XXVII - Ang Bagong Simula

29 4 0
                                    

Kabanata XXVII

"Ang Bagong Simula"


DALAWANG LINGGO NA ANG NAKALIPAS, ngunit wala pa din kaming balitang natatanggap tungkol sa kalagayan ni Nando. Sinisisi ko pa din ang aking sarili, dahil ako ang dahilan kung bakit siya ang nakuha ng Minokawa. Sa ngayon, ang tangi ko na lang magagawa ay maniwala na kaya nyang makatakas dito at muling makabalik sa Enkantada.

Isang malaking trahedya ang nangyari sa misyon, imbis na ang layunin lamang ay kumalap ng impormasyon ay nauwi ito sa isang matinding labanan. Isang linggo din akong walang malay, at hanggang ngayon ay nagpapagaling pa din sa pinsalang natanggap ang aking mga tenga. Wala naman iba pang malubhang nasaktan bukod kila Isabela, Jose, Fred, Bruno, Dan at Sinag, nagamot naman na ang kanilang mga pinsala.

Hindi rin makapaniwala ang konseho sa mga nalamang impormasyon, mula sa nakaharap naming si Barang, isa sa sampung unos ni Sitan, ang Minokawa, isa sa mga dambuhalang halimaw, at higit sa lahat, ang muling paglitaw ng espada ng biktorya. Nagsimula na din silang gumawa ng hakbang upang paghandaan ang iba pang unos na maaaring sunod na kumilos upang isagawa, kung meron man, ang plano ni Sitan. At napagdesisyunan din ng konseho na ako'y magpunta at manirahan muna sa Kaharian Te-re-ses, ang tirahan ng mga mortal, habang hinihintay ang ikalawang taon ng pagsasanay at ang kanilang desisyon tungkol sa aking kapalaran.

"Emman, mukhang malalim nanaman ang iniisip mo, ah." Pagsingit ni Dan sa aking pagmumuni muni sa labas ng aking silid habang nakatingin sa kagubatan na nakapalibot sa kampo Luzon.

"Ah, wala, naisip ko lang, natapos na natin ang unang walong buwan ng pagsasanay. Hindi ko alakain na makakaya ko, hinding hindi ko makakalimutan ang lugar na ito."

Napangisi si Dan sa aking nasabi. "Ikaw talaga, syempre marami tayong mga alaalang nagawa sa lugar na ito, dito ka nga lumakas, hindi ba?"

"Lumakas nga ba talaga?" Pagdududa ko sa aking sarili.

Inakbayan ako nito sa aking balikat. "Ilang beses mo nga kaming iniligtas."

"Pero, yung taong pinakamahalaga sakin ay hindi ko nailigtas."

Nilapat nito ang kanyang kanang kamay sa aking ulo at ginulo ang aking buhok. "'Yan ka nanaman, wala ka bang tiwala kay Nando?"

"Ako pa talaga sasabihan mo ng walang tiwala, syempre meron."

"Meron naman pala, 'wag mo ako dina-dramahan ngayon, ilang buwan din tayong hindi magkikita."

Bumukas ang pinto ng silid ni Bruno. "Oh! Asan na mga gamit niyo, nag-aantay na mga maghahatid sa atin."

Nagtawanan kami saglit ni Dan at pumasok na sa aming mga silid. Walong buwan din akong nanatili sa silid na ito, pero parang kailan lang ang unang beses na pagpasok ko dito. Agad kong kinuha ang aking gamit na nakalagay sa loob ng isang sakong gawa sa tela na may tali upang maisabit sa aming balikat. Samantala, ang espada ng biktorya naman ay nasa aking kama at nakabalot sa pinaglumaan kong damit. Tinanggal ko muna ito sa pagkakabalot at pinagmasdan. Hindi pa din ako makapaniwala na ako ang tanging may kakayahang bumuhat dito, at hindi ako makapaniwalang ang taglay kong kapangyarihan ay umaayon sa kakayahan ng espada. Ngunit kailangan ko pang pag aralan kung paano makontrol ang pagdaloy ng init sa aking katawan patungo sa espada. Pagbubutihan ko ang pagsasanay upang mas maintindihan pa ang aking kapangyarihan gayundin ang espada.

"Bilisan mo, Emman!" Sigaw ni Bruno mula sa labas ng aking silid.

"Oo, palabas na!" Mabilis kong binalot ang espada at inilagay na sa loob ng aking bibitin. Sinabit ko na din ang sako sa aking balikat, bago ko buksan ang pintuan, ako'y muling tumalikod upang magbigay ng huling sulyap sa aking naging silid sa aking pananatili sa kampo Luzon.

Si Emman at ang Hukbong Mandirigma: ANG MARKA NG ARAWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon