XXIV - Ang Gabi Ng Lagim

15 4 0
                                    


Kabanata XXIV

"Ang Gabi Ng Lagim"


HINDI ako makapaniwala sa aking pinagmamasdan, isang hukbo ng mga manananggal na sama-samang lumilipad sa himpapawid, hindi sapat ang mga daliri ko sa kamay at paa upang mabilang sila, sa aking istimatasyon hindi sila baba sa limampu.

Ang kalangitan'y dumadagundong sa pagaspas ng kanilang malalapad na mga pakpak, at pumapatak naman ang dugo mula sa hiwa ng kanilang balakang habang ang kanilang laman loob ay nakalambitin. Halos sinakop na nila ang liwanag na dala ng buwan, sabay sabay ang mga ito patungo sa direksyon ng walang laban na Baryo Mausok.

Ang bantay na tikbalang naman ay nauna na sa amin, binuhos niya agad ang kanyang bilis upang makarating ng mabilis sa baryo. Samantala, nagmadali kami na sumakay sa sasakyan upang sundan ang bantay at doon mag-isip ng paraan upang mapigilan ang mga ito, kailangan namin subukan, kailangan namin mailigtas ang mga naninirahan sa baryo laban sa kampon ng kadiliman na gustong tumapos sa kanilang buhay.

Hindi namin inaasahan ang bilis ng kanilang paglipad, at mukhang naagaw ng ingay ng aming sasakyan ang kanilang atensyon.

"Humanda kayo!" sigaw ng Kapitan habang seryoso sa kanyang pagmamaneho. "May papalapit na kalaban, huwag niyo silang hahayaan na makalapit sa atin!"

Isa isa ang dating ng mga ito, sinusubukang makalapit sa aming sinasakyan. Sa bintana ng pintuan sa likurang bahagi ng trak, nakapwesto si Kora upang pigilan ang mga ito gamit ang kanyang mahiwagang palaso.

"Kapitan!" sigaw ni Sinag. "Hindi magtatagal at makukuha na natin ang buong atensyon ng mga kalaban, pinangangambahan kong maaaring tayo na ang kanilang maging pakay." Mas dumadami na ang sumusugod sa amin ng makita nilang napipigilan namin ang pa-isa isa nilang pagsugod.

Diretso lang ang tingin ng Kapitan sa daan habang sinusubukang maging kalmado sa nangyayari. "Hindi ko maaaring bagalan ang ating takbo, pero kung makakatulong na mapansin nila tayo ay mas mabuti."

Napatingin si Nando sa katabi nito habang lumalaki ang mga mata. "Anong pinaplano niyo Kapitan?"

Lalong binilisan ng Kapitan ang kanyang pagpapaandar sa sasakyan, kasabay nito ang pagbusina ng malakas, halos naagaw na namin ang atensyon ng mga lumilipad na kalaban.

"Papalapit na sila!" Pag sigaw ni Jose na hindi mapakali at pinagpapawisan na sa kaba.

"Kumapit kayong mabuti!" Paalala ng Kapitan habang desedido sa kanyang balak. Pinindot nito ng madiin ang busina sabay pinaharurot pa lalo ang trak.

Habang pabilis ng pabilis ang aming andar, padami naman ng padami ang sumusunod sa amin. Halos mapakapit na kami ng sobrang higpit sa aming kinauupuan dahil sa bilis ng pagpapatakbo ni Kapitan.

"Hindi ko na kayang umatake sa ganitong kabilis." Reklamo ni Kora na mahigpit ang kapit sa kanyang inuupuan dahil sa pag-alog dahil sa malubak na daan.

"Sa ganitong bilis, maaaring maunahan natin sila sa baryo, ngunit ang kinakatakot ko'y hindi natin alam kung kakayanin ba natin silang protektahan sa dami ng mga haharapin natin." Wika ni Nando habang nakadungaw sa bintana.

"Sang-ayon ako kay Nando," ani ni Sinag. "Mas makabubuti kung ngayon pa lang ay bawasan na natin ang kanilang bilang."

"Naiintindihan ko ang mga mungkahi niyo," Sagot ni Kapitan na seryoso pa din sa kanyang pagmamaneho. "Bigyan niyo ako ng ilang minuto para mag-isip, hindi ako maaaring magpadalos dalos, ayokong malagay kayo sa kapahamakan."

Si Emman at ang Hukbong Mandirigma: ANG MARKA NG ARAWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon