Kabanata 23: Ang Hindi Naimbitahang mga Panauhin

28 1 0
                                    

Napakadilim ng buong paligid. Wala akong makita ni isang bagay, maliban sa dalawang malalaki at pulang mga mata na nakatitig sa akin mula sa malayo. Hindi ko rin sigurado kung nakatayo ba ako o nakahiga; tila lumulutang lang ako sa kawalan. Maya-maya, biglang lumapit sa akin ang mga pulang mata at may narinig akong isang magaspang na boses na nagsabing...

"Akin ka!"

Bumalikwas ako ng bangon dahil sa aking napanaginipan. Nawala na sa isipan ko na mayroon akong katabing natutulog sa aking kama. Agad akong humingi ng tawad ngunit nakita kong wala siya sa kinahihigaan niya.

"Alana?" tinawag ko siya.

Lumabas si Alana sa palikuran ng aming kwarto pagkatawag ko sa kanya. Halatang matagal siyang namalagi sa loob ng palikuran dahil tumutulo ang pawis mula sa mukha niya.

"May problema ba, Juan?" usisa ni Alana.

"Ah, wala naman... um, pagkagising ko kasi wala ka sa tabi ko, tapos... ano..." pautal kong sagot sa kanya. Humikab ako nang matagal bago ulit nagsalita. "Teka, mukhang matagal ka sa loob ng palikuran, ah?"

"Hindi naman sa ganon," mabagal niyang sagot habang umupo ulit siya sa aming kama. "Meron lang tumutol sa nakain ko siguro kagabi. Ewan ko ba, pagkagising ko, nahihilo ako dahil doon."

Humarap ako kay Alana. "Alam mo naman na labis akong nag-aalala sa tuwing nangyayari sa iyo 'yan, 'diba? Ayaw kong magkasakit ka sa labis mong pagkain."

Itutuloy ko pa sana ang aking sasabihin sa kanya ngunit naisip kong hindi na lang ituloy. Sa lahat ng pwede mong sabihin sa isang babae, huwag na huwag mong sasabihing tumataba siya, kahit na biro lang ito. Pero hindi ko maikakaila na napapansin kong medyo lumalaki na nga ang kanyang tiyan dahil dito.

"Juan, huwag kang mag-alala," sabi niya habang hinaplos niya ang pisngi ko. "Hindi naman siguro ito seryoso. Oo nga pala, narinig kitang sumisigaw bago mo ako tawagin. Ano pala ang nangyari?"

Gusto ko pa sanang ipagpatuloy ang usapan namin ni Alana tungkol sa kanyang kalusugan, ngunit sinagot ko na lang ang kanyang tanong dahil sa tingin ko ay tama rin siya. "May napanaginipan lang ako siguro. Um..."

Ngunit wala na akong maalalang kahit ano tungkol sa aking panaginip. Ni hindi ko matandaan kung bakit ako bumalikwas ng bangon kanina.

"Sa tingin ko dahil sa trabaho iyan," sabi ni Alana. "Kailangan mo ring maghinay-hinay minsan. Natatandaan mo ba iyong nangyari kay Ama noong isang araw? Iyon ang dahilan kung bakit tayo lalabas lahat sa araw na ito. Samantalahin mo na rin ito upang makapagpahinga ka sa lahat ng tungkulin mo."

Tandang-tanda ko pa ang nangyari dalawang araw na ang nakakaraan. Bumisita kami ni Alana kay Potifera (na kung hindi ko pa nasasabi ay biyenan ko na nang limang taon) noong isang araw. Nadatnan namin siyang balisa at halos hindi makapagsalita; tila malalim ang iniisip.

Nalaman na lang namin maya-maya nang nagkwento na siya sa amin na galing siya sa isa niyang kababata upang bumisita at mangamusta. Sinabi sa kanya ng mga kamag-anak ng kanyang kababata na dalawang taon na itong pumanaw dahil sa katandaan. Sinabi sa amin ni Potifera na nag-aalala siya para sa kanyang sarili dahil maaaring sumunod na rin siya anumang araw.

Sa kaso ko naman, masasabi ko ngang abala kami sa aming mga tungkulin, ngunit hindi pa naman ako naaapektuhan nito nang lubusan, sa tingin ko. Pero kung sabagay, may punto si Alana sa nabanggit niya kanina.

"Tama ka," nasabi ko pagkatapos kong mag-isip nang matagal. "Kung sabagay wala talagang mangyayari sa atin kung magmumukmok na lang tayo sa isang tabi. Mas maganda kung magkaroon din ng saya minsan, 'diba?"

Simula pa lamang ng tagtuyot, bumigat ang aming trabaho ni Jose dahil kami ang may hawak ng rasyon ng trigo sa lahat ng mga mamamayan ng Egipto. Kailangan ding dumaan sa amin ang mga dumadayo sa aming bansa bago sila makapamili ng trigo sa amin.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon