Kabanata 12: Paghahangad sa Pagbitay

28 4 2
                                    

Hindi makapagsalita si Jose nang nakita niya ang duguan kong dibdib at tiyan, ngunit sa tingin ko ay hindi gulat ang pumipigil sa kanya sa pagsasalita. Sa katunayan, parang hindi gulat ang nararamdaman niya sa kasalukuyan. Sa itsura niya ngayon, para bang pinagtaksilan siya ng kung sinuman, o kaya naman pinagbintangan siya sa isang krimeng hindi niya nagawa.

Maya-maya lamang ay unti-unting nawalan ng pakiramdam ang mga tuhod ko kaya napaupo na lang ako sa may rehas at naiwan akong tila naghahabol ng hininga. Sa dami ng nangyari sa araw na ito, hindi ko alam kung papaano ko pa nakakayang manatiling may malay kahit na alam kong may mangyayaring hindi ko gusto pagdating ng sinasabi ni Potifar na takdang araw. Milagro nga na hindi ko nakalimutang huminga sa oras na ito.

Tulala lang ako at nakatingin sa blangkong espasyo nang may marinig akong humihikbi sa loob ng selda namin. Nang makaalis ako sa mundo ng kawalan, nakita ko na mayroon palang katabi si Jose. Medyo mataba ang kanyang pangangatawan at dilaw ang kanyang balat. Maliliit ang kanyang mga mata, wala siyang kilay, malaki at pango ang kanyang ilong, at malaki ngunit manipis ang kanyang bibig. Lubos ang kanyang pag-iyak na para bang namatayan siya ng mahal sa buhay.

“Bis, tahan na,” ani Jose habang hinihimas ang likod ng katabi. “Alam ko kung papaano mawalan ng mahal sa buhay, ngunit walang mangyayari kung hahagulgol ka lang.”

Mas lalong nilakasan ni Bis ang kanyang paghagulgol.

Pinakiramdaman ko ang mga tuhod ko upang malaman kung kaya kong tumayo. Nang nalaman kong kaya ko, pumunta ako sa harapan nila at doon umupo.

“Anong meron?” tanong ko kay Jose.

“’Yun kasing kaibigan niyang si Nizam, inilabas kanina dito sa bilangguan,” sagot ni Jose. “Ah, oo nga pala, Juan, ito si Bis, nakilala ko dito sa bilangguan ilang araw na ang nakalipas. Bis, ito si Juan, galing din sa bahay na pinagsisilbihan namin.”

“Ikinagagalak kitang makilala, Bis,” sabi ko sa kanya, ngunit hindi pa rin siya tumigil sa kakahagulgol. Sa ngayon, hindi pa namin siguro siya makakausap nang matino kaya bumalik ako ulit kay Jose.

“Eh ‘yun naman pala, nakalaya na ‘yung kaibigan niya. Ano pa ang problema?” usisa ko.

“Juan,” sabi ni Jose sa mababang tono, “hindi iyon ang dahilan kung bakit nakalabas si Nizam dito. Dinala siya ng ilang kawal kanina sa palasyo ng Faraon kung saan itataas ng Faraon ang kanyang ulo at ipapakain sa mga ibon ang katawan niya.”

Lalong lumakas ang pag-iyak ni Bis sa sinabi ni Jose. Saglit akong natigilan sa sinabi ni Jose. ‘Itataas ng Faraon ang kanyang ulo at ipapakain sa mga ibon ang katawan niya’? Parang alam ko na ang mga katagang ito dati pa. Tapos bigla kong naalala na nabasa ko na nga ito. Malamang ‘yung sinasabi ni Jose na si Nizam ang panaderong ipapapatay ng Faraon, at si Bis ang tagapamahala ng inumin ng Faraon. Kung ganon, noong isang araw pa nanaginip ang dalawang magkaibigan tungkol sa kani-kanilang kahihinatnan sa araw na ito. Medyo huli na ang pagdating ko dito sa bilangguan dahil hindi ko na nakilala si Nizam, ngunit naisip ko na mukhang hindi naman yata tama na maghangad ako na ikulong dito sa bilangguan kahit na walang dahilan ang sinuman upang ipadakip ako para lang makilala si Nizam bago dumating ang araw na ibitay siya. Ngunit kung hindi magtagumpay si Yuyagahor sa binabalak niya, malamang ay maging pareho kami ng magiging kahihinatnan ni Nizam pagdating ng takdang araw.

Pero kung tama ang iniisip ko, sa araw din na ito lalabas ng bilangguan si Bis, hindi para patawan ng parusang kamatayan, kundi para lumaya na at ibalik ng Faraon sa dati niyang trabaho. Kailangan ko nga lang pigilan ang bibig ko dahil baka bigla kong masabi sa kanila na alam ko na ang susunod na mangyayari.

Wala pa ring tigil si Bis sa pag-iyak. “Bis, tahan na,” ani Jose. “Hindi makakabuti sa’yo ang ganito.”

Tumingin ako kay Bis at mukhang nauubusan na siya ng hininga dahil puspusan ang kanyang pag-iyak.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon