23

155 10 0
                                    

23

Naging normal ang buong bakasyon ko.

Kung wala sa bahay, nasa gym at tindahan kami tumatambay ni Reggie. Wala si Oyo kasi nag-bakasyon sila sa bahay ng Lola niya. Si Tiboy naman ay umuwi sa probinsya.

Kagaya ng hula ko, hindi na ulit kami nagkita ni Joy.

Nadi-disappoint ako sa sarili ko. Okay na ako na wala siya, eh. Nitong mga nakaraang buwan, dahan-dahan na akong nasanay. Pero dumating na naman siya at umalis na naman nang walang paalam.

"Ano, cleared ka na ba pare?" tanong sa 'kin ng isang ka-block.

Naglalakad kami paalis sa registrar. Nagpapa-clearance kami. Matatapos na kasi ang first sem at sa susunod na linggo ay semestral break na namin.

"Oo, eh. Ikaw ba?"

Pagod siyang nagbuntong-hininga. "Hindi pa, eh. Iyong isang prof kasi namin, ang daming pinapagawa. Feeling major."

Natawa ako at tinapik ang balikat niya. "Kaya mo 'yan, pre."

"Salamat."

Isinuot ko nang maayos ang bag at nagpaalam na sa kanya. Nang makalabas sa gate ay kaagad akong nahinto nang makita si Joy na nakatayo sa may eskinita.

Napalunok ako. Ilang buwan ko na rin siyang hindi nakita.

As usual, bestida na naman ang suot niya. Itim ito at may pattern ng mga butterfly. Naka-boots din siya at iyong sobrang taas niyang buhok ay hanggang sa ibabaw ng puwetan niya na lang.

Nakayuko siya at pinaglalaruan ang mga batong nasa paanan.

May kutob na ako sa balak niya, kaya naman tumikhim ako at naglakad na palayo. Kaso nang tinawag niya ang pangalan ko, awtomatik na huminto iyong mga paa ko.

"Silvester Cruz IV!"

Napapikit ako nang mag-buntong hininga. Kinuyom ko na rin ang kamao para pigilang magalit. Pilit ko siyang hinarap.

"Bakit?"

Unti-unting lumambot ang mukha ko nang tumingin sa kabuuan niya. Mula sa mga walang emosyon na mga mata, hanggang sa nunal sa ilong at sa maninipis nitong labi.

Para bang nalimutan ko na galit pala ako sa kanya.

At nakakainis 'yun.

"Sumama ka sa 'kin," aniya.

"Bakit? 'Tsaka, anong ginagawa mo rito?"

"Hindi ba halata ang rason? Sa tingin mo, sinong pinunta ko rito?"

Hindi ko siya pinansin at tumalikod na, kaso hinila niya ang bag ko kaya napaharap ulit ako sa kanya.

"Anong problema mo?" tanong niya. "Daig mo pa ang babaeng may mens ngayon, ah."

"Joy, pagod ako. Wala akong time para makipaglaro o ano."

Tiningnan niya lang ako kaya hindi ko mapigilang mailang.

"Dyan ka na nga," sabi ko at naglakad na papalayo.

Pinakiramdaman ko siya pero mukhang hindi siya umalis sa kinatatayuan. Hinawakan ko ang strap ng bag.

Tama, iwan mo siya, Lester. Dapat mo 'yang gawin. Kaso nahinto ako at nagbuntong-hininga. Napapikit ako sa inis. Heto na naman ako, eh. Bumibigay na naman. Hinahayaan na naman ang sarili.

Dahan-dahan akong humarap at naglakad pabalik kay Joy na nakangisi na.

"Saan tayo pupunta?" inis kong tanong.

More Than Meets the EyeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon