CHAPTER 18
DALAWANG araw na ang lumipas pero walang Zach na dumating. Hindi niya mapigilang mag-alala kahit pa sinabi na ni Nanay Helen na hindi dapat siya mag-alala dahil nangyari naman daw ito noon.
Ayon kay Nanay Helen, mahigit dalawang linggo rin daw nitong hindi nakita si Zach noon. Walang nakakaalam kung saan ito pumupunta at mukhang hindi rin naman mausisa ang mga tao sa isla.
Sa dalawang araw na nasa palengke siya ay ramdam niyang tila may nagmamasid sa kanya pero sa tuwing iikot niya ang paningin sa paligid ay wala naman siyang nakikitang kakaiba.
"Ate, masama ba pakiramdam mo? Kahapon ka pa nagsusuka." Pansin ni Alyssa nang makabalik siya. "Ang putla mo din." Kumunot ang noo nito.
"Ayos lang ako. Mainit lang talaga siguro," aniya sa mahinang boses.
"Sigurado ka, ayos ka lang? Gusto mong umuwi muna para makapagpahinga ka? Si Ate Sei at Ate Kath na ang bahala dito. Sasamahan kita sa bahay, nandoon din naman si lola," alok nito.
"Huwag ka nang mag-abala, ayos lang ako. Aalis ka na bukas, hindi ba? Dapat ikaw ang umuwi para may pahinga ka. Mukhang malayo ang biyahe mo." Nginitian niya ito, ginulo ang buhok.
"Ayos lang ako, ate. Sasakay ako sa malaking barko bukas, kinakabahan ako pero excited." Kumislap ang magagandang mga mata nito.
Ngumiti siya at muli ay natigilan na naman nang makaramdam na parang may nagmamasid sa kaniya.
"Oo nga pala, ate. Naalala mo 'yong singsing na sinangla mo?" Lumingon siya sa dalaga, kumunot ang noo.
"Singsing? Bakit?" tanong niya.
"Kahapon nakita ko 'yon sa isang lalaki, e. Hawak-hawak niya. Natatandaan ko kasi gandang-ganda ako sa singsing na 'yon," kuwento nito.
Natigilan siya at kapagkuwan ay napalunok.
"L-Lalaki? Naaalala mo ba ang hitsura?" tanong niya, kinakabahan.
Umiling ito.
"Hindi, e. Pero kasing-tangkad siya ni Kuya Zach, medyo malaki rin ang katawan. Hindi ko makita ang hitsura kasi naka-sumbrero tapos...nangilabot ako ng ngumiti siya sa'kin, ate," tugon nito at balewalang itinuon ang atensyon sa isda.
Nahulog siya sa malalim na pag-iisip, ang lakas ng tibok ng puso niya.
"Kapag may lumapit na estranghero sa'yo, huwag mong kakausapin, ha? Umalis ka kaagad," paalala niya kay Alyssa.
"Masusunod, ate." Nginitian siya nito.
Nang bandang hapon na ay maaga silang nagsara para umuwi dahil maaga ang alis ni Alyssa bukas. Si Seiranel at Kath ay nagpaiwan muna dahil may importante raw gagawin.
Nang nasa bangka na ay sabay silang napalingon ni Alyssa nang makarinig ng sigaw.
"Sunog! Nasusunog ang palengke!" malakas na sigaw ng isang ale.
Kasabay ng sigaw na iyon ay ang malakas na pagsabog na ikinabigla niya. Halos matulala siya nang makita ang kumakalat na apoy sa kabuuan ng palengke.
Sabay silang nagkatinginan ni Alyssa, pareho ng iniisip. Halos sabay silang bumaba ni Alyssa mula sa bangka at tumakbo.
"Ate Kath!"
"Seiranel!"
Sabay nilang sigaw, kaagad na hinanap ang dalawa.
"Ate Kath! Ate Sei!" malakas na sigaw ni Alyssa.
Mabilis niyang pinigilan ang dalaga nang akmang papasok ito sa palengke.
YOU ARE READING
Isla Fontana Series #1: Stolen Heart (COMPLETED)
RomanceA VERY MATURED CONTENT. ISLA FONTANA SERIES IFS #1: Stolen Heart Thea Marie found her paradise, her peace of mind, and her home in Isla Fontana. The island where she found happiness and freedom. An island where she found love. But she knew that she...