III - Hating-Tao

30 4 5
                                    

Kabanata III

"Hating-Tao"


ILANG araw na din ang aking ginugol upang magbasa at mamulat tungkol sa mga mahiwagang nilalang na naninirahan dito sa Engkantada. Marami akong tanong sa aking isipan. Lalo na ang ibang mga bagay na tila'y katulad ng malabong memorya sa aking isip. May pagkakahalintulad sa kwento ng aking mahal na Lolo. Kwento kung paano nabuo at isinilang ang Engkantada. Hindi ko alam kung sino ang tamang tao na makakapag paliwanag nito sa akin. Sa ngayon, isa lang ang sigurado ako. Maaaring may alam ang aking lolo sa lugar na ito o ang taong pinagmulan ng kwento niyang iyon.

Hindi rin nagtagal ay nakapasok na kami sa bulwagan. Dito gaganapin ang pagpupulong, ang unang pagtitipon ng mga magsasanay. Sa aking pagpasok, pitong kabataan ang sabay sabay lumingon sa aming direksyon. Tila nagulat sa aking pagpasok. Hindi ko mawari kung ano ang ekspresyon ng kanilang mga mata. Ang iba ay seryoso, ngunit may ibang hindi maganda ang tingin.

Sa Engkantada ay may tinatawag na mga hating-tao. Mga nilalang na may dugong tao at dugong mahiwagang nilalang. Ang mga hating-tao ay nagmula sa mundo ng mga mortal o sa daigdig. Tinawid sila sa mundong ito upang bigyan proteksyon sa kapahawakan na dala ng mga tao. Dito'y sinasanay sila bilang mga mandirigma na magpapatuloy sa pagsagip sa katulad nilang hating-tao.

Hindi ako makapagsalita upang sila'y batiin. Sa libro ko lang nabasa ang tungkol sa kanila ngunit ngayon ay kaharap ko na. Katulad ko ay mukhang hindi pa silang lahat magkakilala. Nahahati pa sila sa tatlong grupo. Ang isa ay binubuo ng tatlong kabataan. Dalawang lalaki at isang babae. Base sa kanilang anyo, sila'y may dugong kalahating hayop. Sa katabing grupo naman nila'y isang babae at lalaki. Sigurado akong may dugong silang nilalang ng dagat dahil ang lalaki ay may palikpik sa braso at ang kulay ng kanilang kutis ay kayumanggi. At ang huling grupo naman ay malinaw na may dugong salamangkero dahil sa kanilang elegante na mukha.

"Alira, kumpleto na sila," biglang wika ni Nando. "Simulan mo na."

Napaisip ako kung ano ang ibig niyang sabihin kay Alira. Paglingon ko kay Alira, nakataas na ang dalawa nitong kamay. Unti-unting umilaw ang mga ito. Ang kanan ay puti na nakatutok sa amin, kulay berde naman sa kaliwa na nakatutok sa mga silya na gawa sa kahoy na nasa aming harapan lamang.

Nagkaroon ng bulungan sa direksyon ng mga hating-tao. "Anong nangyayari?" Tanong ng isa sa mga ito.

Kahit ako'y nagulat din sa mga nangyayari. Bigla kaming lumutang sa ere at mabilis na tinipon sa gitna ng silid. Kasunod nito and pag ilaw ang mga silya. Dahan dahan gumalaw na tila nagpapalit anyo. Matapos ang ilang sandali, ang mga ito'y nakatayo na anyong tao. Parang mga manekin sa tindahan ng mga damit. At sa isang kisap, sabay sabay humarap ang mga ulo sa amin.

"Eto ang unang hamon sa inyong pagsasanay," wika ni Nando. Hinawakan nito ang isang anting anting na nakasabit sa kanyang leeg. Umilaw ito ng puti at nag anyong punyal o dagger. "Kailangan niyong magtulungan upang protektahan ang isa't isa laban sa aming mga pag atake. Sa oras na ang isa sa inyo'y aming nabihag, hudyat na iyon na tapos na ang pagsusulit at kayo'y bumagsak sa unang hamon."

Kita sa mga galaw ng aking mga kasama kung sino ang mga sanay sa labanan. Mabilis na umaksyon ang mga kabataan na may dugong kalahating hayop. "Bruno! Luz! Palibutan natin sila. Protektahan sila sa mga pag-atake." Wika ng isang mataas na binata. Itim na itim ang buhok nito at kapansin pansin ang mahabang hibla ng mga gintong buhok sa kanang bahagi ng kanyang ulo. Kapansin pansin din ang binti at paa nitong sa kabayo.

Sumunod agad ang dalawa nitong kasama. Si Bruno, hindi mo akalain na isang binata. Mataas din ito ngunit malaki ang pangangatawan. Parang matanda na araw araw makikita sa gym. Fit na fit ang suot nitong pull over kagaya ng sa akin. Kapansin pansin din sa anyo nito ang maliit na sungay sa magkabilang gilid ng kanyang noo. Parang sa mga kalabaw ngunit papausbong pa lamang. Ang babae naman nilang kasama, Si Luz. Kapansin pansin ang mahabang buhok nito, kulay mapusyaw na tsokolate, at sa kanyang noo ay may limang pulgadang sungay. Parang unicorn. Matangkad din siya katulad ng dalawa niyang kasama. Pinaikutan nila kami, handang handa ang tindig ng katawan upang labanan ang mga manekin.

Si Emman at ang Hukbong Mandirigma: ANG MARKA NG ARAWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon