Kabanata 15: Ang Lihim na Regalo

40 3 0
                                    

Medyo napasarap ang tulog ko ngayon kaya hindi ko namalayan na tanghaling tapat na nang ako ay gumising. Dapat ay dumating na ang kawal na maghahanda sa akin, ngunit hindi ko siya mahagilap kahit saan. Isa lang ang ibig sabihin nito: wala ulit balak lumabas si Alana ngayon. Kakailanganin kong pumunta sa kanya at manatili sa tabi niya sa lahat ng oras.

Kung hindi ako nagkakamali, umabot na rin sa sampung buwan ang pamamalagi ko rito bilang personal na tagapagsilbi ni Alana. Wala masyadong nangyaring kung ano sa sampung buwan na lumipas kaya ang maisasalaysay ko lamang ay ang araw-araw na kailangan kong gawin bilang isang personal na tagapagsilbi.

Mataas na ang araw ngunit hindi ko pa rin kailangang bumangon sa aking higaan na punung-puno ng dayami. Kung lalabas ang aking amo, darating na ang isang kawal upang itali ang aking mga kamay (hindi na talaga ito kailangan, sa tingin ko), saka ako dadalhin kay Alana. Hindi ganon kalayo ang mga pinagdadalhan ko kay Alana. Mga ilang minuto lang siguro ang kailangan kong takbuhin para marating ang lugar na gusto niyang puntahan. Wala na rin naman siyang ibang pinapagawa sa akin sa tuwing lumalabas kami. Napapaisip tuloy ako minsan kung bakit hindi na lang siya nagpabili ng isang kamelyo kung ganito rin lang ang ipapagawa niya sa akin, ngunit hindi na rin ako makapagreklamo dahil may mga bagay na maaari ko nang gawin ngayon, o mas mainam na sabihing hindi ko na kailangang gawin ngayon.

Una, maaari na akong kumain ng mga ibinibigay na prutas sa akin anumang oras. Hindi ko ito magagawa kapag isa pa rin akong alipin sa bahay ni Potifar. Hindi ako sigurado kung papaano ito nangyari, ngunit nasanay na ako na puro prutas ang kinakain ko sa mahigit na sampung buwan na pamamalagi ko dito. Ang mga prutas na ibinibigay nila sa akin ang siyang nagpapalakas sa akin nang hindi ako pinapataba o pinapalaki ang aking mga kalamnan. Malamang ang gusto ni Alana ay panatilihin akong maliksi. At hindi ko na rin kailangang kumuha ng sarili kong pagkain dahil mayroon nang nagdadala nito para sa akin.

Ikalawa, at ang mas mahalagang dahilan kung bakit nagugustuhan ko na dito sa lugar na ito, ay ang dahilang wala pa sa kahit sino dito ang nakakaalam ng buong pangyayari bago ako makulong. Hindi nila alam, o wala silang pakealam. Ayos lang kung kahit alin sa dalawang iyon dahil hindi ko gustong pinagtitinginan ako ng iba na halatang iniisip ang pangyayaring iyon. Mas masaya pa dahil hindi lang si Anuk-Solamun, kundi pati si Potifar ay hindi ko na kailangang makita kahit kailan.

Pero syempre, hindi ko pa rin maiiwasan na mangulila sa ilang mga nakilala ko na rin sa pinanggalingan ko. Iniisip ko kung ano na ang ginagawa ni Yuyagahor ngayon sa bahay ni Potifar. Sampung buwan na rin ang lumipas kaya bumili ulit sila siguro ng mga bagong alipin at ilan ulit sa kanila ang kaniyang sasanayin upang maging kawal ng Faraon tulad niya. Biglang pumasok sa isip ko na baka nakahanap ng paraan si Anuk-Solamun upang gumanti kay Yuyagahor at baka napagbintangan na rin siya ngayon sa krimeng hindi naman niya ginawa, tulad ng nangyari sa aming dalawa ni Jose.

"Apo dyusko, hindi na nga pala mangyayari iyon," napabuntong-hininga kong pagmamaktol. Naalala ko na pinalayas na nga si Anuk-Solamun sa bahay ni Potifar. Kung sakaling ako man si Anuk-Solamun, wala na akong mukhang ihaharap kahit kanino pagkatapos ng pangyayaring iyon.

Tungkol naman kay Jose, wala rin akong alam kung ano na ang pinagkakaabalahan niya sa loob ng bilangguan ngayon. Matagal-tagal pa ang kanyang hihintayin bago siya ipatawag ng Faraon.

Mainam din sana kung napunta si Jose dito sa lugar na ito. Hindi ito tulad sa bahay ni Potifar na puno ng malisya ang mga amo doon. Iba nga lang ang trato sa akin dito, pero wala na akong maihihiling pa. Magiging ayos kay Jose ang ganitong kapaligiran kaysa sa loob ng bilangguan. At syempre, para naman magkaroon ako ng kasalitan sa pagsakay ni Alana sa akin.

Pero sa tingin ko, pati si Alana ay kailangan din ng isang taong maaari niyang kausap. 'Yung kausap na maaaring sumagot sa kanya. Bihira ko siyang makita na kasama si Potifera. Sa tingin ko ay wala rin siyang ibang makausap sa loob ng bahay nila. Sa hindi ko rin malamang dahilan, hindi siya mahilig makipag-usap sa akin. Ewan ko ba kung may galit siya sa mga lalaki o mabaho lang ang hininga ko, ngunit sa tingin ko, mas malaki ang tsansa na mangyari ang una. Ganumpaman, minsan-minsan din siyang nagku-kwento sa akin at sa mga panahong iyon, marami siyang naikwento sa akin tungkol sa kanyang buhay.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon