Chapter 45

100 16 3
                                    

Kyla's Point Of View

2 years later....

"MAKIKITA KO NA si Klyn, makikita ko na si Klyn, makikita ko na si Klyn, makikita--" Natigil ako nang mairita na sa'kin si Diane.

"Oo na! Makikita mo na! Anak ng pating, paulit-ulit ka na lang e!" Angil ni Diane sa'kin.

"Pampam..." Sumama ang mukha ko at hinili na lang ulit ang bagahe ko. Sumabay ako sa paglalakad nila Angel at Tristhan.

Sa wakas ay pauwi na kami sa pilipinas. Hindi na namin kailangan mag-alala kung saan kami tutuloy sa pinas dahil may bahay na kaming pinagawa do'n at natapos 'yon tatlong buwan lang ang nakalipas sa taon na 'to. Nagpursigi talaga kami para do'n at sa sarili naming Event Planning Company na kilalang-kilala sa pilipinas. Nagbunga ang lahat ng sakripisyo at paghihirap namin dahil sa magandang tinatamo namin ngayon.

Hindi ako mapirmi sa inuupuan ko nang nasa himpapawid na ang eroplanong sinasakyan namin pabalik sa pinas. Hindi ko pa man nakikita si Klyn ay kinikilig na ko. Halos magmukha akong baliw dahil humagagikgik ako mag-isa dahil sa mga naiimagine ko kapag nagkita na kami ni Klyn. Hindi na ko makapaghintay.

Sa mga nagdaang taon ay mas marami ang araw at gabi na nalulungkot ako dahil naiisip ko siya. Marami akong naiisip na kinakatakot ko dahil wala ako sa tabi niya. Napupuyat din ako sa kaiisip kung anong ginagawa niya, kumain na kaya siya, nalulungkot din ba siya gaya ko, o masaya na siya ng wala ako? Minsan pa naiiyak na lang ako dahil naalala ko ang mga masasaya naming alaala noon.

At ngayong pabalik na ako sa pilipinas ay handa ulit akong gumawa ng panibagong alaala kasama siya. Sisiguraduhin kong hindi na ulit ako aalis sa tabi niya dahil kaya ko ng lumaban. Hindi katulad noon na parati akong takot dahil limitado ang nagagawa namin gawa ng kakulungan sa pera, wala kaming ibang nagawa noon kundi ang magtago at tumakas.

Kaya ko na ngayon makipagsabayan sa mga taong may matataas na antas sa pamumuhay. Kapag tinanong ulit ako ni tito Clifford ay may masasabi na kong business sa kaniya. Ngayon ay nakapasok na kami sa business world, at mas napalapit ako kay Klyn dahil pinasok ko na rin ang mundo niya.

"Oh, bakit bigla kang nanahimik diyan?" Biglang tanong sa'kin ni Diane.

Sinamaan ko siya ng tingin. "Nung nag-iingay ako--nagrereklamo ka, tapos ngayong tahimik na ko, magtatanong ka?! Kutos gusto mo?"

"Psh! Malay ko ba kung may iniisip kang nakapagpatahimik sa'yo. Concern na nga ako sa'yo, ganiyan ka pa sumagot sa'kin. Gusto mo rin ng kutos?" Napasimangot ako sa tinugon ni Diane. Hindi na lang ako sumagot, tumingin na lang ulit ako sa mga ulap at inisip ulit si Klyn.

Para akong kinikiliti sa gaslaw nang sa wakas ay lumapag na ang eroplano namin sa pilipinas. Ako ang naunang tumayo, kumuha ng mga gamit ko at naglakad.

"Ate, hintay!" Habol sa'kin ni Tristhan. Nagtagumpay naman siya ngunit naghahabol siya ng hininga sa tabi ko.

"Hindi tayo pwedeng maghiwa-hiwalay Ky, sabi ni Macky may iilang media daw ang naghihintay sa'tin." Ani Angel nang mahabol din ako. Hindi na nila ako pinayagang mauna at hinintay pa muna namin ang paglapit ni Diane sa'min.

"Kasama ni Macky si Angelo para sunduin tayo dito, naghihintay na daw sila sa'tin." Sabi ni Diane nang makalapit na sa'min. Sabay-sabay na kaming naglakad papasok sa NAIA.

A Heart EscapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon