KABANATA 17
Year 1927
"ARCHELAUS! Anong dahilan at umiiyak na naman ang iyong kapatid?"
"Hindi ko siya itinulak, Papa!" tanggi agad ng pitong-taong gulang na si Arc.
Napabuga ito ng hangin. "Hindi ka makapagsisinungaling sa akin, Archelaus! Anong ginawa mo kay Estefan?"
Matigas ang iling ng batang si Arc at tumakbo palayo sa ama. Tumakbo siya hanggang sa likod ng bahay. Nagtago at sumiksik sa mga halaman.
"Archelaus! Napakatigas ng ulo mong bata ka! Bumalik ka rito!"
"Gael! Hayaan mo na si Arc," narinig niyang pigil pagpapahinto rito ng kanyang ina. "Tumahan na si Estefan."
"Ngunit napakasinungaling ng panganay mo! At sinong nagturo sa batang iyon upang manakit ng kapatid? Nakita ko ang hayagan niyang pagtulak kay Estefan mula sa kama upang bumagsak ito."
"Huminahon ka, Gael. Mas galit ka yata sa iyong sarili sapagkat hindi mo nasalo ang bunso."
"Ha! Kinukunsinti mo na naman si Archelaus, Mona! Kailangan pa rin siyang pangaralan. Archelaus!"
"Babalik din iyon sa oras na hindi ka na sumisigaw. Samahan mo si Estefan sa silid. Tignan mo at maayos na siya."
Napakasimangot na mas isiniksik niya ang maliit na katawan sa halaman. Puro na lang si Estefan! Hindi niya iniibig ang kapatid!
"Arc?" malumanay na tawag ng kanyang ina. "Arc? Anak, samahan mo ang Mama sa merkado? Ibibili kita ng pagkain."
Ngumuso siya't sumilip ng bahagya. "Galit ka sa 'kin, Mama."
"Ako? Hindi ako galit sa 'yo, Archelaus."
"Galit ka dahil ayoko kay Estefan."
Yumuko ito at lumuhod nang makita siya sa pagitan ng mga halaman. Ngumiti sa kanya ang ina. "Kaya ba't itinulak mo siya at bumagsak siya mula sa kama?" mahinahong pagtatanong nito.
Mas pinatigas ni Arc ang mukha. "Hindi ko siya itinulak, Mama!"
Ngumiti ito at inabot ang kamay niya. "Halika at lumabas tayo. Ibibili kita ng paborito mong pagkain."
"Magagalit ang Papa."
Marahan siya nitong hinila patayo. "Samahan mo na ako, mahal ko. Halika na..."
Nagpahila na lamang si Arc sa ina. Hanggang sa makarating sila sa merkado na nakahawak sa kamay nito. Nakasimangot siya buong oras na naglalakad sila. Kaya't tila walang makalapit na ibang bata sa kanya.
"Umupo ka muna rito at hintayin ako. Bibili lang ako ng pagkain, maliwanag?" nakangiting hinaplos ng ina ang pisngi ni Arc. "Pagbalik ko'y ipakikita mo na sa akin ang iyong mga ngiti."
Lalong sumimangot si Arc na tila ba sa lahat ng bata sa buong daigdig ay siya ang pinagbagsakan ng langit.
Iniwan na siya sandali ng ina. Sinundan niya ito ng tanaw habang pumipila sa panaderya.
"Iyon ang panganay na Valleroso? Si Archelaus?"
"Napakagandang bata!"
"Dinig ko'y suwail lamang."
"Pasaway naman lahat ng bata sa ganyang gulang."
"Ah, siya ba ang natira sa dapat ay kambal nina Gael at Ramona?"
BINABASA MO ANG
Sa 'Yo Hanggang Huli (Valleroso #1)
RomanceAng mga babaeng Salamanca ay para lamang sa mga lalaking Valleroso. Sina Arc at Lass ay ikinasal dahil sa tradisyon ng kanilang mga pamilya. Sa una pa lamang ay minamahal na ni Lass ang binata. Subalit kabaliktaran ang damdamin ni Arc na naging pasa...