Kabanata 18: Inasahan at 'Di Inasahan

19 2 0
                                    

"Ginoong Zafenat-Panea," pagtatama sa akin ni Alana.

Pinadaan namin ang karwahe ni Jose bago kami bumangon ulit ni Alana sa pagkakaluhod namin. Maaari ko siguro siyang akyatin ngayon sa kanyang karwahe at magpakilala sa kanya bilang kasama niya dati sa bilangguan, ngunit hindi ko ginawa. Malaki ang pagbabago sa aking itsura sa nagdaang dalawang taon at maaaring hindi niya ako makilala. Isa pa, malamang ay pipigilan din ako ng mga kasama niyang kawal bago pa man ako makalapit sa karwahe niya. Kung kailangang magkita kami ni Jose, ito dapat ay sa paraang hindi marahas, hindi tulad ng naisip ko kanina.

"Ah, oo, pasensya na," sabi ko. "Ginoong Zafenat-Panea."

Saka ako may naalala.

"Alana, matanong ko lang, kailan nga pala darating si Asenat dito?" tanong ko.

Nag-isip siya saglit saka bigla niyang tinakpan ang kanyang bibig gamit ang dalawa niyang kamay na tila gulat. "Ah! Ngayon pala ang dating niya! Nawala kanina sa isip ko dahil may mahalaga kang sasabihin sa akin."

"Eh ano pa ang hinihintay –"

Bago ko pa man matapos ang sinasabi ko, agad ko siyang inangkas sa likuran ko upang bumalik sa amin, ngunit bumaba ulit siya. "Lumuhod ka ulit, paparating si Haring Adaez, ang Faraon ng Egipto."

Agad kong sinunod ang iniutos ni Alana. Pinanatili kong nakayuko ang aking ulo kaya hindi ko nakita ang itsura ng karwahe ng Faraon. Sa hindi ko malamang dahilan, hindi ko kayang tingalain ang Faraon mula sa karwahe niya. Pakiramdam ko ay mayroong isang hindi makitang kamay na nagpapanatili sa ulo ko na nakayuko at pumipigil sa akin na itingala ito.

"Nakapagtataka, saan kaya pupunta ang Faraon sa oras na ito?" tanong sa akin ni Alana pagkabangon namin.

"Hmm, may kutob ako. Sana lang mali ako," sagot ko habang umangkas sa likod ko si Alana.

Habang tumatakbo ako sa disyerto, sinabi ko sa sarili ko na ito ang magandang pagkakataon upang magpakita kay Jose. Kung magkikita man sila ni Asenat, wala akong kailangang gawin kung hindi magpakita lang sa kanya at umasang makilala niya ako kahit nagkaroon na ako ng isang napakalaking peklat dito sa pisngi ko.

"Juan, mukhang malalim ang iniisip mo, ah?" sabi sa akin ni Alana nang malapit na kami sa bahay.

"Ha? Ah, oo, pasensya na," sabi ko. "Hindi ko pa pala nasabi sa'yo na si Ginoong Zafenat-Panea at si Jose doon sa kwento ko ay iisa lang."

"Talaga? Siya iyon?" sabi niya sa akin. Halata ang sorpresa sa tono ng boses niya.

"Oo, siya nga iyon," sagot ko. "Hindi ko lang talaga alam kung dapat kong sabihin ito sa'yo, pero –"

"Huwag mo na munang sabihin," sabad niya sa akin. "Maraming mga bagay na mas pipiliin ko na lang na malaman habang nangyayari ito kaysa sa malaman ko ito bago pa man ito mangyari."

"Kung sabagay, tama ka diyan," sabi ko sa kanya habang papalapit na kami sa bahay nina Alana. Sa malayo pa lang ay nakikita na namin na may mga karwaheng nakaparada sa labas ng bahay nila.

"Nakikita ko na ang karwahe ni Ama, ngunit bakit nandito rin ang karwahe ng Faraon?" tanong sa akin ni Alana.

"Pati rin 'yung karwahe ni Ginoong Zafenat-Panea, andoon din," sabi ko.

Tulad ng sinabi ni Alana, mas ayos talaga kung malalaman niya kung ano ang nangyayari sa loob ng bahay nila ngayon, ngunit alam ko na na ipagkakasundo ng Faraon sina Jose at Asenat. Hindi ko lang alam kung paano ito mangyayari, ngunit silang dalawa nga talaga ang magkakatuluyan at magkakaroon pa sila ng dalawang anak na lalaki. Gustung-gusto ko na sana talagang sabihin ito kay Alana, ngunit nirerespeto ko rin ang gusto niya. Isa pa, hindi ko rin alam kung ano ang mangyayari kung sakaling sabihin ko na sa kanya ang lahat ng nalalaman ko ukol sa kwento ni Jose. Malamang ay may magbago sa kwento o may mangyaring hindi inaasahan.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon