Kabanata 20
Blackout
Alas-otso ng gabi nang magsimulang kumain ang magpamilya. Mahaba ang kanilang hapagkainan at maraming mga pagkain ang nakahanda kahit tatlo lang naman silang kumakain ngayon. Napaayos lamang ako ng tindig nang biglang bumaling ang ina ni Chadrick sa akin matapos kumain.
"Mario, mas mabuti kung sa kuwarto ng anak ko ka na rin matutulog. Aalis kami ni Ricardo ngayong gabi dahil may importante kaming aasikasuhin. Mapapanatag ang loob ko kung sasamahan mo ang aking anak sa kuwarto niya."
Laglag panga akong napatingin kay Mrs. Aldovar. Dahil sa gulat ay nailipat ang tingin ko kay Chadrick na napatigil din kumain.
"May problema ba tayo sa sinabi ko?" si Mrs. Aldovar nang mapansing hindi ako makasagot sa kaniya.
"W-Wala, Ma'am. Tama po kayo para nababantayan ko ng maayos ang anak niyo."
Hindi ako puwedeng magreklamo. Pinasok ko itong trabaho kaya dapat kong panindigan at sundin ang ipapapagawa sa akin. Sadyang nagulat lang ako sa naging request ng kaniyang ina. Puwede ko naman bantayan ang anak niya kahit sa labas ng kuwarto nito bakit sa loob pa mismo.
"Good."
Bago umalis ang magulang ni Chadrick ay nag-usap-usap muna sila sandali. Nang tuluyang umalis na ang mga ito, si Chadrick ay nagtungo sa music room. Malawak ang bahay nila kaya hindi na ako magtataka kung bakit marami silang facilities tulad ng music room, gym, library at mini bar. Minsan malilito ka nalang dito sa loob ng malaking bahay nila.
Rinig ko pa mula sa loob ng silid ang pagtugtog niya ng piano. Nakakarelax sa pakiramdam at ang sarap ipikit ang dalawang mata habang dinadama ang ritmo ng musika. Kahit gustong ipikit ng dalawang mata ko ay hindi ko ginawa para makapagfocus sa trabaho. Pinilig ko pa ang aking ulo para labanan ang antok.
"Nandiyan pa ba si Sir Chadrick sa loob?" si Trina.
"Oo," sagot ko. Napatingin ako sa hawak niyang tray.
"Para kay sir ba 'yan?"
"Ah, oo. Pinagtimpla ko siya ng gatas at nilagyan ko ng paborito niyang palaman ang slice bread," nakangiting paliwanag niya.
"Paki bigay nalang kay sir kapag tapos na siya sa ginagawa niya," sabay bigay niya sa akin ng tray kaya tinanggap ko ito.
"Sige, walang problema," sabi ko ngunit nang makitang papaalis na si Trina ay nagsalita ulit ako."Sandali lang Trina." May itatanong pala ako sa kaniya.
Napatigil siya sa paglalakad. "Yes, Mario?" nakangiting baling niya sa akin. Napansin ko pa ang paglagay niya sa likod ng tainga ang ilang hibla ng buhok niya katulad lang sa ginawa niya kanina nang nag-usap kami.
"Alam mo ba ang dahilan kung bakit pinasok ni Sir Cahdrick ang pagiging isang singer?"
Nagtataka lang ako dahil wala namang kamag-anak si Chadrick na nasa industriya ng musika. At napansin ko pa na parang hindi pabor ang ina niya sa pagiging sikat mas gugustuhin pa yata nito na pasukan ng anak niya ang pagnenegosyo.
"Gusto mo malaman? Naku, baka lumungkot ka lang," pag-aalala ni Trina.
Kumunot ang noo ko. Bakit naman ako malulungkot? Mas nadagdagan tuloy ang pagkakuryusidad ko.
"Isang marites ka rin pala Mario." Tumawa pa siya sa sinabi niya kaya nakitawa na rin ako kahit hindi ako natatawa. Ngunit ilang sandali lamang ay napatigil ako sa pagtawa nang marinig ang sinabi niya.
"Dahil kay Ophelia kaya naging sikat na mang-aawit siya," seryosong sinabi ni Trina.
Kumunot ang noo ko. "Ophelia? Sino siya?"
BINABASA MO ANG
His Opposite Intention (Completed)
RomanceMatinding galit ang nadarama ni Mia Marie Rosales, isang fourth-year criminology student ng Hanclifford University. Nang isang araw ay may isang estranghero ang kumuha ng pera niya. Little did she know, ito pala ang prominent singer at songwriter, C...