Kabanata 8

15.4K 679 161
                                    

KABANATA 8

"NAPAKASAYA mo, Senyorita," untag ni Manang Rita kay Lass habang naghahanda siya ng hapunan.

Mas lumawak ang kanyang mga ngiti. "Nagagalak ako ng labis ngayong araw, Manang."

"Basta at kung saan ka masaya, Senyorita. Nararamdaman kong napakagandang balita ang iyong hatid."

"Lubos pa, Manang. Lubos lubos pa sa sayang tinutukoy niyo. Napakatagal ko po itong hinintay!"

Kumislap ang mga mata nito at napasinghap. "Diyata't nagdadalang-tao ka na, Senyorita?"

Sa kabila ng hinhin, hindi makakaila ang ligaya sa mga ngiti at tawa ni Lass. Niyakap niya nang mahigpit si Manang Rita. Tila nagkaintindihan na sila nito kaya't kahit walang mga salitang nanulas mula sa kanya ay nakuha na nito ang ibig niyang ipahiwatig.

Pagpatak ng alas-siete y medya ay eksaktong naringgan ni Lass ang tunog ng auto ni Arc. Nagmamadali siyang lumabas upang salubungin ang asawa.

"Archelaus!" masayang untag niya sa esposong pababa pa lang ng sasakyan nito.

Napaangat ito ng tingin sa kanya at kaagad ang pagsilay ng mga ngiti. "Giliw ko."

Yumapos siya nang mahigpit sa leeg nito at tiningkayad ang mga paa upang mahagkan ito sa mga labi. Agad na sumuporta ang mga kamay nito sa kanyang baywang at tinugunan ang kanyang halik.

Kahit sa paraan ng paghalik ay tumatawid ang ligaya ni Lass.

"Napakasaya mo!" pansin ni Arc pagkatapos ng halik. Hinaplos nito ang kanyang pisngi. "Mas iniibig ko ang mga ngiti mo ngayon. Sabihin mo sa'kin, anong nagpapagalak ng ganito sa aking giliw?"

Misteryoso muna siyang ngumiti at hinila ito patungo sa loob. "Nagluto ako ng hapunan, Arc. Halika at magsalo tayo."

Nakarating sila ng silid-kainan at agad siyang pinaghila nito ng upuan. Umupo siya roon at ito naman ay sa kabisera. Napatingin ito sa iba't ibang putahe na kanyang niluto mula pa kaninang nanggaling siya mula sa kanyang doktor.

"Amoy pa lamang ay paniguradong masarap na," anito at muling napatingin sa kanya. "Hindi ako puwedeng magkamali. May okasyon sigurong nakalimutan ko!"

Natawa si Lass at nginitian ito. "May gusto akong malaman mo."

Nagsimula nang kumuha ng ulam si Arc at nilagyan ang kanyang pinggan. "Tungkol saan?"

Hinawakan niya ang kamay nito. Nagsalubong ang kanilang mga tingin. Malawak ang mga ngiti ni Lass habang nagningning ang mga mata. "Archelaus... nagdadalang-tao na 'ko," mahinahon niyang wika kahit pa hindi na tumigil ang malakas na tambol sa kanyang dibdib.

Napakurap si Arc nang ilang beses. "P-Pakiulit nga, giliw..." sabay hawak nang dalawang kamay nito sa kanyang mga kamay.

Napangiti siyang lalo. "Sa wakas ay narinig na tayo ng Maykapal. Nagdadalang-tao na 'ko. Magkakaanak na tayo, Arc."

At ganoon na lang ang gulat ni Lass nang biglang napatayo si Arc at napasuntok sa hangin. "Yes! Yes!"

Napahalakhak siya. "Arc! Umupo ka nga!"

"Hindi ka nagbibiro? Tama ang narinig ko? Magkaka-anak na tayo?!" Mas lalong natawa si Lass nang makitang nag-aagawan ang lahat ng klaseng emosyon sa mukha nito.

Agad siyang tumango. Nakagat nito ang labi ngunit hindi rin napigilan ang napakalawak na ngiti. Kinabig siya nito para sa isang napakahigpit na yakap!

Sa 'Yo Hanggang Huli (Valleroso #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon