X - Ang Simula ng Pagsusulit

15 3 0
                                    

Kabatana X

"Ang Simula ng Pagsusulit"

Dali-dali akong nag ayos ng aking sarili pagsara ko pa lang ng pintuan. Agad kong hinanap ang aking bagong uniporme, sapagkat ang luma ay sumisikip na at nasisira na dahil sa pag eensayo, at agad nilagay sa king bag. Nagmadali na akong nagtungo sa palikuran upang magpapresko bago ang nalalapit na labanan.

Sa aking pagbaba ay naririnig ko na din ang abalang ingay ng duwendeng nag aayos sa liwasan sa ibaba ng kampo, mukhang inihahanda na ang aming paglalabanan. Ang mga silya ay nasa gilid malapit sa malaking bilog na puwang sa gitna na parang isang arena.

Matapos ang maikling preparasyon at umagahan ay nagtipon na ang lahat sa bulwagan. Makikita ang mga seryosong mukhang ng aking kapwa kalahok, bitbit ang mga sandatang hindi na gawa sa kahoy.

Matapos ang ilang sandali pa ay isang pamilyar na ingay ang aking narinig, ang malakas na huni ng mga higanteng agila, ang pangunahing transportasyong panghimpapawid ng Enkantada. At mula sa hindi kalayuan ay tanaw ang mga higanteng agila, sakay ang apat na panauhin at mga kasamahan nito na manonood sa aming pagsusulit.

Hindi maipinta ang galak sa pagkagulat ng makababa na ang mga bisita, mga nilalang na sa libro lang ay aking nababasa ngayon ay tanaw ko na sa hindi kalayuan. Mula sa apat na tribo ang mga bisita. Ang una ay mula sa tribong ng kalahating hayop, isang tikbalang na nakasuot ng kulay kape na baluti, kapansin pansin ang kanyang balahibo at buntot na kulay abo, at sa kanyang likuran ay nakasukbit ang isang mahabang sibat na may hugis cresent. Ang isa pa ay mula sa tribo ng mga gumagamit ng mahika, isang lalaking diwata na hindi maitatangi ang kaamuhan at magandang itsura, nagliliwanag ito sa suot na puting baluti na may mga puting telang nakapalibot na pinatitingkad ng liwanag ng araw, at sa kanyang likod ay isang malaking espada ang nakasabit. Ang pangatlo ay isang babaeng kataw mula sa tribo ng mga nilalang sa dagat, nakasuot ng asul na baluti na may disenyong alon, hawak niya ang isang sibat na may tatlong talim, at isang malaking paso ang pasan na nakasabit sa kanyang likuran. At ang panghuling panauhin, isang mortal na nakasuot lamang ng pulang bahag at tila pulang bandana sa kanyang ulong binabalot ang mahaba nitong buhok, ang kanyang katawan ay burdado ng mga simbolismo, parang mga sinaunang pilipinong makikita sa mga aklat ng kasaysakyan sa pilipinas, at bitbit niya ang isang bolo at kalasag. Matapos ang maikli nilang pag uusap ay naupo na sila sa kabilang banda ng arena.

Tumayo na sa gitna ng malaking puwang si Nando. "Magandang umaga sa inyong lahat, sa ating mga masisipag na estudyante, mga guro at lalo na sa ating mga panauhin. Ikinagagalak ko ang inyong pagdating." Nagpalakpakan ang lahat. "Sisimulan natin ang pagsusulit ng isang dasal kay Bathala."

Matapos ang isang taimtim at tahimik na panalangin kay Bathala ay ang pag anunsyo sa mga magtutungali, ang pares ay nabuo sa pamamagitan ng pagbunot namin sa isang maliit na paso. Ang numerong kaparehas ng aming mabubunot ang siyang aming makatutungali at pagkakasunod sunod ng paglaban. Ang aking nabunot ay ang numero dalawa, at ang aking makakatunggali ay si Kora. Ang unang mag tutungali ay sina Bruno at Isabela, pangatlo naman sina Fred at Luz, at panghuli sina Jose at Fred. Ang mananalo sa una at pangalawang labanan ang magkatunggali sa sunod na tapatan, gayon din sa pangatlo at pang-apat. At ang mananalo sa huling dalawang kalahok ang hihirangin panalo at mabibigyan ng puntos upang maging lider ng aming hukbo.

Nagpatuloy si Nando sa kanyang anunsyo. "Ngayon ay alam na natin ang pagkakasunod sunod at mga mag tutunggali, malugod kong binubuksan ang unang pagsusulit!"

Napuno ng ingay at walang humpay na palakpakan at hiyawan ng mga bisita at mga kasama nila ang kapaligiran. Napuno ng kaba ang aking dibdib, ang mga ingay ay nag papaulit ulit sa aking tenga na parang mga bakal na nahulog sa sahig. Bago magsimula ay binigyan kami ng mga agimat na magbibigay proteksyon sa amin, magagawa nitong hindi kami masugatan ngunit makakaramdam pa din kami ng sakit sa mga atakeng aming matatanggap.

Si Emman at ang Hukbong Mandirigma: ANG MARKA NG ARAWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon