Kabanata XIV
"Ang Hapunan"
SINALUBONG kami ng mga kawal ng palasyo at ni Makisig, nakakasilaw ang suot nilang puting baluti na pinaresan ng puting tela na nakapaikot sa kanilang leeg, ang kanilang magaganda at maamong mukha'y bagay na bagay sa kanilang kasuotan.
"Sabik nang makita ng pinuno ang kanyang mga panauhin, halina't tumuloy na kayo at ihahantid ko kayo sa kanya." Wika ni Makisig gamit ang kanyang malumanay na boses.
Hindi maipinta ang ngiti ni Isabela nang makita ang kanyang tiyuhin, parang batang muling nasilayan ang ama mula sa matagal na pag-aantay makauwi mula sa trabaho. Samantala, pagpasok pa lang sa malaking pinto ng palasyo ay sasalubong na ang nagtataasang kisame ng malawak na pasilyo nito, may mga dekorasyong halaman sa loob, mga bulaklak na iba't iba ang kulay, mayroon ding mga halamang gumagapang sa dingding ng palasyo, at kapansin pansin din ang mga estatwang dekorasyon sa aming dinadaanan, mukhang mga dating may tungkulin sa kaharian. At ang amoy sa loob ay walang kapares ang halimuyak, lalong gumagaan ang aking pakiramdam, para akong nasa isang mamahaling bakasyunan.
Diretso lang ang aming tinatahak na daan, may mga lagusan sa gilid na maaaring papunta sa iba't ibang bahagi ng kastilyo, ngunit mas nakaagaw ng aking atensyon ang malaking pinto sa dulo ng pasilyong aming nilalakad, kulay puti ito na may dalawang kawal na nakabantay, itim ang kanilang baluti, malakas ang aking hinalang mga kawal na dalaketnon sila. Kumpara sa mga diwatang kawal na aming kasama, seryoso ang dating ng mga mukha ng dalawang kawal sa pintuan.
"Sila ang mga panauhin ng pinuno, maari niyo na buksan ang pinto." Utos ni Makisig.
"Masusunod." Sabay na sagot ng dalawang bantay. Matigas ang kanilang boses, parang nakakatakot kausapin.
Pagbukas ng malaking puting pinto'y para kaming dinala sa ibang mundo, parang isang kagubatan sa loob ng isang kastilyo. May mga punong tila kulay pula ang mga dahon, o baka mga bulaklak, parang nakita ko na ang uri ng punong iyon, kung hindi ako nagkakamali ay firetree ang tawag dito. Samantala, may malalaking butas ang kisame ng malawak na kwarto na ito, kung kaya malayang nakakapasok ang liwanag nang araw na patulog na, kapansin pansin din ang mga huni ng mga ibon na parang binabati kami sa aming pagdating.
Sa dulo ng malaking silid ay may tatlong nakaupo sa magarang silyang gawa sa mga tuyong sanga ng puno. Isang matandang babaeng diwata ang nasa gitna, sa kanan naman niya ay isang matandang lalaking dalaketnon, at sa kanyang kaliwa'y isang maliit na babaeng diwata, ngunit kakaiba ang kanyang kasuotan, makulay ito na parang isang paruparo, malayo sa puti at itim na tema. Kung hindi ako nagkakamali, ang tawag sa kanya'y lambana, isang uri ng nilalang na may pakpak ng paruparo at mala diwatang kapangyarihan.
"Magbigay galang kayo sa mga pinuno ng kaharian." Utos ni Nando sa amin.
Sumunod na kami at nagbigay galang sa tatlong pinuno ng kaharian, niyuko namin ang aming ulo habang ang kanang kamay ay nasa kaliwang dibdib. Tumayo ang tatlo sa kanilang pagkakaupo at nagbigay galang din sa amin. Kung tama ako sa aking naaalala mula sa mga librong binasa, si Ganda ang matandang diwata, Pantas naman ang pangalan ng matandang dalaketnon, at ang lambana ay si Sibol.
"Maligayang pagdating sa kahariang Magay-on," pagbati ni Ganda, ang kanyang boses ay tulad din sa ibang diwata, mahinahon at maganda sa tenga. "Hindi na ako makapaghintay makilala ang mga magagaling nating mag-aaral, masaya akong makita kayong muli Isabela at Jose."
"Masaya din po kaming muling makabalik sa kaharian." Sabay na sagot nila Isabela at Jose.
"Natutuwa kami sa aming nababalitaang kaunlaran sa inyong mga kakayahan." Wika naman ni Pantas, kasalungat ng boses ni Ganda, matapang ang dating ng kanyang boses sa aking pandinig.
BINABASA MO ANG
Si Emman at ang Hukbong Mandirigma: ANG MARKA NG ARAW
FantasíaSi Emman ay isang ordinaryong binatang mortal na naninirahan sa Maynila, ngunit isang pangyayari ang tatapos sa kanyang buhay. Sa tulong ng isang anito ay muli siyang mabubuhay sa mundong mahiwaga nang Engkantada. Ipagpapatuloy niya ang kanyang buh...