Kabanata 19

16.8K 703 339
                                    

KABANATA 19

Septiyembre 12, 1948.

"NAPAKAGANDA rito!" bulalas ni Dalia bago lumingon kay Lass. "Matagal mo nang alam ang lugar na 'to? Mas maganda pa 'to kaysa sa burol Estrella!"

Nginitian niya ang kapatid at saka pinaglandas ang tingin sa luntiang tanawin. Kung tatanaw pa sa bandang kaliwa ay naaabot na ng paningin ang dalampasigan. Mas mataas pa rin ang lokasyon ng burol Estrella. Ngunit sapat na din ang taas ng Nayon Hilum.

Bumaba si Lass ng sakay na kabayo. Ganoon din si Dalia.

"Maganda sigurong magtayo ng bahay rito," anito habang lumalanghap ng sariwang hangin.

"Tunay nga. Kung hindi lang ito parte ng lupain ng mga Lanza, baka sakaling mabili natin kahit ang karampot lang na puwestong ito.

Maraming nagsasabing maliit na probinsya lang ang Monte Amor. Hindi raw nasasapat ang laki upang mailagay sa mapa ng Pilipinas, o kahit ng Cebu pa. Ngunit habang tumantanda si Lass, mas marami siyang natutuklasang mga lihim na lugar sa lupang sinilangan. Ganoon lang ba ang sinasabi nilang maliit?

"Ah, imposible ngang pagbentahan tayo!" Napahalukipkip si Dalia. "Ngunit siguro kung isang Lanza ang mapapangasawa ko ay posible pa."

Nilingon niya ito. "Imposible ring makapangasawa ka ng hindi isang Valleroso. May nakatakda na sa 'yo. Kalimutan mo na si Timoteo."

Inirapan siya ng kapatid. "Hindi ko naman ipinahahayag na nais ko ng Lanza! Basta, sayang ang lupang ito. Hindi ipinagbibili pero hindi rin naman ginagamit ng mga Lanza."

Iyon nga mismo ang naisip ni Lass. Tumingin ulit siya sa tanawing nakapagbibigay sa kanya ng kapayapaan. Tama lang sigurong Nayon Hilum ang pangalan ng purok sapagkat malayo sa ingay ng bayan. Subalit hindi rin ganoon kalayo sa mga tao, hindi tulad sa Hacienda Salamanca na nasa pinakadulo na ng Monte Amor.

"Kahit ba sa isang Valleroso, hindi ipagbibili ng mga Lanza itong lupa?" naisatinig ni Lass.

"Nako! Lalo na sigurong hindi! Batid nating lahat na nasa kompetisyon ang dalawang angkan rito sa Monte Amor. Kita mo ngang hindi rin nagbebenta ng lupain ang Valleroso maliban na lang kung sa kamag-anak at kung sa isang Salamanca."

Napabuntonghininga si Lass. "Kung gayo'y kalilimutan ko na lang ang pangarap kong makapagpatayo ng bahay rito." Hindi na rin siguro siya pupunta pagkatapos ng araw na 'yon para hindi niya na mas hangarin pa ang imposible.

Tama nang puso lang ni Arc ang hinahangad niyang suntok sa buwan. Kapag idinagdag niya pa itong lupain na ito, baka mabaliw na siya.

"Hindi ba't maganda sa mansyon niyo ni Arc? Maganda rin naman ang tanawin doon. Malapit pa sa bayan," tanong ni Dalia.

"Maganda naman..." Pero... "Maingay lang dahil daanan ng mga tao at sasakyan." Lahat ng galing sa mga purok papunta ng bayan at pabalik ay madaraanan ang mansyon. Perpekto nga daw ang lokasyon, ayon kay Estefan—ang kapatid ni Arc. Nasa gitna raw sila ng Monte Amor.

"Nasanay ka lang sa ating hacienda na malayo sa sibilisasyon," tawa ng kapatid. "At pamana ang mansyon na iyon kay Arc, hindi ba? Malapit pa sa ospital."

Tumango na lamang si Lass. Pinagsawa niya ang mga mata sa tanawin. Sumalampak pa siya ng upo sa lupa at hinaplos ang mga ligaw na damo. Napangiti siya... Maganda pati ang lupa roon dahil sa tubo ng damo. Perpektong lugar upang magtanim... Ah, sayang talaga.

Tumabi si Dalia sa kanya. "May problema ba, mahal kong kapatid?"

Napakurap siya at napabaling rito. "Problema?"

Sa 'Yo Hanggang Huli (Valleroso #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon