Entry #4 - ROYGBIV

265 3 6
                                        

ROYGBIV

 

 

 “May maitutulong ba ako?” tanong ni Harriette sa sampung taong gulang na si Camilla.

 “Gusto ko pong regaluhan ng rosas ang maysakit kong ina sa kanyang kaarawan subalit wala akong sapat na perang pambili niyon.” Tugon ng bata habang patuloy ang pagmumukmok nito sa lilim punong acacia.

Halos madurog ang puso ni Harry sa tinuran ni Mila, wala din kasi siyang salapi para matulungan itong makakuha ng nasabing bulaklak, ngunit tila ba nakiki-ayon ang panahon dito dahil pagkatapos ng ulan ay muling nagbughaw ang langit at gumuhit ang isang napakagandang bahaghari kaya binulungan niya itong sumama sa kanya upang matulungan niya itong makakuha ng mga rosas. Bagamat hindi siya kilala nito ay sumunod pa rin sa kanya ang musmos sa kagustuhang mabigyan ng handog ang minamahal na ina. Bago niya ibinahagi ang itinatagong lihim sa paslit ay binilinan niya itong huwag sasabihin kaninuman ang kanyang sikreto, agad namang nangako si Camilla na iingatan niya ang kanilang napag-usapan.

Bago pa tuluyang maglaho ang ningning ng bahaghari sa himpapawid ay mabilis na sumakay sina Harriette at Mila sa sasakyang walis ng dalagang mangkukulam. Sa tuktok noon ay kumuha sila ng kapirasong tipak ng bawat kulay...Red, Orange, Yellow, Green, Blue, Indigo at Violet. Pagka-uwi nila sa bahay ni Harry ay gumawa siya ng orasyon gamit ang kakaibang mga sangkap mula sa iba’t ibang halamang gamot, kasabay ng isang latinong dasal ay unti-unting naging makukulay na rosas at paro-paro ang bawat kristal ng bahaghari. Labis na namangha at natuwa si Mila sa kanyang nasaksihan! Nang matapos ang munting palabas ay sabik na dinala ni Camilla ang surpresa para sa kanyang ina.

Subalit tila gumuho ang mundo ni Mila dahil pagdating niya sa kanilang tahanan ay pumanaw na si Caridad, patakbo siyang bumalik kay Harriette at hiniling dito na buhaying muli ang kanyang nanay ngunit tumanggi ang huli sapagkat wala siyang kakayahang gawin ang kagustuhan ng bata.

“Wala kang silbi!” galit na sigaw ni Camilla habang patuloy ang pag-agos ng luha sa kanyang mga mata, sa halip na patulan ang pag-angil nito ay niyakap siya ni Harry at sinabing...”Magkasing edad tayo nang maulila ako ng lubos, naaksidente ang aking ama at namatay naman sa tuberculosis ang aking ina. Namulat man ang aming angkan sa kaalaman sa salamangka at pangkukulam ay hindi nito napagaling o nailigtas sina inay at itay. Dapat mong tanggapin ang reyalidad na walang orasyon ang makapagdudulot ng iyong nais. Lahat ng nasa ibabaw ng mundo’y limitado dahil may isang uri ng mahika sa ating buhay na hindi kayang gawin ng tao at iyon ay ang tinatawag na *MILAGRO*, tanging ang Diyos lamang ang makagagawa nito.”  Paliwanag ni Harry.

“Dulot ng kahirapan kaya walang sinumang kamag-anak ang kumupkop sa akin noon ako natutong mamuhay mag-isa, pero huwag kang mag-alala sapagkat hindi ka malulumbay, handa kitang alagaan at mahalin kung iyong gugustuhin.” dagdag pa ng mabait na mangkukulam.

Nahimasmasan naman si Camilla buhat sa masama niyang inasal kaya humingi siya ng paumanhin kay Harriette at niyakap pa ng mas mahigpit ang bago niyang nanay.

2nd One-Shot Writing ContestMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon