Kabanata 16

238 36 58
                                    

Kabanata 16

Hired

Habang nasa byahe ako ay panay ang pag-iisip ko kung paano ko siya makakausap. Paano kung wala siya roon? Hindi puwede. Kailangan ko ng kalahating milyon ngayon. Pagkarating ko nga sa bahay nila ay sinabi pa ni Lola na nasa isang hotel daw si Chadrick kaya agad ako nagpunta roon.

"Manong, bayad po!"

Paglabas ko sa taxi ay diritsong pumasok ako sa loob ng hotel kahit may isang staff na nakabantay sa entrance. Patungo na sana ako sa front desk area nang napahinto ako nang makita ang pamilyar niyang likod. Kahit hindi ko kita ang mukha niya alam kong siya iyon. Kausap niya ngayon ang receptionist. Nang paalis na siya roon ay napansin ko pang hindi pa rin bumibitaw ng tingin sa kaniya ang receptionist. Abot langit pa ang ngiti nito habang may hawak na papel. Napansin ko pa ang signature ni Bente Pesos sa hawak niyang papel.

Nataranta ako nang makitang papasok na siya sa elevator. Halos tumakbo na ako para lang masundan siya pero nabigo ako nang tumama sa mukha ko ang pinto ng elevator nang sumarado ito bigla kaya napa-aray ako sa sakit. Ngunit bago pa sumarado ang pinto kanina ay narinig ko pa ang sagot ni Chadrick nang tinanong siya ng Elevator Attendant kung anong floor siya.

"17th Floor."

Nagtungo agad ako sa hagdan para umakyat at pumunta sa 17th floor. Iniisip ko nalang na hinahabol ako ng mga aso kaya mas binilisan ko pa ang pag-akyat. Nasa 5th floor pa lang ako pero habol ko na agad ang aking hininga. Wala sa isip ko ang tumigil kaya patuloy ang pag-akyat ko. Mas nahihirapan pa ako sa pagtakbo dahil nakatsinelas lang ako mabuti sana kong suot ko ang sapatos ko.

"Bakit ba kasi nasa 17th floor ang room niya? Kung puwede naman sa 2nd o 3rd floor! Pinapahirapan niya ako!" inis na sigaw ko.

Nang nasa 15th floor na ako ay ramdam ko na talaga ang tumutulong pawis sa aking noo. Ramdam ko na rin ang pamamanhid ng magkabilang tuhod ko pero hindi ko iyon pinansin. Buhay ni Papa ang nakasalalay dito kaya hindi ako puwedeng tumigil. Kahit sobrang nahihirapan na ako ay itinuloy ko pa rin ang pag-akyat hanggang sa nakarating na rin ako sa 17th floor. Laking pasalamat ko nang makita siyang binubuksan palang ang pinto ng room niya.

"Chadrick!" malakas na sigaw ko sa pangalan niya habang nakahawak sa magkabilang tuhod ko at hingal na hingal pa. Nakita ko pa ang gulat sa itsura niya nang napabaling siya sa gawi ko.

Huminga muna ako ng ilang beses. Nang unti-unti ng nakakabawi ng lakas ay nagpasya akong lumapit sa kaniya. Ngunit ilang hakbang palang ang nagagawa ko ay hindi ko sinasadyang matapilok. Naramdaman ko ang lamig ng sahig nang tumama ang mukha ko roon. Napapikit pa ako nang mariin dahil sa harapan pa talaga ni Chadrick.

Nakatsinelas na nga, natapilok pa!

Mabilis ako tumayo sa harapan niya na parang walang nangyari. Pasimpleng itinali ko rin ng maayos ang nagkakagulong mahaba kong buhok. Pagkatapos ay unti-unti ng humakbang papalapit kay Chadrick. Nang makalapit na rin ako sa wakas sa kaniya ay nakita ko pa ang pagkunot-noo niya. Siguro ay nagtataka rin siya kung bakit bigla nalang ako umalis kagabi at hindi na bumalik. Suot ko pa nga rin ngayon ang suot ko kagabi.

"Anong nangyari? Bakit hindi ka na bumalik kagabi? Alam mo ba kung gaano mo ako pinag-alala?" tanong niya at ramdam ko pa nga rin ang pag-aalala niya ngayon.

Hindi ko inaasahan na magtatanong siya ng ganito. Akala ko pagtatawanan niya ako sa pagkatapilok ko kanina ni hindi nga niya ako tinulungan.

"Bago ko sagutin ang tanong mo, utang na loob, painumin mo muna ako ng tubig. Labing-pitong palapag ang inakyat ko masundan lang kita rito," pagod na pagod kong sinabi sa kaniya. Uhaw na uhaw na rin ako.

His Opposite Intention (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon