Pagkapasok ko kay Ali sa backseat ng sasakyang pumarada sa harapan ko pagkalabas namin ng mall ay saka ko lang ito natitigan.
Kung hindi dahil sa dugo nitong bumasa sa aming dalawa ay mapagkakamalan mo itong natutulog lang. Hindi man halata ang mga dugong bumasa sa damit niya dahil kulay itim ito ay kitang-kita naman ang dugo niyang nagmantsa sa kulay puting upuan ng kotse. Payapa siyang nakahiga sa backseat. Si Ella naman ay tinulak ako para makadaan siya't makapasok sa backseat.
Nakatulala lang ako sa kanilang dalawa. Para bang naubusan ako ng baterya. Nanatili lang akong nakatayo sa harapan ng kotse hanggang sa may humila sa'kin at pinapasok ako sa passenger seat ng kotse.
Sobrang bilis ng pangyayari. Ang daming humahabol sa'ming police car. Kaliwa't kanan ang putukan ng baril at pagsabog. Ang daming sibilyan ang nasagasaan ng sasakyan namin. Walang tigil ang pag-iyak at pagsigaw ni Ella samantalang nakayuko lang ako. Kung hindi ako sinuotan ng seat belt ng driver sa tabi ko ay ilang ulit na sigurong humampas ang ulo ko sa windshield. Sobrang gulo at ingay ng paligid hanggang sa bigla na lang tumahimik.
Nawala ang nakaririnding mga busina't wangwang ng sasakyan ng mga pulis. Tumigil na rin sa pag-iyak ni Ella. Nakatigil na rin ang sasakyan namin sa parking lot ng isang hindi ko kilalang building.
Hingal na hingal na nagmamadaling lumabas ako sa kotse. Pakiramdam ko ay nanggaling ako sa ilalim ng tubig kaya ngayon lang ako ulit nakahinga.
Ilang segundo akong nakasandal sa kotse nang pumasok sa isipan ko ang nakangiting mukha ni Ali. No'n ko lang naalalang sugatan nga pala ito.
Dali-dali kong binuksan ang pintuan sa backseat. Bumungad sa akin ang nakatulalang si Ella habang yakap-yakap si Ali.
"Ella, tara na. Tatawagan ko si Mama. Kailangang magamot si Ali," kalmadong sabi ko ngunit nakatulala pa rin ito at tila wala sa sarili.
Dahil mukhang wala itong balak kumilos ay kukunin ko na sana si Ali sa mga bisig niya ngunit bigla na lang itong nagwala at nagsimula muling umiyak.
Doon lang ako binalot ng kaba nang maalala kong sa dibdib nga pala nito binaril ang sarili niya. Sinubukan ko ulit kunin si Ali sa kaniya ngunit nagwawala ito. Ilang beses niya pa akong nasuntok habang sumisigaw hanggang humina ang mga pag-atake niya na tila napagod na ito.
"W-Wala na..." paulit-ulit niyang sabi habang yakap-yakap ng mahigpit si Ali.
"N-No... Si Ma... Si Mama, gagamutin niya si Ali..." nanghihinang turan ko.
"Wala na... W-Wala na..."
"Ano bang sinasabi mo, Ella?! Puntahan natin si Mama! Gagamutin niya si Ali!" galit na sigaw ko. "Puntahan... Puntahan natin si Mama ko," mahinang sumamo ko habang mahinang hinihila ang kamay ni Ali papunta sa'kin.
Hindi ako pinansin ni Ella at patuloy lang ito sa pag-iyak. Sunud-sunod na bumagsak ang mga luha ko habang pinapanuod siyang yakapin ang wala nang buhay na katawan ni Ali.
Tila ngayon ko lang naramdaman ang pagod at sakit ng katawan ko. Unti-unti akong napaluhod sa sahig habang nakatingin pa rin sa kanilang dalawa.
Bakit? Bakit nangyayari 'to?
"Excuse me," sabi ng babaeng hindi ko namalayang nasa tabi ko na pala.
Hindi ko ito pinansin. Luhaang nakatingin pa rin ako kanila, Ella.
"Oh, come on! Bakit naman gan'yan ang itsura mo? Baka hindi ko mapigilan ang sarili ko at patayin kita," tila nababaliw na sabi nito.
Kusang kumilos ang kamay ko at kinuha ang dagger ko sa sapatos ko saka iyon sinubukang ilaslas sa leeg niya ngunit nakatunog ito't nakaiwas sa ginawa kong pag-atake.
YOU ARE READING
B L O O D L U S T
ActionGxG story. Lian is a senior high school student. She is no ordinary student for all she cares about is to satisfy her bloodlust. She has loving parents and two pretty best friends but everything seems to be boring for her if there's no blood. One d...