XVII - Ang Huling Pahina sa Libro ng Propesiya

16 3 0
                                    


Kabanata XVII

"Ang Huling Pahina sa Libro ng Propesiya"


PAGMULAT ko ng aking mata'y bumungad sa akin si Isabela, hawak hawak niya ang aking pisngi. Nakahiga ako sa lupa, habang nakapalibot ang aking mga kasamang nabunutan ng tinik sa lalamunan nang makitang namulat ko na ang aking mga mata.

"Huwag ka munang gumalaw, ginagamot ko pa ang mga paso mo sa katawan." Bilin niya.

Masakit nga ang aking balat, parang napaso sa mainit na bagay.

Nagsalita si Dan. "Binuhusan ka na kanina ni Fred ng malamig na tubig para lang bumaba ang temperatura ng katawan mo. Kailan mo pa tinatago ang kapangyarihan mo na 'yon?"

"A-anong k-kapangyarihan?" Pautal-utal kong sagot sa kanya. Wala akong maalala sa nangyari kanina. Para bang panandaliang nawala ang aking alaala.

"Yung malakas na pwersa na nilabas mo kanina, nasunog nga lahat ng kalaban dahil dun, mainit nga nung dumampi sa akin. 'Di mo na maalala?" Magulong eksplanasyon ni Fred.

"Mukhang wala ka pa sa tamang katinuan. Magpahinga ka muna." Payo ni Dan. Samantala kita ko naman na dala na ni Bruno ang sarimanok na tahimik sa loob ng kanyang hawla.

"N-nag tagumpay tayo?" Bulong ko.

Narinig ni Isabela ang aking sinabi at agad akong sinagot. "Oo, dahil 'yun sayo, Emman."

Hindi ko talaga maintindihan ang nangyayari, hindi ko maalala ang mga huling sandali bago ako nahimatay. Ang tanging tumatak lang sa aking isip ay ang aksidenteng natunghayan ko, ang aksidenteng maaaring huling alaala ko ng nabubuhay pa ako. Gusto ko malaman kung anong nangyari kay Papa, kasalanan ko kung bakit kami naaksidente, kung hindi ako nakipagtalo, siguro'y wala ako sa lugar na ito, siguro'y kasama ko na si Mama.

Unti unting tumulo ang aking mga luha, hindi ko mapigilan. Hindi ko alam bakit kailangang kong makita ang bagay na iyon, anong gustong gawin sakin ni Apolaki, anong plano niya sa akin. Naalala ko ang huli niyang ginawa, tila may nilagay siya sa aking kaliwang dibdib. Pinilit kong kinilos ang aking mga kamay upang tuluyang punitin ang aking suot na pang itaas.

"Emman! Anong ginagawa mo!" gulat na reaksyon ni Isabela ang punitin ko ang suot ko.

Nagulat ako nang makita ko ang aking katawan, may isang tattoo ng araw sa aking kaliwang dibdib, ang mga sinag nito'y dumadaloy hanggang sa buong katawan ko. Nagulat din ang aking mga kasama sa kanilang nakita dahil alam nilang wala akong marka sa katawan

"Kailan pa 'yan?" Pagtataka ni Dan.

"H-hindi ko alam, 'di ko maipaliwanag." Sagot ko.

Kita ang pag-aalala sa mukha ni Isabela. "May nangyari ba?"

"Si...Apolaki." Nanlaki ang mga mata nila nang marinig ang sinabi ko.

"Siya?" Gulat na wika ni Bruno. Madalas naming pinagpupustahan kung sino ang anito na pumili sa akin, walang nag-akalang maaaring ang diyos ng araw ito.

"Hindi maaari!" sigaw ng pamilyar na boses. Si Pantas, nakarating na ang mga guro namin at ang mga namumuno sa Magay-on.

"Mga bata, paparating na ang sundo pabalik sa kastilyo, huwag kayong mag-alala, kami na ang bahala sa mortal." Wika naman ni Ganda.

Pinalayo muna ang aking mga kasama, habang inalalayan naman ako ni Sinag at Nando upang makatayo. Kita sa mukha ni Pantas ang hindi pagkabahala, hindi ko alam kung ano ang aking nararamdaman, mabilis ang nangyayari, kailangan ko ng kalinawan.

Si Emman at ang Hukbong Mandirigma: ANG MARKA NG ARAWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon