06

229 8 1
                                    

06

"Ano ka ba naman," sabi ni Joy. "Parang magcu-cutting lang naman tayo."

Hindi ko alam kung bakit ganyan ang takbo ng utak niya. Simula nung nagkakilala kami, hindi ko talaga alam kung ano ang matino niyang pag-iisip.

Dahil sa ID niya, sigurado ako na hindi na talaga siya baliw. Wala naman sigurong eskuwelahan na magpapasok ng estudyanteng may kapansanan sa utak, 'di ba? Nakakalabas din siya sa ospital. Pero 'yung ugali niya... hay nako.

"Huwag mo nga akong dinadamay diyan," sabi ko.

Tinuro na naman niya ako ng stick. "Don't tell me..." sabay tingin nang malagkit sa 'kin, "hindi ka pa nakakapag-cutting?"

Nag-iwas ako ng tingin. Hindi pa nga. Kahit parang mga basagulero ang mga kaibigan ko, tutok kami sa pag-aaral. Nasa top ten nga kami ni Oyo, eh. Kaya hindi pa namin 'yan nasusubukan. Wala rin naman kaming planong sumubok.

"Mukhang hindi pa nga," natatawang sabi niya at humarap kay manong. "Tingnan mo, Alfred. Kawawa naman."

Mahina ring humagikhik 'yung taga-benta. Nagkunot-noo ako sa kanila.

"Masama ang mag-cutting," giit ko.

"Eh, ano ngayon?"

Hindi ako makapaniwalang tumingin sa kanya. Ibang klase. Parang nasubukan na nga niya iyon ng ilang beses. Sa tunog pa lang, halata na palagi niya iyong ginagawa.

Tumingin siya sa cellphone habang nagsasalita. "Sama ka, ha."

"At bakit naman ako sasama sa 'yo?"

Napunta sa 'kin ang patay niyang mga mata. "Kasi sabi ko."

Umiling ako at naglakad na palayo kaso hinawakan niya ang braso ko. Palaisipan pa rin sa 'kin kung ba't mas malakas siya kaya naman nahinto ako. Dumiin din iyong mga kuko niya.

"Ang KJ mo naman!" aniya. "Promise, mag-eenjoy ka."

Binitawan niya ako at sinukat ng tingin. Kinilabutan ako sa paraan ng pagtitig niya sa 'kin.

"Kaya pala..."

"Kaya pala ano?" tanong ko.

"Kaya pala niloko ka," sabay iling. "Wala ka kasing ka-thrill-thrill sa katawan."

"Ayan ka na naman."

Nagbuntong-hininga ako, napapagod na.

May dumating na puting SUV sa tapat namin. Pumalakpak si Joy. Nang binuksan niya iyon ay kaagad niya akong tinulak sa loob.

Kahit todo ilag ako, hindi ko pa rin siya kaya. Naipasok niya ako sa loob nang walang kahirap-hirap. Pagkasara niya sa pinto ay bubuksan ko na ulit 'to kaso hinarangan niya ang kamay ko.

"Hep, hep... hindi na pwede," aniya.

"Hindi na nakakatuwa, Joy. May pasok pa ako. Pwede ba? Tama na ang biro," inis kong sabi.

"Sinong may sabing nagbibiro ako?"

Biglang umandar ang sasakyan kaya tumingin ako sa harap. May nakita akong lalake na mukhang desente. Naka-yellow na long sleeves siya at parang mas matanda ng ilang taon sa 'kin.

"Huy, Phil... lakasan mo nga ang aircon," ani Joy.

Parang close silang dalawa. Ka-anu-ano ba sila?

Tiningnan ako nung Phil mula sa front mirror. "Sure ka ba na isasama natin siya?"

"Oo, naman."

"Phil nga pala pare," sabi nung lalake. May malalim siya na dimple sa kanang pisngi.

More Than Meets the EyeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon