05

208 11 5
                                    

05

"Anong ginagawa mo rito?" sabay turo ko kay Joy.

Hindi pa rin ako makapaniwala na nakita ko siya sa labas ng Safe Haven. Nakasuot siya ng itim na long sleeves na bestida na hanggang sa mga tuhod niya. Naka-half pony iyong buhok niya at parang naka... lipstick. Partida, naka-boots pa!

"Anong ginagawa mo rito?" balik niyang tanong sa 'kin. Nakangisi pa siya na para bang sarkastiko siyang nagulat na nagkrus ang mga landas namin.

Hindi ako makasagot. Inayos ko pa 'yung salamin ko para siguraduhin kung siya ba talaga ang nasa harapan ko.

Lumipat ang mga tingin niya sa bulaklak na dala ko. "Para sa 'kin ba 'yan?" sarkastiko niyang sabi at may pilit na ngiti.

"H-Hindi ah-"

"So may date ka rito?" sabay buntong-hininga. "Sinabi ko naman sa 'yo na hiwalayan mo na 'yang girlfriend mo. Niloloko ka lang nun."

Nagkunot-noo ako. "Huwag ka ngang magsalita nang ganyan."

Hinamon niya ako ng tinginan. Lumapit siya at kumuha ng isang pirasong rosas at inamoy ito. "Akin na lang 'to, ah. Sayang. Favorite ko pa naman ang pink."

"Teka-"

"Sir, doon po sa may dulo ang table niyo," putol nung receptionist. "May waiter po na mag-aalalay sa inyo."

Tumango ako. "Sige."

"Naka-half payment pa po pala kayo, Sir. Kailangan niyo nang magbayad ng full."

"Ah, okay," sabay kuha ko sa wallet at nagbayad na.

Nang lumingon sa tabi ay wala na si Joy. Tumingin ako sa pintuan at sa buong lugar pero wala na siya. Ibang klase...

Napailing na lamang ako. Hindi talaga siya marunong magpaalam 'no? Hindi rin pala niya ako sinagot. Baka tumakas iyon sa ospital. Pero mukhang imposible naman yata 'yun.

Kasi mukhang tropa niya ang mga taga ospital. At kung nakakalabas siya, baka nga hindi talaga siya baliw. Pero kahit na. Ang weird niya pa rin.

Ilang minuto akong naghintay kay Mea. Nag-order na rin ako. Kanina pa ako nagtetext pero hindi siya nagrereply.

Lampas 20 minutes na nang pumasok siya sa lugar. Napangiti ako. Muntikan na akong umuwi at balisa na, ngunit nang dumating siya ay para bang bumalik ang sigla ko.

Kahit naka-pantalon at simpleng t-shirt lang, ang ganda niya pa rin. Nakatali ang buhok niya at nakalugay ang bangs.

"Sorry. Medyo traffic," aniya nang umupo sa tapat. "Bakit kasi dito mo ako pinapunta."

"Hindi mo ba nagustuhan ang lugar?" mahina kong tanong.

Walang gana ang mga mata niya nang tingnan ang kabuuan ng lugar. "Ayos naman. Mukhang mahal dito, ah."

"Okay lang, Mea."

"It's Eyah... okay?"

Tumango ako. "Eyah."

Hindi pa rin ako sanay sa pangalan na 'yun. Para kasing ibang tao iyong tinatawag ko. Noon, gustong-gusto niya ngang tawagin ko siya sa pangalan niya, eh. Hayaan ko na lang...

"'Tsaka, medyo busog pa ako," aniya sabay tingin sa cake na nasa harap.

Tumango ako. "Kainin mo na lang. Inorder ko 'yan para sa 'yo, eh."

Tiningnan niya muna ako bago bumaling ulit sa cake na nasa harap. Bumuntong-hininga siya at kinuha na lang ang tinidor para tikman ang cake.

Malungkot akong tumingin sa kanya. Ang seryoso niya habang kumakain. Hindi rin niya ako tinatapunan ng tingin.

More Than Meets the EyeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon