KABANATA 3
"ITO NA ang bayan ngayon?"
Gustong matawa ni Lass sa pamimilog ng mga mata ni Arc. Pumaling ito sa kaliwa't kanan habang in-o-obserbahang mabuti ang paligid. Umikot pa ito!
"Napakaganda!"
Napangiti siya at tinuro ang ilang bagong tayong establisyemento. "Iyon ang unang 'dry market'. Ang groserya," turo niya pa. "Dalawang taon pa lang iyan ngunit malakas agad. Galing pa sa siyudad at sa Maynila ang mga binibili riyan."
"Paano naman ang pamilihang bayan?"
"Nasa likod niyan. Buo pa rin naman at marami pa ring tumatangkilik dahil laging sariwa ang mga itinitindang isda, karne, at gulay." Nauna siyang maglakad para matunton nila ang palengke.
Sumunod si Arc sa kanya. Para itong turista sa mismong lugar na kinalakihan.
"Galing sa taniman ng mga Lanza ang mga gulay. Pati ang mga isda ay sa pampang nila nabibili. Apat na taon na ang nakakaraan nang magtayo naman ng babuyan at manukan ang mga Valleroso. Sa kanila nagmumula ang mga sariwang karne ng baboy at manok. Nag-aangkat pa rin naman sa ibang probinsiya ngunit kadalasan ay sa mga Valleroso na kumukuha. Last year, the Lanza started their own poultry and piggery too. May bakahan na rin sila. Kaya iyon," turo niya sa napakaraming botelya ng gatas. "Kung hindi inangkat mula sa Bohol ay sa kanila galing ang gatas."
Tumango-tango si Arc at napatingin sa buong paligid. Maingay sa loob ng pamilihan at hindi kanais-nais ang amoy. Ngunit sanay si Lass dahil madalas siyang mamili roon kasama si Manang Rita.
"Hindi ba kumikirot ang ulo mo?" tanong niya sa esposo.
Umiling ito. "Napakalaki nang ipinagbago ng pamilihan. May bubong at mga haligi. Mas maayos ang bagsakan ng mga produkto."
"Natuto sila maging mas organisado dahil sa groserya. Napansin nila sa tuwing nagbabagsak ng mga produkto roon ay organisado ang mga trabahador."
Nagsimula na ulit maglakad si Lass. "Iyon ang barberya," turo niya sa isang tila bahay na may hilera ng pila sa labas. Pulos mga kalalakihan. "Bagong tayo lang."
"Nasaan na si Ka-Toyong?" hanap nito sa dating matandang barbero.
Napalabi siya. "Sumakabilang-buhay na si Ka-Toyong, Arc, noong nakaraang taon. Pero may anak siyang taga-Maynila. Pagkatapos mailibing ay nagpatayo ng mas malaking barberya at kumuha ng limang bagong barbero para diyan sa negosyo."
"Nakakalungkot," komento nito. "Si Ka-Toyong ang paborito kong barbero mula pagkabata." Nagkibit-balikat ito. "Ngunit ganoon ang buhay, sadyang may tuluyang lumilisan."
Tumango si Lass. "Maayos naman ang serbisyo diyan. Katabi niya naman ay 'parlor'. Para sa mga babae naman."
Nauna sa paglalakad si Lass at tinuro pa ang mga bagong establisyemento na wala pang pitong taon nang itinayo.
"Bumalik na tayo sa auto? Saan mo pa nais pumaroon?"
Tumigil sa paglalakad si Arc kaya't natigil din si Lass. Nilingon niya ito. "Arc?"
Kumurap-kurap ito. "Arc..." dalo niya agad sa esposo at hinawakan ito sa braso. "May n-naalala ka ba?"
Napahilot ito sa sentido. "K-Kaunti ngunit malabo..."
Marahan niyang hinaplos ang braso nito. Dumilat ito at tinitigan siya. Lihim na kinabahan si Lass sapagkat paano kung maalala na nito si Victorina?
"A-Archelaus...?"
Sa gulat niya ay hinuli nito ang kamay niya at pinaghugpong ang kanilang mga daliri. "Nais kong tumungo sa Purok Canawa. May naalala ako roon..."
"Ha? S-Sige. Walang problema..."
BINABASA MO ANG
Sa 'Yo Hanggang Huli (Valleroso #1)
RomanceAng mga babaeng Salamanca ay para lamang sa mga lalaking Valleroso. Sina Arc at Lass ay ikinasal dahil sa tradisyon ng kanilang mga pamilya. Sa una pa lamang ay minamahal na ni Lass ang binata. Subalit kabaliktaran ang damdamin ni Arc na naging pasa...