KABANATA 9
HINDI matigil sa pagdadasal si Lass habang hinihintay ang pagmulat ng mga mata ni Arc. Hindi pa nila mabatid kung anong nangyari rito bago mawalan ng malay sa banyo. Agad naman itong nasugod sa ospital.
"Wala naman siyang galos o ano pa man," ani Hakob na siyang natatanging doktor na bakante at agad na rumesponde. Ininspeksyon din nito kung may baldog sa ulo ang asawa. "At sa palagay ko ay hindi rin siya basta lamang bumagsak dahil wala akong nakakapang bukol o ano pa man sa kanyang ulo."
Pinipigilan ni Lass ang mapaluha. Si Arc lang ang laman ng utak niya ngayon kaya naman hindi niya na pinansin ang nakaiiritang presenya ni Hakob.
Malakas ang tibok ng puso niya. Kinakabahan. Natatakot. Baka... baka sa pagmulat ng asawa ay bumalik na ang mga alaala nito. Napaka-posible niyon.
Napahaplos siya sa kanyang sinapupunan. Pagkuway nagdasal muli ng tahimik... Napaka-abusado niya na yata kung ipagdadasal niyang muli na sana'y hindi pa nakaalala si Arc...
Bigla itong umungol!
"Archelaus..." aniya at hinawakan ang kamay nito. "Arc..."
Unti-unti ang pagmulat ng mga mata nito habang mas pabilis pa nang pabilis ang tibok ng kanyang puso.
Napakurap-kurap ito at tumingin sa paligid. "A-Anong nangyari?" his voice raspy. Napabaling ito sa kanya. "Lass?"
"Arc, a-anong nararamdaman mo?" nag-aalalang wika niya. "Natagpuan kitang walang malay sa banyo..."
Sumilay ang munting ngiti sa mga labi nito.
Agad na kumalma ang kalooban ni Lass. Lalo na ang kanyang puso.
Hinapit siya ni Arc sa baywang at niyakap nang mahigpit. "Pinag-alala ba kita, giliw ko? Huwag ka nang mangamba pa. Maayos na 'ko," malambing wika nito.
Lihim siyang napasinghap. Hindi pa bumabalik ang alaala nito! Napaiyak siya sa tuwa at mas yumapos dito. "Oh, Arc..."
He stroked her back. "No, no, don't cry. I'm fine, my Lass. Don't cry. Makakasama sa anak natin," bulong nito sa kanyang tainga. Upang sila lamang ang makarinig. Pagkuwa'y hinalikan nito ang kanyang tainga. Patuloy siyang inalo nito.
Salamat sa Diyos! May oras pa... may oras pa upang itama niya ang mga kasinungalingan niya rito...
"Ano nga bang nangyari sa'yo, Archelaus? Bakit ka nawalan ng malay?" nagtatakang tanong ni Hakob. "May mga naalala ka na ba?"
Nakagat ni Lass ang mga labi. Lumayo siya ng bahagya sa asawa at pinalis ng panyo ang kanyang mga luha. Nanatili ang kamay ni Arc sa kanyang baywang.
"H-Hindi ko maipaliwanag ang nangyari sa akin. Maliligo na 'ko kaninang umaga nang biglang sumakit ang ulo ko. There were flashes of memory... Mabilis. Hindi ko matukoy. Ngunit..." Sinulyapan siya nito. "Naguguluhan ako, Lass."
"B-Bakit, Arc?"
"Naalala ko ang kaunting nangyari sa 'kin bago ako maaksidente."
Nanigas ang likod ni Lass. "A-Anong naalala mo?"
"Galing ako sa mga Lanza. Kay Victorina."
Sinulyapan siya ni Hakob. Nag-iwas siya ng tingin sa lalaki na kanina niya pa ayaw lingunin. Napakunot ng noo si Arc. "Nagtatalo kami. Umalis ako. Ngunit... hindi ako mag-isa sa sasakyan."
Nanlaki ang mga mata ni Lass. Nagtalo sina Arc at Victorina bago ang aksidente? At may kasama si Arc?! "A-Ano? Hindi ko maintindihan, Arc..."
"Hindi 'ko rin matukoy ang alaalang iyon. Ngunit alam kong totoo. Galit ako. Galit akong nagmaneho. Nagtatalo na rin kami ng kasama ko. Inagaw niya ang manibela sa akin at..." Napapikit ito ng mariin. "At nawalan ng kontrol ang sasakyan. H-hindi ko alam kung ano nang sumunod na nangyari... Sino ang kasama ko sa auto? Bakit kami nag-aaway ni Victorina? Bakit ko siya pinuntahan ng gabing iyon? N-Naguguluhan ako."
BINABASA MO ANG
Sa 'Yo Hanggang Huli (Valleroso #1)
RomanceAng mga babaeng Salamanca ay para lamang sa mga lalaking Valleroso. Sina Arc at Lass ay ikinasal dahil sa tradisyon ng kanilang mga pamilya. Sa una pa lamang ay minamahal na ni Lass ang binata. Subalit kabaliktaran ang damdamin ni Arc na naging pasa...