Kabanata 20

17.7K 674 401
                                    

KABANATA 20

Year 1930.

KUSANG dumilat ang mga mata ni Arc kahit pa walang gumigising sa kanya. Bumangon siya at napatingin sa labas ng bintana at saka sa orasan. Madilim pa sa labas subalit alas-kuwatro ng madaling araw na. Kaarawan niya na! Kaarawan niya na! Sampung taong gulang na siya!

Ang sabi ng kanyang Mama at Papa ay may handaan para sa kanya. Pagkatapos ay darating ang mga kamag-aral niya sa eskuwela. Magkakaroon ng maraming pagkain! Hamburger and cake!

Mabilis na bumaba si Arc ng kama at patakbong lumabas ng silid. Nais niyang puntahan ang mga magulang at gisingin na ang mga ito. Para maumpisahan na nila ang paghahanda dahil darating mamaya ang mga kalaro at kamag-aral niya. Nais niya ring panoorin kung paano magluluto ang ina ng paborito niyang pagkain!

"Mama? Papa?" Tumakbo si Arc sa pasilyo hanggang sa matunton ang silid ng mga magulang. Bukas na ang pinto niyon kaya't pumasok na siya. Pero wala ang dalawa roon. Naiwang bukas ang ilawan. "Mama? Papa?"

Napakurap si Arc nang may marinig na tila umiiyak. Doon sa may teresa...

"Sampung taon na, Gael... Hindi ko pa rin makalimutan ang anak natin. Si Archimedes... kaarawan niya sana ngayon! Sampung taong gulang na dapat siya! Nangungulila ako, hindi ko magawang magsaya!"

Natigil siya sa paglapit. Nagtago si Arc sa likod ng madilim na poste bago pa siya makatapak palabas ng teresa. Natanaw niya ang kanyang inang nakalugmok sa sahig habang niyayakap ng kanyang ama...

"Mona... Labis pa rin ang pagdadalamhati ko kaparis mo. Ngunit huwag mong kalimutan si Archelaus. Nandito pa si Arc at buhay na kasama natin. Maging masaya tayo para sa espesyal na araw niya..."

Mas humagulgol ang ina. "H-Hindi ko m-magawa, Gael! Hindi ko magawa... Patawad kay Arc at Estefan. Mahal ko sila subalit hindi ko alam sa kung paanong paraan ko mararamdaman ang kasiyahan kung sa tuwina ay naaalala ko ang kapatid nila... Sa tuwing titignan ko si Arc ay hindi ko maiwasang isipin na kung nabuhay lang si Archimedes, magkaparehas kaya sila? May abuhing mga mata? Magagandang ngiti? Mapaglaro at may katigasan ng ulo rin? Patawad! Nais kong maging masaya sa araw na 'to kahit para lang kay Archelaus, ngunit nagdudugo pa rin ang puso ko. Habambuhay nang kulang ang pagkatao ko, Gael!"

"Mona, mahal ko. Makinig ka sa 'kin..."

Napatingala ang kanyang Mama sa Papa niya. "Gael, hindi kaya't ito ang kapalit ng tradisyon? Nagpakasal tayo gawa niyon at may mga nasaktan tayong ibang tao. Bagkus ay buhay ni Archimedes ang kapalit?"

Umiling-iling ang kanyang ama. "Huwag na huwag mong iisipin iyan, Ramona! Ang tradisyon ng mga Valleroso ay hindi nakapapahamak kung susundin ng bukal sa puso. Mahina ang puso ni Archimedes kaya't hindi kinaya ng sanggol—"

His mother kept on crying. "Naaalala ko pa ang lakas ng iyak nila ni Archelaus. Kaya't imposibleng namatay lang siya basta... Sabi ng doktor ay parehas silang malakas kaya't hindi ko matanggap! Hanggang sa ngayon ay hindi ko matanggap!"

Tahimik na umatras si Arc at bumalik ng sariling silid. Ayaw niya na... ayaw niya na palang magdiwang dahil malungkot at umiiyak ang Mama niya. Hindi maipaliwanag ng bata niyang isip kung bakit may makirot sa bandang dibdib. Napahawak siya roon...

Hindi magiging masaya ang Mama niya. Kahit kailan... kahit nandoon siya. Mas gusto nito si Archimedes kaysa sa kanya!

Napasimangot si Arc at hindi niya maintindihan kung bakit may tumutulong mga luha sa kanyang mga mata. Pagkatapos ay parang pinipisil ang puso niya.

Sa 'Yo Hanggang Huli (Valleroso #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon