Kabanata 3
Hidwaan
Ano ba ang nangyayari sa mundo? Kailan ba titigil ang ganitong mga gawain? Kidnapper, magnanakaw, ano pa?!
Sa mga oras na ito ay iyan lang talaga ang naiisip ko na isa siyang magnanakaw. Akala niya siguro na marami akong pera pero nagkakamali siya. Hindi ako anak ng isang mayaman. Wala akong gold!
Huwag kang magpapadala sa itsura Mia. Hindi porket ang guwapo niya ay mabuting tao na siya.
"Magna-" napatigil ako sa pagsigaw nang tinakpan nito ang bibig ko gamit ang isang kamay niya.
"Miss, mali ang iniisip mo. Hindi ako masamang tao. Kailangan ko lang talaga ng pera ngayon."
Hindi raw siya masamang tao pero tinatanong niya kung may pera ako? Edi, magnanakaw nga siya! At hawak niya pa rin ang braso ko ng sobrang higpit. Alam niya talagang tatakasan ko siya!
"May Bente pesos ka ba sa wallet mo? Kulang kasi ang nadala kong pera ngayon." Napatingin pa nga siya sa kamay ko kung saan hawak ko ang aking pitaka. Parang nagmamadali pa siya base sa itsura niya.
Napatigil ako sa pag-iisip at kumunot ang noo ko. Kung kanina lang ay galit na galit ang mukha ko pero ngayon ay naguguluhan na ako sa inaasta niya.
Ano raw? B-Bente pesos?
"Miss pasensiya na wala na akong oras."
Nabigla na lamang ako nang hinablot niya ang pitaka mula sa kamay ko. Binuksan niya pa nga ito nang walang pag-aalinlangan. At mabilisan kinuha ang Bente pesos doon. Agad naman nataranta ako nang makuha niya ang Bente pesos ko.
Tang ina. A-Anong ginagawa niya? Kuwarenta pesos na nga lang ang natira sa wallet ko tapos kukunin pa niya ang Bente pesos ko?!
Nang ibinalik niya sa akin ang wallet ko ay napanganga nalang talaga ako sa ginawa niya.
"Don't worry, Miss. Babayaran naman kita. By the way, I'm CD." Kumindat pa siya.
Aba't naman! May gana pa talaga siyang magpakilala! Ano raw? CD? Ano siya? DVD? At may pa kindat pa talaga siyang nalalaman! Bigyan kaya kita ng malakas na suntok sa mata tingnan natin kung makakindat ka pa!
Ngunit bago ko pa magawa iyon ay nakapara na siya ng taxi at agarang pumasok sa loob ng sasakyan. Nawala nalang siya bigla sa paningin ko na parang bula habang ako heto parang tanga nakatayo pa rin sa daan at hindi pa rin maproseso sa isip ang nangyari. Napatulala ako kung saan siya sumakay ng taxi.
Ang walang hiyang iyon! Kapag makita ko ulit ang pagmumukha niya humanda siya sa akin! Ang kapal ng mukha niyang kunin ang Bente pesos ko!
"Ah!" napasigaw na lamang ako at napasabunot ng buhok dahil sa iritasyon.
Akala niya siguro ang dali-dali lang makahanap ng pera ngayon. Pinaghirapan iyon ng mga magulang ko! Dugo't-pawis silang nagpapakahirap para lang maitaguyod kaming magkakapatid tapos ang gagong iyon nanakawin-
"Miss! Nakita mo ba kung saan pumunta iyong lalaking halos kulay itim lahat ang suot?"
Nabigla ako nang may kumalabit sa likod ko kaya napaharap ako rito. Isang babaeng hingal na hingal pa ang bumungad sa akin. Sumunod pa ang dalawang babae sa kaniya na kagagaling din sa pagtakbo. Tinutukoy siguro nito ang lalaking walang hiyang kumuha ng Bente pesos ko.
"Nakaalis na sumakay ng taxi," mapait kong sinabi.
Hinahabol ba nila iyong lalaki? Bakit?
"Sayang hindi na natin siya nahabol. Paano iyan wala na akong pera para sundan pa siya."
"Pumunta pa naman ako rito dahil sabi ng isang kaibigan ko ay nandito raw siya. Malayo pa kaya ang bahay ko."
"Wala na nga akong pera pamasahe pauwi tapos hindi ko pa siya makikita. Ano ba 'yan!"
