Yndra
Pagkaalis namin sa sementeryo, walang nagsalita sa amin ni Hannah. Wala rin akong lakas para magsimula ng kahit anong usapan. Tahimik lang ang biyahe pabalik ng kampo, wala ni radyo, wala ni kaluskos. Ang tanging naririnig ko lang ay ‘yung sariling heartbeat ko, saka ‘yung replay ng boses ni Hannah habang kinakausap si Gia.
"Na minahal ka naming dalawa ni Yndra, sobra-sobra."
Kumakain ‘yun ng espasyo sa dibdib ko. Parang binuksan niya ‘yung pinto na matagal ko nang sinadyang ilock.
Pagdating sa barracks, nagpaalam agad si Hannah. Pagod daw siya. Ako? Hindi ko alam kung anong tawag sa nararamdaman ko. Hindi pagod. Hindi gutom. Hindi rin galit. Pero may bumabayo sa loob.
Kaya umalis ako. Bitbit ang suot na hoodie, naglakad ako papunta sa gilid ng training field kung saan laging walang tao ‘pag ganitong oras. Gabi na rin. Sakto lang ang dilim para itago kung sakaling... Hindi halata na malungkot ako.
Tahimik ang buong unit pagpasok ko. Maliwanag lang sa sala, may isang lamp na bukas, sakto lang ang init ng ilaw. Tahimik. Malamig. Pero may kakaibang lambing sa loob.
Pagtingin ko sa sofa, nandoon si Gucci. Nakatulog na. Naka-hoodie pa rin siya, naka-crisscross ‘yung mga paa, at nakaunan sa braso niya. May munting gulo sa buhok niya, ‘yung tipong kulang na lang lagyan ng caption: "Huwag istorbohin, masarap ang tulog."
Ngumiti ako. Gago. Kahit tulog, ma-attitude pa rin ‘yung mukha niya.
Tahimik akong dumaan sa likod ng sofa at dumiretso sa banyo. Tinanggal ko ang fatigue shirt ko at huminga nang malalim. Ramdam ko pa rin sa katawan ko ‘yung bigat ng araw. ‘Yung sementeryo. ‘Yung mga salitang hindi ko nasabi. At ‘yung mga luha na ayokong ipakita sa harap ni Hannah.
Mainit ang tubig sa shower. Sakto lang para unti-unting tunawin ‘yung lamig sa dibdib. Sinabon ko nang maayos ang katawan. Binasa ko ‘yung buhok. At sa bawat patak ng tubig sa balat ko, pumapatak rin ang mga luha ko pero hinahayaan ko.
Pagkalabas ko, nakatapis lang ako ng tuwalya. Basang-basa pa ang buhok ko, pero wala na ‘yung bigat sa dibdib.
Paglabas ko ng banyo, napalingon ako.
“Yndra,” bati ni Gucci, gising na. Namumungay pa ang mata, pero nakangiti. “You had a shower immediately?
“Yah.”
“Penge ng yakap,” sabay bukas ng mga braso niya habang naka-stretch sa sofa. “Ang lamig.”
Umiling ako, pero hindi ko napigilang ngumiti.
Dumaan ako papunta sa dining table para kunin ‘yung tubig, pero naramdaman ko ‘yung mga hakbang niya sa likod ko.
“Sit here,” utos niya, mahina pero may lambing.
“Ha?”
“I'll massage you.”
“Gucci, anong-”
“Shh. Masahihin kita. Tapos kwento ka. Gusto kong marinig boses mo habang minamasahe kita. Araw mo ‘to, diba?”
Napabuntong-hininga ako. Umupo ako sa upuan, tapat ng mesa. Nakatalikod sa kanya.
