Kabanata 7: Lahat ng Paumanhin

61 4 9
                                    

Pagdating sa pag-aaral, hindi ko alam kung ano ang iisipin ko. Kung dati, ang problema ko ay sa Anatomy, ngayon, sa Physiology naman. Hindi ko na masyadong problema ang Anatomy ngayon dahil medyo mas dumadali na ang mga aralin namin doon. Doon naman ako sa Physiology sobrang nahihirapan. Hindi ko na maintindihan ang mga aralin namin at mas lalo nang humihirap ang mga tanong sa aming mga pagsusulit. Ang iniisip ko na lang para hindi ako masyadong manamlay ay wala na akong problema sa iba pa naming mga subjects.

Parang hindi ko rin namamalayan ang pagdaan ng mga araw dahil sa dami ng aming mga ginagawa. Tambak pa rin na trabaho ang binibigay sa amin ng aming mga propesor. Naaalala ko tuloy noong nasa kolehiyo pa ako ang mga pinapagawa sa amin noon. Naisip ko na lang na hindi pa pala kami masyadong pinapahirapan noon kumpara ngayon. Kahit si Kuya Chuck, nag-aalala na rin sa akin sa tuwing makikita niya ako na kaharap ang tablet ko habang nagbabasa ng mga aralin namin.

“Jay, ano ba ‘yang pinasok mo?” sabi sa akin minsan ni Kuya. “Hindi ba mas ayos kung nagtatrabaho ka na sana ngayon?”

Napaisip ako saglit sa sinabi sa akin ni Kuya. May punto rin siya sa sinabi niya. Kung sakaling hindi na ako nagtuloy sa Medisina, malamang ay nakahanap na ako ng trabaho ngayon at hindi na sana ako masyadong nahihirapan sa tambak na aralin ngayon.

Pero sinabi ko na lang sa kanya, “Ito lang naman ang gusto kong maging trabaho pagkatapos ko. Malusutan ko lang ito, ayos na ako.”

“Siguro nga tama ka,” sabi ni Kuya, “pero sigurado ka bang kaya mo ‘yan? Alam mo, sa tinagal-tagal nating magkasama ng kwarto, ngayon lang kita nakitang nahihirapan nang ganyan.”

Hindi na ako nag-isip ng sasabihin. “Huwag mo namang sabihin ‘yan, Kuya. Ginusto ko naman ito, kaya kakayanin ko na lang.”

Sa dami ng mga ginagawa namin minsan, naiisip ko rin na itigil na lang ang lahat ng aking ginagawa, maglagay ng tanda sa aking noo na nagsasabing ‘Out of Order,’ at matulog na lang sa buong araw na iyon. Ngunit hindi. Ako ay isang ulirang estudyante at kailangan kong ituloy ang aking ginagawa para sa kinabukasan ng bayan. Hrgh!

Kung marami kang ginagawa, hindi mo talaga mamamalayan ang paglipas ng mga araw. Napatunayan ko nga ito nang makita ko sa kalendaryo na nalalapit na ulit ang aming ikalawang markahang pagsusulit. Saktong kagagaling namin sa simbahan, kung saan ko iniasa ang lahat sa Kanya pagdating sa patutunguhan ng pag-aaral ko. Tandang-tanda ko pa ang sermon ng pari tungkol kay Juan Bautista at ang dahilan kung bakit naasar ang hari sa kanya. Ngunit wala na akong panahong magpahinga o magnilay-nilay sa lagay na ito. Nagkaroon man Siya ng panahong magpahinga sa ikapitong araw, isa lang akong tao at wala akong mararating kapag nagpahinga lang ako sa araw na ito.

Inaayos ko ang lahat ng aking mga handouts bilang paghahanda sa pag-aaral nang kumatok sa pinto si Mama.

“Jay, pwede ba kitang makausap?”

Itinabi ko ang mga handouts ko at nagsabing, “Sige po, anumang oras po, Ma.”

Saktong wala si Kuya at may date sila ni Ate Ice kaya umupo si Mama sa kama niya. Wala rin ngayon si Papa dahil may inaasikaso daw siya sa korte.

“Jay, alam kong tinanong na sa’yo ito ng kuya mo, dahil nakikita naman naming lahat dito sa bahay na puspusan kang mag-aral para sa lahat ng mga subjects mo,” sabi ni Mama. “Pero nitong mga nakaraang araw, parang lagi ka nang nagkukulong dito sa kwarto mo para sa pag-aaral mo. Halos wala ka nang oras para sa sarili mo. Huwag mo sanang masamain, pero gusto ko ulit itong itanong sa’yo. Sigurado ka nga bang kaya mo ang mag-aral ng Medisina?”

Alam kong hindi ko nasagot nang maayos si Kuya Chuck sa tanong na ito kaya nagkaroon ako ngayon ng pagkakataong pag-isipan ito. Kung tutuusin, kinakaya ko pa naman ang pag-aaral dito, ngunit inisip ko ang mga hindi ko nagagawa dahil sa pag-aaral ko. Dati, nakakalabas pa naman ako sa apartment para makipag-usap na mga kapit-bahay. Madalas din kaming makapamasyal nina Mama, Papa, at Kuya Chuck pagkagaling namin sa simbahan. Ngayon, dahil sa dami ng aking mga ginagawa, hindi ko na nagagawa ang mga ito. Agad na kaming dumideretso pauwi pagkagaling naming sa simbahan.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon