasi pinapatulan mo 'yang si William? Kaya mas lalo kang inaasar, e," si Nanay Helen na pinapagalitan ang apo nito.
Tumingin siya sa panganay na apo ni Nanay Helen. Inis na inalis nito ang pabaliktad na cap sa ulo nito. Ang mahabang buhok nito ay awtomatikong bumagsak sa balikat nito.
YOU ARE READING
Isla Fontana Series #1: Stolen Heart (COMPLETED)
RomansaA VERY MATURED CONTENT. ISLA FONTANA SERIES IFS #1: Stolen Heart Thea Marie found her paradise, her peace of mind, and her home in Isla Fontana. The island where she found happiness and freedom. An island where she found love. But she knew that she...