"Baryo Mausok"
NAPAKAPIT ako sa puno ng mangga dahil sa pag ikot ng aking paningin, dulot ng paglalakbay patungo sa mundo ng mga tao, ganito pala ang pakiramdam, lalo na sa unang pagkakataon.
"Nasusuka ako!" reklamo ni Jose habang hawak ang kanyang bibig.
Hindi naman napigilan ni Fred ang hilo, napaluhod ito at nagsuka. Karamihan naman ay nag pagewang-gewang habang hawak-hawak ang kanilang ulo. Para kaming mga kakatapos lang sumakay sa nakakahilong rides sa isang theme park.
Sumunod naman sa pagsuka si Bruno na parang naluwa na ang buong kinain kaninang umagahan.
"Agh! Kadiri kayo!" reklamo ni Kora na napapikit na lang sa nakita.
Hindi mapigilan ni Nando ang matawa sa sitwasyon na kanyang nakikita. "Masasanay din kayo, saglit lang mawawala na 'yan," tugon niya habang iniinspeksyon nila ni Sinag ang buong paligid. "Libutin lang namin ni Sinag ang paligid, babalik kami agad."
Sa tingin ko'y iniwasan lang talaga nila na makita ang mga susunod na mangyayari, mukhang sinadya nilang hindi sabihin sa amin na may ganitong epekto sa unang beses na masubukan ang ganoong uri ng paglalakbay.
"Uy! Mangga!" ani ni Fred sabay pulot sa mangga na nahulog mula sa puno dahil sa malakas na ihip ng hangin. "Kapag sinuswerte ka nga naman."
"Fred!" pagtawag ni Kora habang minamasahe ang kanyang noo.
"Bakit? Sayang," paliwanag niya. "Gusto mo ba?" Pag-alok niya sa kaibigan.
"Ako, penge!" biglang sagot ni Bruno. "Mukhang ayaw naman ni Kora, eh."
Tinignan lang sila ni Kora at pinagpatuloy na lang pagmamasahe sa kanyang noo upang mapawi sa hilo.
"Aba'y kakasuka niyo lang, hindi kaya mangasim ang sikmura ninyo dyan?" Wika naman ni Luz.
Napansin ko namang hirap pa din si Isabela na makatayo ng maayos dahil sa pagkahilo kaya tinulungan ko siyang makasandal sa puno. "Dito ka muna para may suporta ka."
Nakapikit lang ito at hindi pa makapagsalita ng maayos. "S-salamat."
"Huwag ninyong pilitin mga sarili nyo, ma-upo muna tayo hanggang mawala ang pagkahilo natin." utos naman ni Dan na seryoso pa din ang itsura.
Nagkatinginan kami ni Bruno, alam kong napansin din niya ang kinikilos ni Dan. Makaraan ang ilang minuto ay bumalik na ang aming mga guro.
"Oh? Kaya niyo pa ba o uuwi na tayo?" Nakangiting wika ni Nando pagka-balik sa amin.
"Hindi niyo naman kami sinabihan na ganito pala katindi ang epekto." reklamo ni Jose na kanina pa pinipilit masuka.
Natawa lang si Nando. "Sa simula lang 'yan, naninibago lang ang kayo."
"Pahinga lang muna kayo diyan, mukhang nahuli ang makakasama natin sa misyon." wika naman ni Sinag.
"Sino gusto ng mangga? Dami palang bunga ng punong ito," alok ni Nando habang naghahanda na umakyat dito.
"Ako!" Mabilis na sagot ni Bruno.
"Iba talaga ang sikmura mo, Bruno." Ani ni Luz habang iniinda ang hilo.
Matapos ang isang oras na pagpapahinga, isang tunog ng sasakyan ang aming narinig papunta sa aming direksyon.
"Sa wakas!" sabik na wika ni Jose.
BINABASA MO ANG
Si Emman at ang Hukbong Mandirigma: ANG MARKA NG ARAW
FantasySi Emman ay isang ordinaryong binatang mortal na naninirahan sa Maynila, ngunit isang pangyayari ang tatapos sa kanyang buhay. Sa tulong ng isang anito ay muli siyang mabubuhay sa mundong mahiwaga nang Engkantada. Ipagpapatuloy niya ang kanyang buh...