29
"Manong," tawag ko sa driver ng jeep. "Iyong sukli ko po."
Pero sa rami ng nagbabayad, hindi niya ako narinig. Pero may kutob ako na sinasadya niya, eh.
"Manong, sukli ko po." Hindi niya pa rin ako pinakinggan. Kaya mas nilakasan ko na. "Manong! Sukli po!"
Nagbuntong-hininga siya at tumingin sa 'kin. "Oo na, oo na."
Hinawakan ko ang strap ng bag habang naghihintay. Masama ang tingin niya nang iniabot niya ito sa akin.
"Sa susunod po, matuto po kayong magbigay ng sukli," pagpaparinig ko kaya naman mas sumama ang tingin niya.
Nakakapanibago 'yun kasi kilala ko na ang driver na 'yun. Matanda siya at kalbo. Matagal na niya iyong ginagawa sa 'kin, pero para bang nagkaroon na ako ng lakas ng loob.
Ayaw ko nang maging talunan. Ayaw ko nang maging aso kagaya ng sabi ni Mea at ni Joy. Kailangan kong tumayo sa sarili kong mga paa.
Habang naglalakad papunta sa tindahan, nakita ko sina Tiboy at Reggie na nakatambay sa tindahan, at kasama nila si Oyo. Nag-iwas kaagad ako ng tingin na para bang hindi ko sila napansin kaso tinawag ako ni Reggie.
"Uy," peke kong bati. Hindi na rin ako lumapit pa. Nanatili ako sa daan at nakatingin sa kanila maliban kay Oyo.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin kami nagbabati. Hindi ko na rin siya nakausap pa simula nung nagkasagutan kami sa kwarto. Naiinis pa rin naman ako sa lahat ng sinabi niya tungkol kay Joy.
"May sasabihin daw si--Aray!"
Parang paputok ang naging tunog ng pagpalo ni Oyo sa likod ni Tiboy. Pati nga ang tindera ay dumungaw.
"Hayop ka!" sigaw ni Tiboy.
Kaagad naman akong tumakbo at pinigilan nang susuntukin na sana si Oyo kaya nabitawan ko ang bag sa daan. Kaso nang humarang si Reggie sa harapan ay siya ang nakatanggap nito.
Natahimik kaming apat habang nakatingin kay Reggie na nasa sahig at mukhang lumipad na yata ang kaluluwa sa langit. Nakahawak siya sa pisngi niya na namumula na ngayon.
Masama ang tingin niya kay Tiboy at tumayo, pero bago pa siya sumugod ay nakahawak na si Oyo sa kanya at itong si Tiboy naman ay tumago na sa likuran ako. Ginawa ba naman akong shield.
"Sorry na!" sigaw pa niya habang nakahawak sa mga balikat ko. "Hindi ko naman sinasadya!"
"Anong hindi sinasadya?! Gago ka!"
Dahil payatot itong si Oyo ay halos nadadala na siya. Kaya naman sumakay na lang siya sa likuran para mahila lang si Reggie.
"Hoy!"
Nahinto kaming apat nang makita ang tindera na may masamang tingin sa amin. Lumabas na talaga siya sa tindahan at parang kakainin na kami.
"Ang iingay niyo, ha!" aniya. "Kung gusto niyong magpatayan, pwede bang 'wag dito?! Konti na lang talaga, iba-blacklist ko kayo at ipapatawag kay Kapitan!"
Tumayo kaming apat nang tuwid.
"Sorry, po," ani Tiboy.
Kaya naman isa-isa na rin kaming sumunod.
"Konti na lang talaga!" Tinuro niya pa kami.
"Pasensiya na po," sabi ko. "Hindi na po mauulit."
"Heh!"
Napatalon kami sa singhag niya. Nakahinga ako nang pumasok na ulit siya sa loob. Inayos ko ang salamin at narinig ang bungisngis ni Oyo.
Hanggang sa nauwi kami sa tawanan. Nang magtinginan kami ni Oyo ay ngumiti siya sa 'kin.
BINABASA MO ANG
More Than Meets the Eye
RomanceSafe Haven is a popular mental asylum in the country. One of the diagnosed patient is Joy who seemed normal on the outside. Due to curiosity, a young boy wandered to the place and saw more than meets the eye.