Palipat-lipat ang tingin ko sa kanilang tatlo. Iisa lang ang naiisip kong dahilan kung bakit hinahabol ng tatlong babaeng ito ang walang hiyang kumuha ng Bente pesos ko.
Baon siguro sa utang ang lalaking iyon sa kanila kaya tinatakasan niya ang mga ito dahil wala siyang pambayad. At dinamay pa talaga niya ang Bente pesos ko sa pagtakas niya. Buwisit!
Nakaramdam tuloy ako ng awa sa kanila. Alam ko kasi iyong pakiramdam na may uutang sa iyo pero sa kahuli-hulihan ay hindi ka rin pala babayaran. Sila iyong mga klaseng taong paasa na mas malala pa kaysa paasahin ka sa pag-ibig. Mag-su-suggest sana ako na humingi nalang sila ng tulong sa mga pulis para mapadali ang paghahanap nila sa lalaki pero agad na pala silang nakaalis sa harapan ko.
Napatingin na lamang ako sa aking wallet na Bente pesos nalang ang natira. Hindi ito kasya para sa pamasahe ko pauwi kasi dalawang sakay ito bago makarating sa amin. No choice ako kundi maglakad ng isang oras pauwi sa amin.
Ang suwerte mo talaga, Mia! Ang suwerte-suwerte mo talaga!
Napailing na lamang ako sa sarili. Ibibili ko nalang ng chuckie ang natitirang Bente pesos para kay Sky at uuwi na ako dahil mahaba-haba pa ang lalakbayin ko. Kumukulo talaga ang dugo ko sa lalaking iyon! Buwisit! Nakakainis! Ang sarap ipakain sa buwaya!
Nang makabili na rin ako ng Chuckie para kay Sky ay sinimulan ko na rin ang paglalakbay pauwi sa amin. Busangot pa ang mukha ko habang naglalakad mag-isa sa daan. Habang ang isip ko ay kung ano-ano ang pinaplano sa paghihiganti sa walang hiyang lalaking kumuha ng Bente pesos ko. Pero ang problema ay paano ko siya makikita ulit? Saan lupalop ng mundo ko siya mahahanap? Dapat bigyan ng leksyon ang lalaking katulad niya bago pa may mabiktima ulit siya!
Napatigil lamang ako sa pakikipag-usap sa isip ko nang biglang tumunog ang cellphone ko.
"Hello?" tugon ko sa kabilang linya.
"Oh, bakit mukhang badtrip ang beshy ko ngayon?" si Bianca. Rinig ko pa ang tawa niya sa kabilang linya.
"Minalas lang ako ngayong araw." Sinipa ko pa ang isang maliit na bato nang tumama ito sa sapatos ko.
"Bakit ka pala napatawag?" tanong ko. Narinig ko pa ang hagikhik niya bago sinagot ang tanong ko.
"May gagawin ka ba sa Linggo? Yayain sana kita na sumama sa akin. Isang talk show ang pupuntahan natin. And guess what? Isang sikat na singer at songwriter ang guest nila!" Kinilig pa nga siya sa huling pangungusap na sinabi niya.
Heto na naman tayo sa pagiging fangirl niya.
"Oh? Tapos? E, alam mo naman na hindi ako mahilig pumunta sa mga ganyan. At isa pa, hindi ako puwede ngayong Linggo dahil-"
"No! No! I don't need your excuses, Mia. Alam kong magmumukmok ka lang sa kuwarto mo buong araw dahil wala ka namang jowa. Kaya nga hindi ka pa nagkakajowa dahil palagi ka nalang bahay-eskuwela. Try to explore the world. Kaya sasama ka sa akin ngayong Linggo? Okay?"
Napabuntonghininga ako sa sinabi niya. Naalala kong Valentines day pala sa Linggo. Imbes na tanggihan ko siya ay pumayag na lamang ako dahil kapag hindi ako pumayag alam kong kukulitin niya ako hanggang sa mangyari ang gusto niya.
Sino ba 'yang sikat na celebrity ang sinasabi ni Bianca? At kilig na kilig pa siya?
BINABASA MO ANG
His Opposite Intention (Completed)
RomanceMatinding galit ang nadarama ni Mia Marie Rosales, isang fourth-year criminology student ng Hanclifford University. Nang isang araw ay may isang estranghero ang kumuha ng pera niya. Little did she know, ito pala ang prominent singer at songwriter, C...